National ID system

PALAGING may kulang sa kahit anong proseso. Sabi nga, walang perpektong sistema.

Dito sa pamamahagi ng tulong ng gobyerno, local man o national, hindi talaga maiiwasan ang pagkukulang. Pero ang importante sa lahat, nararamdaman natin ang pagkilos ng pamahalaan sa gitna ng krisis dahil sa virus. Ito iyong literal na sinasabing "the government is on top of the situation." Bigyan naman natin sila ng credit na angkop para sa men and women sa gobyerno.

Sa ngayon, nasa poorest of the poor ang buhos ng tulong. Pero marami pa rin tayong naririnig na reklamong hindi pa inaabot ng biyaya. Sa iba, nagkaroon na ng second wave, dumating na ang tulong ng lokal, inabot agad ng social ameloriation program ng DSWD.

Ang problema, iyong iba, inabutan naman ng malas kasi, kahit tulong ng barangay ay wala pang dumarating. Magkakaroon na ng backlog dahil kasama na sa mga tutulungan ang  middle class na palaging salingpusa sa saklolo ng gobyerno sa mga nakaraan.

Nakikita natin ang pagsisikap na pamahalaan na mabigyan lahat dahil nga maraming nawalan ng kita dahil sa halos 30 days nang lockdown mula pa noong March 15. Ngayong araw, kung hindi na mapalawig dahil sa maraming matigas ang ulo, may natitira pang 15 days hanggang April 30 ang enhanced community quarantine  sa Luzon

Ang nagiging problema ng gobyerno sa paghahatid ng tulong ay ang kawalan ng master list ng kanyang populasyon. Dito nga dapat pumasok ang national ID system.

Ilang Presidente na ang dumaan, hindi ito naipatupad dahil nga maraming tamang hinala sa ating bayan. Pero may batas na ito na napagtibay dalawang taon na ang nakakaraan kaya umaasa tayong maipatupad na ito ng Duterde administration.

Ang dami kasing kolorum sa atin, lalo na kung hindi nagbabayad ng buwis or nasa informal sectors. Ano ba naman ang nakakatakot sa centralized ID system kung wala ka namang ginagawang kalokohan?

Ang nakalagay namang detalye sa national ID ay mga detalye rin na ibinigay na natin sa pag-apply ng driver's license, SSS, PAG-IBIG at mga private transactions. Sa pamamagitan ng ID system, isang pindot lang, alam na kung anong classification ka ng populasyon at kung saan puwedeng ihatid ang tulong ng gobyerno.

Dapat ang bawat lokalidad ay may ganitong master lists ng kanilang populasyon para sa easy tagging. Ang problema rin kasi ng ibang lokal, ang hawak nilang master list ay mga flying voters at mga voters nila. Iyon namang listahan ng mga hindi botante, hindi rin nila isinasama sa mga tinutulungan. Ogag, di ba?

Ang alam natin may initial implementation na ang Philippine Statistics Authority para sa paglalatag ng national ID system. Sana nga magawa na ito para sa present at future help ng gobyerno sa mga mamamayan.

Kaysa naman sangkatutak ang ID natin sa ating mga wallet, mas makabubuti ang national ID dahil may sariling number ka na rito at lifetime mo na itong magagamit. Ang kailangan lang din talaga rito ay  matiyak na hindi magagamit sa political harassment ang mga data sa ID system dahil aminin man natin o hindi, may mga nagsusulputan talagang bugok na pulitiko sa ating bansa.

Panahon na para umalis sa tayo sa primitive stage, kailangan na nating mag-digitalized, computerized at centralized ID para hindi nating dinaranas ang deprivation ng tulong ng gobyerno kapag panahon ng krisis na tulad nitong COVID-19.

Palagi na lang poorest of the poor ang nakikinabang. Nagugutom din po ang working class at mga tax payers kapag hindi nakapagtrabaho ng isang buwan.

allanpunglo@gmail.com