Natutuwa sa pagpuna sa gitna ng krisis

March 25, 2020

SA mga ganitong panahong humaharap ang bansa sa kakaibang pagsubok, hinahanapan ko ng tamang katwiran kung saan humuhugot ng lakas ang mga tao na kaya pa ring bumatikos sa gobyerno, sa mga pribadong indibiduwal at sa lahat ng bagay na kanilang nakikita.

Higit pa ito sa Ondoy, higit pa ito sa Yolanda at mas matindi ang covid19 sa lahat ng klase ng unos na dinaanan ng bansa sa maraming dekada. Apektado rito ang kabuhayan ng buong mundo, walang nakakaligtas sa masamang idinudulot nito sa kahit anong uri ng tao, mayaman man o mahirap.

Karapatan naman nating lahat na ibuga  ang ating saloobin sa mga bagay na ating nakikita o sa mga taong ayaw nating nakikita ang pagmumukha. Pero di ba naman, kahit saan, kailangan mo rin ng timing?

Masama rin ang idinulot ng social media dahil dito mo makikita na kung minsan, mas matindi pa ang tao kaysa sa hayup.

Iyong tipong lahat na lang ng galaw ng gobyerno ay wala ka nang nakitang tama, konting kibot, tuwang-tuwa ang iba sa paghataw sa mga pagkukulang. Wala namang perpektong sistema, palaging may kulang yan sa kahit anong aspeto.

Ang importante naman dito ay iyong pagsisikap na makatugon ang gobyerno sa dambuhalang problema sa epekto ng virus. Ang malungkot, hindi natin nakikita ang positibong pagkilos ng national at local government. Para sa iba, lahat mali, lahat kulang!

Hindi ito pagmemenos sa kahit anong aspeto, kung ikukumpara sa ibang mga bansa, maliit ang bilang ng mga biktima rito. Bagama't walang dapat ipagpasalamat konti man o marami ang biktima, ang gusto nating ipunto ay agresibo naman ang pamahalaan na pigilan ang paglaganap ng virus. Wala tayong nakitang kapabayaan sa kahit anong pagkakataon magmula nang pumutok ang problemang ito kaya hindi natin alam kung saan humuhugot ang iba para makadagdag pa sa bigat na dinadala ng gobyerno.

Parang nanonood lang sila ng basketball, sa tuwing hindi makaka-shoot o madadapa ang sinumang players, panay ang boo. Walang kinakampihang team, ang gusto lang makagulo sa laro!

Ganoon ang iba nating kababayan, humahanap lang sila ng ikasisira ng kanyang bansa. Kampi lang siya sa kanyang sarili, gusto lang niya lumutang ang magaling na istilo ng kanyang pagpuna at wala siyang pakialam kung ano man ang maging resulta ng ginagawang paglutas sa problema.

Doon siya nakakakita ng contentment, ang batikusin ang lahat ng kanyang nakikita dahil iyon ang nagpapasigla sa kanya, iyon ang nagbibigay ng kasiyahan sa kanya.

Madali mo silang makikilala, sa sandaling magkaroon ng kapistahan at fireworks kapag natapos ang problema sa virus, sila iyong mga taong pinakamalungkot sa isang sulok!

Huwag na sanang dumami ang lahi nyo!

allanpunglo@gmail.com