Navotas City Jail COVID-free pa rin

August 26, 2020

HINDI lahat ng pasilidad na nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay ligtas sa panganib na dulot ng nakamamatay na sakit na COVID-19.

Taliwas kasi sa unang ulat na mas ligtas ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa loob ng pasilidad ng BJMP dahil hindi sila nakakagala, may mga pasilidad na naapektuhan na ng virus, maliban pa sa mga bilanggo na nasa pamamahala naman ng Bureau of Corrections (BuCor).

Pero dito pala sa Navotas City Jail (NCJ), napanatili ng mga opisyal sa pangunguna ng kanilang warden na si Chief Insp. Atty. Ricky Heart Pegalan na maging COVID-19 free ang pasilidad hanggang sa kasalukuyan mula pa nang pumutok ang pandemya noong buwan ng Marso.

Kabilang kasi sa mga mahigpit na panuntunang ipinatupad ni Atty. Pegalan ang total jail lockdown mula pa noong Marso 15 hanggang sa kasalukuyan na nangangahulugan na walang sinuman ang pinapahintulutang pumasok o lumabas sa loob ng pasilidad, lalu na ang mga dalaw, maliban sa mga supply ng pagkain na masusing nirerekisa ng mga jail officers.

Dahil bawal ang lumabas at pumasok sa pasilidad, lahat ng mga naka-duty na jail officers ay maglilingkod ng 24-oras sa loob ng 50-araw ng hindi lalabas sa pasilidad bago sila palitan ng mga karelyebo para magbakasyon naman ng 50 ring araw.

Ayon kay Atty. Pegalan, ang lahat ng mga papalit na jail officers ay kinakailangan munang sumailalim sa swab test at papayagan lamang na mag-duty ng 50 araw, kapalit ng mga nakapag-duty na, kapag negatibo sila sa resulta ng swab test, batay sa pag-aproba ng BJMP Regional Office.

Bukod naman dito ang tatlong team ng mga jail officers na nagpapalitan naman para mag-duty sa labas ng pasilidad, hindi lamang para magbantay, kundi sila rin ang naaatasang magtungo sa mga lugar kung kinakailangan, tulad pagtungo sa Regional Office.

Hindi nama nababagot ang mga PDL sa NCJ dahil pinapayagan ng Warden ang e-dalaw o electronic dalaw mula araw ng Martes hanggang Sabado bagama’t kinailangan nilang sumunod sa schedule upang lahat ay mapagbigyan.

May inilaan aniya silang tatlong tablet para sa mga PDL upang makausap at makaugnayan nila ang kanilang pamilya at mahal sa buhay na paraan upang hindi sila mabugnot sa loob ng pasilidad.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Atty. Pegalan na nasa kabuuang bilang na lamang na 999 ang mga PDL sa NCJ mula sa mahigit sa isang libo dahil sa kabila ng total lockdown sa buong pasilidad, tuloy pa rin ang pagdinig sa kanilang kaso sa pamamagitan ng video conferencing kaya’t marami na ang nakapaglagak ng kaukulang piyansa para sa pansamantalang paglaya.

Marshal, nagkalat sa PNR

Nagpakalat pala si Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno ng kanilang mga sariling marshals upang hindi makalusot ang mga pasaway na pasaherong hindi tatalima sa mga panuntunang ipinaiiral ng Inter-Agency Task Force sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay GM Magno, hindi maiaalis na may mga pasaherong pasaway na nagnanais makasakay kaagad sa tren lalu na’t limitado lamang ang kapasidad ng pasahero ng bawa’t bagon upang maiwasan ang pagkukumpulan na dahilan ng pagkakaroon ng hawahan ng mapanganib na sakit na COVID-19.

Bukod sa mga marka kung saan dapat tumayo ang mga pasahero habang naghihintay ng biyahe ng tren, may mga inilagay ding anunsiyo ang PNR na dapat sundin ng mga mananakay kabilang na ang pagsusuot ng face mask at face shield.

Mahigpit ding ipinagbabawal sa loob ng tren ang pagtawag o pagsagot sa kanilang mga cellular phones ng mga pasahero bagama’t puwede naman silang magpadala o magbasa ng mga mensahe sa kanilang mobile phone.

Nagpaalala rin si GM Magno sa mga pasahero na huwag ng magtangka pang sumakay ng tren kung lalagpas sa 37.8°C ang temperatura ng katawan lalu na’t mayroon silang thermal scanners na susuri sa mga pasahero. Hindi rin pahihintulutang sumakay ang mga senior citizens, mga babaing buntis at mga may may edad na 20 pababa.

Tiniyak naman niya na kada biyahe ng tren ay nagsasagawa sila ng disinfection at sanitation sa loob ng bawa’t bagon habang may inilagay na lugar sa bawa’t istasyon na paghuhugasan ng kamay ng mga pasahero, maging ng kanilang mga kawani, upang mapanatili ng bawa’t isa ang kalinisan.

Mga pasaway sa blumentritt ,sinampolan

Sinampolan ng mga pulis ang mga pasaway na vendors at mamimili na walang suot o hindi maayos na pagsusuot ng face mask sa Obrero Market, lalu na sa malawak na extension ng pampublikong pamilhan sa Antipolo St. at mga lansangan ng Felix Huertas, Oroquieta, M. Hizon at P. Guevarra na pinupuwestuhan ng mga vendors matapos silang hulihin araw ng Martes.

Mahigit sa 100-katao ang kinalap ng pulisya na pawang hindi tumatalima sa panuntunan sa pagsusuot ng face mask at face shields, bukod sa lumalabag pa sa social distancing.

Sana, tuloy-tuloy ang maging operasyonng pulisya sa lugar, hindi lang sa mga walang suot na face mask kundi sa mga vendors na sinasakop ang malaking bahagi ng lansangan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363