NBI CHIEF ERIC BITOON DISTOR

MASAYA ang NBI ngayon!

Dininig ang panalangin nilang sana’y 'tagaloob' pa rin ang ipalit kay NBI Chief Dante Gierran na nag-retiro sa edad 65-taong gulang noong nagdaang Pebrero 22.

Ang pumalit kay Gierran ay si NBI Deputy Director for Intelligence Eric Bitoon Distor na isang Certified Public Accountant (CPA) at produkto ng University of the Philippines (UP) Visayas.

Mula sa pagiging  line-agent nang pumasok sa NBI taong 1998, si Distor ang isang klasikong halimbawa ng kagawaran na rose-from-the-rank sa serbisyo hanggang marating ang kinauupuan ngayon bilang ika-26 na NBI chief ng bansa.

Tulad ni Gierran, personal na kakilala ng Pangulong Duterte at ni Senador Bong Go si Distor. First name basis nga kung tawagin siya ni President Duterte.

Humawak si Distor ng mga sensitibong posisyon kabilang ang pagiging Ex-O (executive officer) ng NBI-Southern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) sa Davao City mula taong 2013 hanggang 2015.

Naging cybercrime chief ng NBI Mindanao Cluster sa Davao City noong taong 2016 at NBI Internal  Affairs chief bago itinalaga bilang Intel chief ng buong kagawaran.

Ang bilin sa kanya ni Justice Secretary Menardo Guevarra ay ipagpatuloy ang magandang trabaho, kalakip ang pagkakaroon ng ‘transparency.’

Salamat sa magandang ‘performance’ ni Gierran sa loob ng apat na taong panunungkulan nito dahil muling naibigay ang tiwala ng taumbayan sa NBI.

Nasisiguro ko na marami pang magagandang plano si Distor sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang officer-in-charge ng NBI.

Una na rito ang pagiging parehas, patas, at walang takot na pag-imbestiga, pag-prosecute at pagpapakulong sa mga taong gobyerno na sangkot sa korapsiyon. Ang pagrespeto sa karapatang pantao, kalakip ang kampanya ng pamahalaan na giyera kontra droga.

At siyempre, tulad ng PNP, malalim ang pakikipag-ugnayan at pagbabantay nila kontra sa terorismo na problema rin sa buong mundo.

Patungkol sa kapakanan, kagalingan, panga ngailangan ng bawat NBI employees at mga ahente nito, umasa silang higit pang isusulong ang modernization program lalo’t uumpisahan nang gawin para maging bago ang kanilang NBI headquarters sa Taft Avenue, Manila.

Ngayong si Eric Distor ang pinuno ng NBI, malaki kaagad ang nakaatang sa kanyang trabaho.

Lalo na ang isyu sa Pastillas Scam na iniimbestigahan sa Senado ngayon at magkakaroon din ng pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Una na siyempre rito ang pangangalap ng testimonya at ebidensiya tungkol sa ibinabato ng ‘testigo’ ni opposition Senator Risa Hontiveros na si Immigration Office Allison Chiong na kumuha ng video at nagbunyag ng multi-bilyon pisong lagayan sa pagpasok ng mga POGO workers sa Pilipinas.

Maaaring marami pang kulang na ipatatawag ang Senado para sa Pastillas Scam, pero tiniyak na sa atin ng NBI na ipatatawag nila ang mga may-ari ng travel agencies na malakas magpadating ng POGO workers.  Sila ay sina  Betty Chua, Anna Sy at Liya Wu.

Sinabi sa atin ng source na inihahanda na rin nila ang imbitasyon para ipatawag sina Atty.  Ruben Casibang, naka-assign sa Visa Upon Arrival (VUA) ng BI; isang nagngangalang Fidel Mendoza, dating chief of staff ni Red Marinas na hepe ng Port Operations Division; isang alyas Rose ng Special Concern; Dennis Robles, dating Terminal Head sa NAIA Terminal 2; at si Atty. Jess Castro na chief of staff ni BI Commissioner Jaime Morente.

Dapat, imbestigahan at hingan ng impormasyon ng NBI sina Immigration Officers  Jeuell Orbeta, Viene Liwag at ang deputy terminal head sa Clark na si IO Gary Baltazar.

Kung ako kay Distor, hindi lang sa Pastillas Scam sila mag-concentrate dahil puwede rin nilang matisod dito ang malalang human trafficking papalabas ng bansa kaya mahalaga ring ipatawag nila para magbigay ng mahalagang impormasyon si IO Jayson Cutaran na marami raw nalalaman tungkol naman sa mga pinapaalis sa Middle East tulad ng Lebanon, Syria at Kuwait.

Isang babaing taga-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) naman ang possible ring maging ‘state witness’ – kasama ni Chiong – tungkol pa rin sa Pastillas Scam.

Bukod sa isyu ng ‘Pastillas,’ malaking hamon din sa kanyang liderato ang gagawing imbestigasyon ng NBI kaugnay sa ‘smuggling’ naman ng limpak-limpak na dolyar dala ng ilang Chinese nationals sa Pilipinas. Sinabi ni Senador Dick Gordon, nakaaalarma ang ganitong multi-bilyon pisong halaga na ipinapasok ng mga POGO workers na pera dahil bukod sa 'money laundering,' posibleng paraan din ito para sa unti-unting 'invasion' ng bansang China sa Pilipinas.

Sa dalawang malalaking kasong ito, masusubukan agad ang Distor leadership sa NBI na sigurado ko namang magkakaroon ng magandang resulta upang masawata na ang malalang korapsiyon sa bansa.