NBI clearance sa mga campus at airport

NASAKSIHAN natin ang ‘turn over ceremony’ noong nagdaang Miyerkules sa pagitan nina National Bureau of Investigation (NBI) outgoing Director Dante Gierran at bagong Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Bitoon Distor.

Bago nito, isang ‘anticipated mass’ na pinangunahan ni Rev. Fr. Hans Manduralang ang isinagawa sa NBI Chapel bilang pasasalamat sa mahigit tatlong taong panunungkulan ni Gierran sa kagawaran at paghingi na rin ng gabay sa nakapalaking responsibilidad na iniatang sa balikat ngayon ni Distor.

Kapiling nina Gierran at Distor ang kani-kanilang pamilya sa naturang misa na dinaluhan din ng iba pang NBI officials and employees.

Sa ‘turn over of command’ na ginanap sa NBI Gym, nanguna  si Justice Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay na nagsabing tulad ng Pangulong Duterte,  malaki ang tiwala nila kay Distor na ipagpatuloy nito ang magandang nasimulan ni Gierran sa NBI.

Buo ang loob na tinanggap ni Eric ang panibagong hamon sa kanyang buhay!
Isa sa plano nitong gawin sa NBI ngayon ay ilapit ang pag-iisyu ng NBI clearance sa lahat ng mga graduating students.

“I know it will be given, under the free NBI clearance to first time job seekers. If we can extend NBI clearance to college graduating students all over the     country,” ani Distor.

Noong April 2019, nilagdaan ng Pangulong Duterte ang Republic Act 11261 o First Time Job Seekers Assistance Act na naglalayong lahat ng mga estudyanteng bagong graduate at mag-uumpisa nang magtrabaho ay libre sa pagkuha ng NBI clearance.

Ang gustong mangyari ni Distor ngayon, hindi lang ito basta libre, kundi may mga mobile vehicles na iikot sa lahat ng campus, kolehiyo at unibersidad upang doon na mismo kukuha ng NBI clearance ang mga graduating students.

“Free before sila mag-graduate. Kesa pipila pa sila, we will go to them. We have mobile clearance, marami iyan,” ani pa ni Distor.

Ayaw na rin niyang pahirapan ang mga umuuwing OFWs sa pagpila para sa renewal ng kanilang clerance.  Plano ni Distor na maglagay ng  NBI Clearance Kiosks sa mga paliparan upang dito na lamang sila mag-apply ng renewal at magkaroon pa ng dagdag na oras para sa mga inuuwiang pamilya.

Alam ng opisyal na mahalaga ang oras at araw ng mga nagbabakasyong OFW, lalo na iyong mga may dalawa hanggang tatlong linggo lamang ang kanilang ilalaging araw sa ‘Pinas bago muli bumalik sa trabaho sa labas ng bansa.

Sa paglaban sa krimen, nangako si Distor na ipagpapatuloy ang paghahabol sa mga organisadong sindikatong kriminal lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga.  Hahabulin rin nila ang mga kriminal na nambibiktima sa internet sa pagpapalakas sa cyber crime law enforcement.

“Hahabulin natin ang mga kriminal kahit saan sila nagtatago.  The only way na makapagtago sila sa NBI ay kung ibabaon nila ang sarili nila sa hukay,” giit ni Distor.

Hinamon naman ni Distor ang mga kapwa opisyal at tauhan sa NBI na magbitiw na lamang sa tungkulin kung pagpapayaman lamang ang habol sa ahensya.  

“Get out of public office.  Hindi ka yayaman sa public service.  Kapag nag-umpisa kang tumanggap tapos ka na,” dagdag pa niya.

Si Distor ang ika-26 na NBI director simula nang itatag ito noong 1936.

Sa taong ito, lilipat pansamantala sa Quezon City ang NBI headquarters dahil papagandahin ang kasalukuyang tanggapan ng NBI sa Taft Avenue, Manila sa ilalim ng modernization program ng ahensiya.

Maaaring malaking ‘trabaho’ at ‘abala’ ito para sa ahensiya, ngunit sinabi ni Distor na hindi maapektuhan ang serbisyong ibinibigay nila sa taong bayan lalo na ang pagsugpo sa lahat ng uri ng krimen.

Tulad ng sinabi ko sa nakaraan nating column, malaking hamon ang kakaharapin ni Distor bilang pinuno ng NBI.

At ilan sa mga ito ay ang pinag-uusapan ngayong Pastillas Scam sa Bureau of Immigration, gayundin ang nakaaalarmang multi-bilyon dollar na ipinapasok sa bansa, lalo’t bukod sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), may anggulo na ring posibleng gamit ang perang ito sa terorismo o maaaring unti-unti na ring ini-invade tayo ng bansang China.