
Nelson Mandela day 2020
BAWAT taon, ipinagdiriwang ang Nelson Mandela International Day tuwing Hulyo 18, ang araw ng kanyang kapanganakan, bilang pagpupugay ng mga bansa sa mahigit apat na dekadang pagpupunyagi niya at pamumuno ng kilusan upang mabuwag sa mapayapang pamamaraan, ang hindi makatarungang Apartheid sa na pinapatupad ng minoriyang mga puti na may kapangyarihan sa South Africa.
Ang Apartheid ay galing sa wikang Dutch na ang kahulugan ay magkabukod na pamayanan. Pinagtitibay nito ang pagkakahiwalay ng mga puti na may lahing Olandes, Aleman at Pranses sa mga katutubong Aprikano. Ito ay naging opisyal na patakaran noong 1949 . Ipinaliwanag ng mga puti na sa pamamagitan ng magkabukod na pamayanan, maipapakita ang pagiging mabuting kapitbahay na utos ng banal na kasulatan.
Ngunit sa totoo lang, pinapanatili lamang nito ang paghahari at pagsasamantala sa likas yaman ng South Africa ng mga banyagang puti na bumubusabos sa mas nakakaraming mga itim na naghihirap sa isla ng kahirapan samantalang napapaligiran ng dagat ng kayaman.
Sa Apartheid, hiwalay ang mga barangay ng itim sa mga puti. Bawal mag-asawa ang magkaibang kulay ng balat. Hiwalay din ang pampublikong transportasyon, ospital, liwasan, paaralan, at dalampasigan para sa puti at sa itim. Lahat ng itim na ang edad ay 18 pataas ay kailangan kumuha ng pass, para itong pasaporte, na naglalaman ng kanyang pangalan, edad at kulay ng balat. Ang pass na ito ay kailangan bitbit sa lahat ng oras ng mga itim. Kung hindi mo ito dala, aarestuhin ka at pagbabayarin ng malaking multa.
Ang African National Congress ang samahan ng mga itim na itinatag upang tutulan at buwagin ang Apartheid. Isa si Nelson Mandela sa mga pinuno nito at palaging una sa mga martsa at kilos protesta. Ang tunay niyang pangalan ay Rolihlahla, na ang ibig sabihin sa wikang Xhosa ay pasimuno ng gulo. Ang unang guro niya ang nagpangalan sa kanya ng Nelson dahil hindi nito mabigkas ang Rolihalahla.
Sa paglipas ng panahon, tinawag siyang Madiba, ang pangalan ng kanyang angkan sa kanilang tribo. Ang ibig sabihin ng Madiba ay Tatay.
Naging abogado si Mandela at nagtayo ng bupete kasama si Oliver Tambo. Ang dami nilang naging kliyente na pinagsasakdal ng mga puti. Nagkaroon siya ng kliyente na inakusahan ng panggagahasa ng isang babaeng puti. Napa abswelto niya ang kanyang kliyente dahil umamin ang babae na hindi siya nagalaw ng lalake. Dito naging bantog ang pangalan ni Mandela bilang mahusay na abogado at kampeon ng mga itim.
Ang nanay ni Madiba ay isa sa apat na asawa ng ama niya. Kahit hindi marunong magbasa at magsulat, ang babaeng ito ay tumanggap kay Kristo bilang Diyos at sariling taga-pagligtas. Hindi tuloy nakakapagtaka na ang mga pamamaraan at mga paniniwala ni Mandela ay hindi taliwas sa Salita ng Diyos.
Ang laban sa Apartheid ay isang patunay na ang sinabi ni Pablo sa Romans 13 ay hindi bulag na pagsunod sa utos ng pamahalaan. Hindi makatwiran ang paghahari ng ilan at pansisiil ng batas batay sa kulay ng balat ng tao. Ang babala ni Pablo ay humanda kang maparusahan kung ikaw ay lalabag sa batas.At ito nga ang nangyari kay Mandela. Hinatulan siya na makulong ng habang buhay sa paglilitis sa Rivona at ikinulong ng 27 taon sa bilibid sa isla ng Robben.
Si Mandela at mga kasama niyang miyembro ng African National Congress ay pinagmina ng limestone ng 13 taon. Nagkapaltos paltos ang mga kamay nila. Dalawang beses lang isang taon ang dalaw. Dalawang liham lang din ang kanyang puedeng tanggapin at ipadala kada taon. Subalit ang ANC ay hindi naglubay sa laban at si Winnie, ang asawa ni Mandela, ang umako ng pamununo sa pagpapalakas ng kilusan laban sa Apartheid.Ang mga bansa ay nagkaisa na sansalain ang pamahalaan ng South Africa kung hindi palalayain si Mandela at mga kasama sa isla ng Robben. Pinalaya si Mandela. Tumakbo siyang Presidente at naging kauna-unahang itim na Presidente ng South Africa mula 1994-1999.
Kung ang pananaw ni Mandela sa Romans 13 ay bulag na pagsunod sa pamahalaan, hanggang ngayon, malamang may Apartheid pa rin.
Ang mga komadrona na si Shiphrah at Puah ay sumuway sa utos ng Pharaoh ng Ehipto na patayin ang lahat ng bagong isisilang na sanggol na lalake ng mga Israelita(Exodus 1: 17). Ng sinasaway sila na ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan kay Kristo, si Pedro at mga apostoles ay nagsabi na kailangan nilang sumunod sa Diyos, hindi sa tao (Gawa 5:29). Sabi ni Santo Tomas, ang batas na hindi makatwiran ay isang pekeng batas at karapatan mo na hindi ito sundin.
Mainam na maisama ng DepEd ang buhay ni Nelson Mandela bilang modelo ng katapangan, kahinahunan, pagtitimpi, at pagpupunyagi sa aralin ng Good Manners and Right Conduct sa RA 11476.