‘Nothing to fear but fear itself’

SA kabila ng “takot” at “pangamba” na dulot nitong ‘COVID-19,’ bigla nating naalala ang sinabi ni US president, Franklin Delano Roosevelt (US president, 1933-1945), sa kanyang mga kababayan, “We have nothing to fear, but fear itself.”

Ang kanyang positibong panawagan na huwag “magpatalo sa takot” ay patungkol naman sa “sadsad” na ekonomiya ng ‘Tadong Unidos’ at iba pang mga bansa bunga ng umiigting na ‘world economic recession’ na nagsimula sa Estados Unidos sa pagbagsak noong 1929 ng ‘US stock market.’

Sa mga panahong ito, nagpapakamatay na lang (suicide) ang ilang mga Amerikano na ang pera (at kinabukasan) ay kasamang “nalusaw” sa ‘Great October Stock Market Crash of 1929.’

Kung babalikan pa nga, halos isang dekada pa lang na “nakakabawi” noon ang Estados Unidos na siya ring pinagmulan ng tinatawag na ‘Great Pandemic/Great Influenza’ (1918) kung saan milyones na mga Amerikano at maraming iba pa sa iba’t-ibang panig ng mundo ang namatay at nabiktima.

Kumbaga, sa loob lang ng isang dekada, “doble malas” ang inabot ng mga Kano, una sa nakamamatay na sakit at ikalawa, sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya. Sa dalawang insidenteng ito, “nakaladkad” pa ang halos buong mundo.

Subalit, “nagpatakot” ba si FDR? Hindi. Dahil para sa kanya, sa harap ng isang napakabigat na problema na lahat ay apektado, alam niya ang “takot ay nasa isip lang” (sabi nga ng singer natin na si ‘Coritha’).

Sa  atin namang kasalukuyang sitwasyon kung saan nga kumakalat ang nakahahawang sakit na COVID-19, katulad ni Pang. Roosevelt, naniniwala tayong mas malaking kagaguhan na magpadala o magpatalo tayo sa takot. Kailangan ba?

Bagaman sinusulat ito ay may naitala nang higit 50 ang “tinamaan” ng COVID-19, dalawa pa lang ang aktwal na biktima at ang isa pa nga sa kanila ay hindi naman Pinoy bagkus, Chinese national.

Translation? Dapat bang “magpaalipin” sa takot samantalang kumpara sa ibang nakahahawang sakit katulad ng H1N1, AIDS, TB, etc., etc., maliit lang na 2 porsiyento (2 percent) ang ‘fatality rate’ nito. Translation? Mataas at mabilis ang ‘patient recovery rate’ sa mga may sakit ng COVID-19.

Aber, naniniwala pa nga tayo na mas ‘deadly’ at higit na mas maraming nabiktima sa mga nakaraang araw ang mga kriminal na ‘RIT’ (riding in tandem), ano sa tingin mo, Boss Joey Venancio?

Para rin sa mga may paniwala sa pagpapala at proteksyon ng Poong Lumikha, ano nga ba ang dapat ikatakot at ipangamba?

Kung papansinin lang kasi natin, mga kabayan, aba’y “malinaw pa sa sikat ng araw” na “sinadya” Niya na ngayon lang dumating sa ‘Pinas ang COVID-19 dahil “alam” niya na nakapaghanda na tayo.

Una na nga rito ay mayroon tayong isang Presidente na sadyang alam ang kanyang ginagawa at sadyang may malasakit sa kapakanan ng ating bansa; masigla ang ating ekonomiya at abot-kaya ang presyo ng mga bilihin.

Eh, kung mga katulad kaya ni Ngoyngoy, ehek, Noynoy, ang nakaupo pa rin sa Malakanyang, ano kaya ang kanyang gagawin at sasabihin?

Ano nga ba ang sinabi niya sa mga nabiktima ng Bagyong Yolanda noong 2013? “Buhay pa naman kayo, hindi ba?”

At kung “tumama” kaya sa atin itong COVID-19 sa panahong sumisirit pataas ang bawat litro ng krudo at gasolina— kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, eh, marahil, mas maraming mabuburyong na mga Pilipino, hehehe!

Sa ngayon, ilang linggo nang sunud-sunod ang ‘rollback’ ng presyo ng mga produktong petrolyo at halos wala ring paggalaw ang presyo ng mga batayang pagkain (basic food prices), katulad ng bigas, isda at gulay.

Translation? Kahit idineklara ang ‘national public health emergency’ dahil dito sa COVID-19, hindi nababahala ang karamihan sa ating mga kababayan dahil ngayon ay may “ekstra” silang mga pera sa bulsa na pambili ng gamot, pangkonsulta sa doktor at pambili ng mga ‘emergency needs’ katulad ng alkohol at ‘face mask.’

Aber, kung walang pera ang mga Pinoy, may mangyayari kayang ‘panic buying’ at ‘hoarding?’ Siyempre, wala!

Kung nangyari ang “pagdapo” ng COVID-19 sa panahon ni Noynoy? Eh, di… “nganga” tayong lahat, ahahay!

Malaking bagay din ang deklarasyon ng gobyerno na “sagot” nito ang lahat ng gastos sa mga “tinamaan” ng COVID-19, hindi ba, dear readers?

Kaya nga, sa lahat ng ito, bakit kailangang mag-panic, aber?

Or, as FDR said, ‘We have nothing to fear, but fear itself!’