Opisyales ng Biñan, Gov. Ramil, hindi suportado ni President Duterte?

February 25, 2019

HIGIT tatlong dekada na ngayon (33 taon), matapos maganap ang ‘EDSA People Power Revolution (EDSA Uno).

At sa naging selebrasyon simula noong Sabado hanggang kahapon, hindi naman kataka-taka kung “nilalangaw” na ito sa paglipas ng panahon.

Dangan kasi, “nahulasan” na ngayon ang karamihan sa mga Pilipino na pagkatapos ng higit tatlong dekada ng dominasyon ng Tribong Dilawan ng mga Aquino, hindi umunlad, bagkus, nalubog pa sa kahirapan ang ating bansa at sa pagkakahati-hati ang mga Pilipino -- at tanging mga katulad nilang pamilya ng mga elitista at oligarkiya at siyempre, ang kanilang among imperyalistang US, ang nakinabang.

Bagaman, hindi nakapagtataka na sa kanilang walang katulad na pang-aabuso at panlilinlang, marami pa rin silang “natatanso” ngayon, partikular sa hanay ng ating mga kabataan, dahil nagawa nilang “baguhin” kahit ang ating “kasaysayan” sa pamamagitan ng mga ‘textbook’ sa ating mga paaralan at “pagbura” sa ano mang magagandang nagawa ng mga nakaraang administrasyon, partikular na ang rehimen ni Pang. Marcos.

Aber, hindi ba kahit nga itong paggunita ng EDSA Uno, nagawa pa nga nilang ‘official non-working holiday’ upang “idambana” ang naging tagumpay ng kanilang “kudeta” laban kay Marcos -- na inulit nila noong 2001 kay Pang. Erap?

Kung babalikan lang natin mga kabayan, we have been a victim of 33 years of deception but thankfully, no more!

Isang malaking panlilinlang lang yang EDSA Uno at naniniwala tayo na wala nang “madedenggoy” na mga Pilipino ang mga Dilawan sa mga susunod na panahon!

Kumbaga, tama na sa tatlong dekada ng panloloko! No more to the Aquino’s and Roxas’s in power! Otso Inidoro, ehek, Otso Deretso, ibasura ngayong halalan!

* * *

Bagaman nga nakalulungkot ang kagulat-gulat na pagkasunog ng gusali ng Bureau of Customs (BoC) noong Biyernes, pabor tayo sa opinyon ng mga miron sa pantalan na “mabuti” na lang at isang ‘retired Armed Forces chief of staff, sa katauhan ni Comm. Rey ‘Jagger’ Guerrero, ang ‘Customs commissioner’ nang maganap ang insidente.

Dangan kasi, bilang isang sundalo, “almusal,” “tanghalian” at “hapunan” na lang ni Comm. Jagger ang pagharap at pagresolba sa krisis, hindi ba mga kabayan?

At sa panahong nasa serbisyo siya sa militar, hindi lang krisis sa isang lugar, bagkus, sa lahat ng panig ng bansa, ang “hinaharap” ni Gen. Jagger, araw-araw!

Bagaman nga hindi rin tayo nakapunta sa pantalan sa kasagsagan ng sunog, kinumpirma naman ng mga miron na halos kumpleto ang ‘Team Jagger’ kung saan siya mismo ang ‘ground commander’ hindi pa nga umano natatapos ang sunog, aba’y may “plano” na pala agad na ginagawa si Comm. Jagger upang matiyak na ‘business as usual’ ang Port of Manila at ang buong ahensiya sa pagsisimula ng transaksyon ngayong araw, kaya, yeheyy! Mabuhay ka, Comm. Jagger!

* * *

“Nakasimangot” at “nagdadabog” umano na umalis sa Biñan City noong Sabado, si Laguna Governor Ramil Hernandez habang “yuko-ulo” din umanong umalis sa pagtitipon si Mayor Arman Dimaguila at mga kasama nito.

Ayon kasi sa mga miron, hindi “itinaas” ni PDU30 ang “kamay” ni Gov. Ramil, Mayor Dimaguila, etc., sa naging ‘campaign rally’ ng PDP-Laban sa lungsod!

Eh, kahit anong “sipat” ang gawin dito nang sino man, malinaw pa sa sikat ng araw na HINDI sila suportado ni Pang. Digong ngayong halalan, tama ba, NPC lifetime member, George Reyes?

Ayon pa rin sa mga kapatid natin sa media, ang mga tatakbo lang na mga kongresista ang “itinaas” ni PDU30 ang mga kamay -- Lenlen Alonte para sa Biñan at Benjie Agarao para sa ikaapat na distrito ng Laguna at Arlene Arcillas na tatakbong mayor ng Sta. Rosa

“Malaking bagay” na “itaas” ng presidente ng Pilipinas ang kamay ng sino mang kandidato, hindi ba, mga kabayan?

Dahil pagpapakita ito ng “tiwala” ng lider ng bansa sa “pagkatao” at “karakter” ng isang lokal na pinuno.

At sa nangyari sa Biñan noong Sabado, eh, hindi malayong “mag-isip” ngayon ang mga residente ng Biñan at nang buong Laguna, kung “dapat” pa ba nilang suportahan si Mayor Arman at Gov. Ramil?

May “alam” kaya si Pang. Rody na hindi naman alam ng mga taga-Laguna?

Marahil ang “sagot” ay “makikita” natin sa huling bahagi ng talumpati ni Pang. Rody, sa bahaging “iniimbita” niya ang mga lokal na opisyales ng Laguna na “bumisita” sa Davao City para sa kanilang “lakbay-aral.”

Ayon kasi kay PDU30, ang lakbay-aral” ng mga lokal na opisyales sa Davao City na “ipinatigil” niya noong siya pa ang alkalde, eh, nang sinabi sa kanya na sa Hong Kong (sa labas ng bansa) balak magpunta ng mga ito!

Translation? Kung sa ‘Pinas lang “mamasyal” ang mga lokal na opisyales, ‘no problem’ ito sa kanya? Pero kung sa ‘abroad,’ aba’y magsitigil kayo, hehehe!

Nabanggit natin ito, mga kabayan dahil ayon pa rin sa ilang miron, DILG secretary, Ed Año, tutulak pala papuntang Dubai ang mga opisyales ng Biñan para sa kanilang “lakbay-aral,” ahahay!

Na gagawin nila ito ngayong ‘election season’ eh, hindi maiwasan na marami ang “magtamang hinala” sa biyaheng ito, hindi ba, mga kabayan? Ito ba ay ‘junket, electioneering or both?’

Abangan!