P60K lagay sa BI kada Bumbay!

HINDI lang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang pinagkakakitaan ng ilang tiwaling opisyales at empleyado ng Bureau of Immigration (BI), kundi pati mga Bumbay na nais manatili sa Pilipinas.

Ayon sa source, aabot sa P40,000 hanggang P60,000 ang nagsisilbing ‘entrance fee’ ng bawat Bumbay na pumapasok sa bansa.

Hamak na mas mataas ang ‘tongpats’ na ‘to kumpara sa P10,000 kada lagay ng bawat POGO workers.

Nasabi ni Senadora Risa Hontiveros na kung may 1.8 milyong POGO workers na ang nasa buong Pilipinas, may P10 bilyong na ang umiikot na koleksiyon sa mga tiwaling BI employees.

Ang bilang ng mga Bumbay sa ‘Pinas, tinatayang aabot na sila sa 10,000 na ngayon at kung susumahin ang  P60,000 kada lagay, tumataginting na P600 million naman ang malamang na napaghatian ng mga taga BI—mula mismo sa mga pambansang paliparan hanggang sa kanilang main office sa Intramuros, Manila.

Simple ang ‘modus operandi’ ng Sibuyas Scheme para sa mga Bumbay.

Nakapapasok sila sa Pilipinas sa pamamagitan ng visa na nakukuha sa bansang Singapore.

Hindi na kasi hinahanapan pa ng visa papasok sa ‘Pinas ang isang turista kung sila ay may  hawak namang visa mula Singapore, Europe, Canada at Amerika.

Ang catch, papel lang ang inilalabas na visa ng Singaporean government at hindi nakatatak sa passport na kalimitan nating nakikita sa mga visa ng ibang bansa na nakadikit sa ating mga pasaporte.

Maaaring sa Singapore mismo ay may koneksiyon na ang sindikato para sa mga turistang Bumbay.

At kung totoo ang ganitong uri ng kalakaran, masasabi nating hindi ‘absolute’ na walang korapsiyon sa Singapore dahil mayroon din palang anomalya sa kanilang pamahalaan kung pag-uusapan ang kanilang embahada roon para sa mga Indian nationals.

Kung seryoso ang Malakanyang, partikular ang Office of the President at Office of the Executive Secretary, ang  Department of Justice, (DoJ), Department of Foreign Affairs (DFA) at BI mismo, maaari nilang iparating ang ganitong ‘modus-operandi’ sa mga konsulado ng Indian Embassy sa Maynila.

Dapat kumilos din dito si Ambassador Jaideep Mazumdar ng Indian Embassy, gayundin ang kaibigan nating si National Bureau of Investigation Officer-In-Charge Director Eric Distor.

Ang maximum stay ng Bumbay sa Pilipinas bilang turista ay 21-araw lamang. Sakaling mag-extend sila sa itinakdang araw na ito nang wala anumang pahintulot mula sa BI ay awtomatiko silang iba-blacklist ng pamahalan.

At dahil puro ‘henyo’ ang mga tiwaling taga-BI na miyembro ng ‘Sibuyas Group,’ nagagawa nilang i-extend ang visa ng mga Bumbay hanggang 59 days na malaking paglabag sa Immigration Law sa Pilipinas.

Ang puwede lamang bigyan ng pahintulot na 59 days na pananatili sa ‘Pinas ay ang ‘visa holder’ na mula mismo sa bansang India o may point of origin at hindi ang may hawak lamang na visa mula sa bansang Singapore.

Nakapagtatakang nabibigyan ng 9G (working visa) ang mga pumapasok na Bumbay dahil kung bubusisiin ang kanilang gamit na kompanya at labor ID, puro ito peke!

Karamihan sa mga Bumbay ay nagdedeklara rin ng lost passport at pagkakuha nila ng panibago nilang passport sa Indian Embassy dito sa Pilipinas, napapa-restamp na nila ang kanilang mga tourist visa mula sa simpleng papel lamang na galing sa bansang Singapore.

Maraming dapat kuwestiyunin sa BI hinggil sa sistemang ganito. Una, hindi dapat sila magtanga-tangahan sa bulto ng mga Bumbay na pumapasok sa Pilipinas na gamit lamang ang visa mula Singapore.

Dapat nga kung talagang naniniwala sila sa ‘good governance,’ ‘transparency’ at ‘accountability,’ naka-red flag na agad ang mga ‘turistang’ ito. Ipo-profile nila ang pasahero saka magkaroon ng maayos na monitoring kung saan sila tutuloy at kailan sila lalabas ng Pilipinas.

Sobra na ang dami ng kontrobersiyang ipinukol kay BI Commissioner Jaime Morente at kung ayaw pa niyang madagdag sa Senate investigation in aid of legislation ang  Sibuyas Scandal, ngayon pa lang ay tanungin niya sina Atty. Arvin Santos ng BI Legal Department, Fortunato ‘Jun’ Manahan ng BI Intelligence Department, gayundin ang lahat ng terminal airport sa ating mga pambansang paliparan.

Dapat malaman kung nagkaroon ba ng ‘due diligence’ sa pagbibigay  ng 9G at Alien Employment Certificate (AEC) sa mga Bumbay na nasa Pilipinas.

Kung walang ‘due diligence,’ isa lang ang ibig sabihin nito, totoo ang Sibuyas Scam na dapat ay marami ring managot sa BI, tulad ng ginawang pagsibak sa 40 BI employees patungkol naman sa Pastillas Scam.

Sa susunod, tatalakayin natin ang ‘Marriage for Sale’ sa loob ng BI para naman sa mga Bumbay na gustong maging Filipino citizen!