P731-B target ng BoC, unrealistic

February 05, 2020

TALAGA namang napakataas ng P731 bilyong tax collection target ng Bureau of Customs (BoC) sa taong ito.

Kaya nga dapat kulit-kulitin ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ang mga district collector na bigong maabot ang kani-kanilang collection target noong nakaraang buwan.

Ang mga kolektor na pinalad namang umabot sa target ay kailangang pagbutihin pa  ang pagtatrabaho dahil nandiyan pa rin ang mga ismagler/player.  

Dahil walang kabusugan ang mga ito, kasama na ang kanilang mga kakutsaba sa BoC.  

Nag-aabang lang ang mga ito na malingat sina Commissioner Guerrero.

Kaya mahalagang malaman kaagad ni Sir Jagger ang weekly revenue collection ng bawat port of entry.

Ito ay para alam niya kung sinu-sinong kolektor ang dapat niyang “sabunin.”

Ang regular na weekly o monthly monitoring ng tax collection performance ay malaki ang maitutulong para maabot o malampasan ng ahensiya ang unrealistic 2020 assigned tax take.

Ito ay hindi panggigipit sa mga kolektor kundi pantulong sa kanila para mapabuti ang kanilang “performance.”

Makabubuti rin siguro ang pamimigay ng incentive sa mga opisyal at tauhan ng isang “performing” collection district.

***

Kahit alam na nilang mahirap lumusot ang mga kontrabando sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), meron pa ring mga nagbabasakaling magpalusot.

Iyon nga lang, alam na ng mga tauhan ni NAIA District Collector Carmelita S. Manahan-Talusan kung paano ma-detect ang mga parcel (pakete) na may lamang kontrabando.

Noong nakaraang linggo nga ay nakakumpiska ang NAIA-BoC ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P600,000.

Ang mga droga ay nakapaloob sa anim na pakete.

Ang mga pakete, na nakita sa bodega ng isang courier firm, ay papuntang Israel, Estados Unidos at Papua New Guinea.

Ang tatlo sa anim na pakete ay naglalaman ng shabu na papuntang Israel.

Ang pang-apat na parcel na naglalaman din ng shabu ay bound sa Estados Unidos.

Ang panlimang pakete na naglalaman ng valium ay papuntang US.

Ang huling pakete  na naglalaman din ng shabu ay nakatakdang ilipad sa PNG.

Ang mga pakete ay isinalin sa pag-iingat ng Philippine Drug Enforcement Agency para imbestigahang mabuti ang kaso.

Congrats muli sa nga taga-NAIA-BoC.

***

Iba ang dulot na pangamba ng 2019 nCoV , hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Mabilis talagang kumalat ang nakakamatay na sakit.

Natatakot ang ating mga kababayan dahil panahon pa naman ng sipon, ubo at trangkaso sa bansa.  

Akala tuloy ng mga may sipon at ubo ay may nCoV na sila.

Kaya takot tuloy lumapit sa mga may sipon at ubo ang marami sa atin.  

Pabor lang ang sitwasyon sa mga nagnenegosyo ng face masks.

Madaling maubos ang tindang face masks.  

At ang masakit pa, may mga taong ayaw lumapit sa mga taong mukhang Intsik.

Mukhang hindi naman tama ito dahil marami naman sa mga Pilipino ay may dugong Chinese.

Saka wala naman sigurong tao, kasama na ang mga Intsik, ang gustong magpagala-gala kung siya’y may nCoV.

Siyempre, magpapa-ospital agad dahil nakakamatay ang nCoV.

Huwag naman sana tayong nagpa-panic.

Ang kailangan lang ay sumunod tayo sa mga sinasabi ng gobyerno para makaiwas sa nasabing virus.

(Para sa inyong komento at subestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com.  

Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)