Paghawak ng public funds sakit sa ulo

MAHIRAP ang mangasiwa ng salapi lalo pa’t kung hindi ito atin. Mas mahirap kung ang pondo na pinangangasiwaan ay pondo ng mga mamamayan dahil hahalukayin nila ang bawat gastusin upang malaman kung may pera na nawawala o nagastos sa maling paraan.

Parang ganito ang sitwasyon ng Malabon City government dahil sa report na may sabit pala ang financial statement o audit report ng lungsod.

Ayon sa financial operations summary ng audit report ng Malabon, ang General Fund and Special Education Fund (SEF) nito para sa taong 2012 ay nagkakahalaga daw ng P1.181 bilyon at ang nakolekta na income ay nasa P916.84 milyon lamang.

Ano ang puno’t dulo nito? Base sa report, una ay ang cash advances na umabot sa P41.818  milyon na hindi na-liquidate ng maayos. Dahil dito, ang accounts ng asset, gastos, at equity ay hindi na tinanggap dahil mahigpit na ipinapatupad ng accountable officers ng lungsod na kaagad ayusin at isumite ang nasabing cash advances na may liquidation statements o refund.

Pangalawa ay ang kanilang karagdagang allowances na nagkakahalaga ng P22.541  milyon na ibinayad sa mga pampublikong guro na nagtuturo sa elementarya at sekondarya ay ibinawas o kinuha sa SEF sa halip na sa General Fund. Hindi dapat ito ginawa dahil ang pondo ng SEF ay nakalaan para sa operasyon at pagmintena ng mga pampublikong paaralan sa Malabon.

Ang paggamit ng P10 milyon education fund under Section 10 ng Republic Act No. 9019 ay hindi umano alinsunod sa tamang paggamit ng pondo dahil ito ay nagamit daw sa pagbili ng personal at school supplies.

Hindi ba’t ang pagbili ng mga gamit sa mga paaralan ay dapat isinasama sa paghahanda ng budget sa bawat lungsod kalakip ng rekomendasyon ng iba’t ibang programa, aktibidad, at proyekto na manggagaling sa mga local school board upang masigurado ang pagsasaayos ng mga classroom, pagbibigay ng libro, at pagbili ng mga kagamitan?

Ang mga hindi naisumite na disbursements, koleksyon at iba pang transaksyon na nagkakahalaga ng P561,998 milyon at P464,886 milyon na hindi na natukoy dahil sa mga hindi naisumite na accounts mula Hulyo hanggang Disyembre taong 2012, ayon sa report. Saan ito napunta?

Naidagdag pa na ang existence, validity at accuracy ng real property tax o special education tax na nagkakahalaga ng P176,638 milyon ay hindi na rin umano matukoy dahil ito ay base lamang sa mga “estimates”. Ang accuracy at validity ng property, plant and equipment (PPE) na account ay hindi rin malinaw dahil sa pagkakaiba ng libro at report on the physical count of property, plant and equipment (RPCPPE) balance na nasa P51.238 milyon.

Ano kaya ang paliwanag dito ni Malabon Mayor Lenlen Oreta?

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com