Paging IATF, DILG and PACC!

NAGLABAS ng ‘show cause order’ (SCO) ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa tatlong provincial governors at dalawang mayors na sinasabing lumabag sa enhanced community quarantine (ECQ).

Sila ay sina Bukidnon Gov. Jose Maria Zubiri, Abra Gov. Jocelyn Bernos at Rhodora Cadiao ng Antique; gayundin sina Noveleta, Cavite Mayor Dino Reyes Chua, Mayor Gerry Natanauan ng Talisay, Batangas; Mayor Rolan Paulino ng Olongapo City at Mayor Ernesto Escutin ng Dao, Capiz.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo M. Ano, binibigyan nila ng 48-oras upang magpaliwanag ang mga local officials kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act.

Nag-ugat ito sa kabi-kabilang reklamo at sumbong na naririnig ng DILG laban sa umano’y hindi maayos na pamamalakad ng mga naturang local officials sa kanilang nasasakupan sa gitna ng pandemyang problema ng COVID-19.

At kapag nabigo aniya silang magbigay ng maayos na paliwanag, asahang kakasuhan sila ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ), sabi pa naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya. 

Bukod sa mga nabanggit na opisyal, apat na barangay officials sa Quezon City at Caloocan City din ang inisiyuhan ng SCO ng DILG.

Magandang hakbang ito para sa national government dahil sa loob ng isang buwang pagpapatupad ng ECQ, halos araw-araw ay dagsa pa rin ang reklamo ng ating mga kababayan na umanoy napapabayaan ng ilang local officials.

Sa puntong ito, gusto ko sanang ipaabot ang panawagan ng mga kababayan natin sa Cabuyao, Laguna.

Hanggang ngayon, isang buwan na ang nakalipas, ang natatanggap pa lamang nila ay isang gulay na kalabasa, dalawang kilong bigas at isang lata ng sardinas.

Hinahanap ng mamamayan ng Cabuyao kay Mayor Rommel Gecolea kung saan napunta ang inaprubahang pondo na P31 million ng Sanggunian para sa problema ng COVID-19.

Ang masaklap, may mga sumbong na maraming food factories na nakabase sa Cabuyao ang nagbigay donasyon umano sa pamahalaang lokal ngunit wala umanong nakakarating na tulong sa buong Cabuyao na may 18 barangay.

Ilan sa mga kompanyang ito ay ang Nestle, URC, Asia Brewery at marami pang iba.

Gustung-gusto umano nila manawagan sa DILG, gayundin sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinamunuan nina Chairman Dante Jimenez at Commissioner Greco Belgica.

‘Helpless’ ang pakiramdam ng Cabuyawenyo  dahil kahit anong pagkalampag sa social media ay wala silang nakukuhang tulong sa pamunuan ni Gecolea.

Iyong tipong pinabayaan na nga ng kanilang pamahalaang lokal  pakiramdam nila’y napagnakawan pa sila – bagay na dapat sagutin ng alkalde.

Sa ganang akin, magandang venue ang DILG at PACC upang ipaliwanag ni Mayor Gecolea ang mga reklamong ganito laban sa kanya.

Nakalulungkot  tingnan na marami nang taga-Cabuyao ang nag-aaway sa social media at kung talagang ‘inutil’ ang pamahalaang lokal, maliwanag ang tagubilin ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang sinumang Pilipino ang dapat pagkaitan ng tulong dahil sa krisis ng COVID-19.

Bukod dito, may isang isyu pang gustong linawin ng mga taga-Cabuyao ngayon!

Bakit daw inilibing sa gitna ng gabi ang isang namatay na COVID-19 patient?

Ang naturang libing ay nakunan ng video at inilabas na rin sa programa ng brodkaster na si Irwin Tulfo.

Panawagan nila sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na sana ay mabigyang pansin ang ganitong uri ng reklamo dahil kalusugan ng mga taga-Cabuyao ang nakataya rito.

Gusto nilang malaman kung nasunod ba ang 12-hour rule sa pag-cremate sa isang bangkay ng COVID-19 patient.

Hindi umano puwedeng idahilan na kulang ang bayad sa punerarya o kakulangan pa sa dokumento dahil mismong si Cabinet Secretary Karlo Nograles ang nagpahayag nito na sinuportahan din ni Sec. Ano.

Kung  Muslim naman ang namatay, kailangang ilagay ang mga labi sa isang airtight sealed bag, at muli dapat ilibing sa loob ng 12 oras,

Sa presensiya ng Imam ay kailangang maisagawa ang kanilang ritual, at ang COVID-19 victim ay ililibing sa pinakamalapit na Muslim cemetery.

Sa ilalaim ng Resolution No. 10 ng IATF-EID, magtatalaga ang LGUs ng puneraryang magpoproseso sa bangkay ng COVID-19 victim ganoon din sa mga patients under investigation.

Kailangan din umanong maglaan ang LGUs ng financial assistance para sa logistics, fuel, salary, at iba pang gastusin sa paglilibing.

Ang LGUs, punerarya, at mga opisyal ng gobyerno na hindi susunod sa atas alinsunod sa resolusyon ay maaaring patawan ng kaukulang  disiplina o parusa.

Sana, ang mga ganitong uri ng reklamo ay masagot nang maayos ng kanilang alkalde at dapat, may agarang aksiyon hinggil dito ang DILG, PACC, IATF dahil noon pa man sa talumpati ni President Duterte ay sinabi nitong: ‘Huwag na huwag talaga akong makarinig na corruption (not) even a whiff or whisper, I will fire you or place you somewhere!”