Pagkalalaki ni Tatad, inihalimbawa sa mikropono!

February 25, 2019

‘PINULUTAN’ na naman ni President Rodrigo Duterte si dating Senador Francisco ‘Kit’ Tatad III nang muling pasaringan hinggil sa naunang upak nito sa kanya.

Si Tatad, dati ring Press Secretary noong panahon ng Pangulong Ferdinand Marcos, ang isa sa pinakabagong binabatikos ni Duterte ngayon matapos siyang isulat sa column nito na ang Presidente ay may cancer at nagpa-kidney transplant.

Una nang binanatan ni Duterte si Tatad sa proclamation rally ng PDP-Laban sa San Jose del Monte, Bulacan noong nakalipas na araw. Dumating pa sa punto na sinabihan niyang sasampalin ito sakaling mag-krus ang kanilang landas at patunayang hindi siya inutil sakaling ipahiram sa kanya ang asawa ng dating mambabatas.

Kamakalawa ng gabi, sa harap ng 80,000 Cebuano na dumagsa sa Plaza Independencia sa Cebu City para sa Visayas sorties ng PDP-Laban senatorial bets, muling ‘pinagtripan’ ni Duterte si Tatad at sa pagkakataong ito, ang kanyang pinagdiskitahan ay ang pagkalalaki ng kolumnista.

Aniya, dahil ‘diabetic patient,’ malamang ay ‘inutil’ na ang pagkalalaki ng dating senador.

Inihalimbawa pa ng Pangulo ang isang mikropono sa harapan na nasa ibabaw ng ‘podium’ nang magtalumpati kamakalawa ng gabi.

Biro ni Digong, kapag nakataas ang mikropono, si Duterte raw iyon. Pero kapag bumaba na ito, si Tatad na iyon.

Iminuwestra pa ni Duterte ang unti-unting pagbaba ng mikropono na naging dahilan upang magtawanan ang lahat ng taong nasa plaza ng mga oras na iyon.

Kuwelang-kuwela sa mga Cebuano ang pagpapatawa ni Duterte na kahit nag-antay ng mahabang oras sa pagdating ng Pangulo -- nabilad sa araw at nalipasan ng gutom ay hindi halata dahil sa mga pagpapatawang ganito ni Duterte.

“Duterte, Duterte, Duterte!” sigaw pa ng mga tagasuporta ni Digong.

Si Duterte ay nasa Cebu kamakalawa dahil sa dalawang okasyon.

Una, namahagi ito ng certificates sa may 200 recipients ng Conditional Cash Transfer (CCT) o Pantawid Pamilya Program sa Cebu Technological University (CTU).

Bagaman halos tatlong oras na-late, matiyagang inabangan pa rin ito ng mga Cebuano na tagasuporta ng PDP-Laban sa pamumuno ni reelectionist Aquilino ‘Koko’ Pimentel. Nagsilbing ‘campaign manager’ ng ruling party si Senador Manny Pacquiao na isa-isang ipinakilala ang opisyal na kandidato ng kanilang partido.

Una na rito si Pimentel bilang reelectionist senator; si Maguindanao Rep. Dong Mangudadatu; Ronald ‘Bato’ dela Rosa; dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go; at dating presidential adviser for political affair Francis Tolentino.

Dumalo rin sa ‘campaign sortie’ ang mga guest candidates na sina dating DILG Sec. Raffy Alunan, ang makabayang mang-aawit na si Freddie Aguilar; reelectionist Senator JV Ejercito at si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Isa sa pinaka-highlight ng ‘event’ ay ang talumpati ni Sec. Mike Dino, Presidential Assistant for Visayas, na nagsabing nakasisiguro ang PDP-Laban ng Pangulo na makakukuha sila ng 1.4 milyong boto ngayong darating na May 13 midterm senatorial elections.

“This huge turnout of supporters is not a surprise. In, 2016, the Cebuanos gave President Duterte a whooping 1.4 million votes,” ani Dino na nagsabing nanatili ang suporta ng Cebuanos sa kasalukuyang pamahalaan.

“If you remember in November of 2017, we conducted a mass oath-taking for new members of the PDP-Laban in this same place. Some 50,000 of you came and took an oath to become Tatay Digongs conduit for change,” sabi pa niya.

Dagdag ni Dino, lalong pinahanga ng Pangulong Duterte ang mga Cebuano dahil sa tatlong taong nakalipas ay naibigay agad nito ang pangako sa taong-bayan tulad ng pagpapataas ng benepisyo sa SSS, ang kapipirma lamang na batas para sa ‘expanded maternity leave;’ ang Universal Health Care na iniakda ni Ejercito; ang Malasakit Center ni Go at higit sa lahat ang kampanya laban sa droga at korapsiyon.

“Atong ipakita sa atong presidente nga ang 1.4 million sa 2016 atong ibuhos og suporta ngadto sa iyang mga kandidato para sa Senado,” sabi pa ni Dino na ang ibig sabihin sa salitang tagalog ay kailangang ipakita ng mga Cebuano ang 1.4 million suporta sa mga kandidato ng pamahalaan -- tulad ng ipinakita nilang suporta noong nagdaang 2016 presidential elections.