Panalo ni Bato, Bong Go, panalo ng tao

HIGIT tatlong linggo na lang at halalan na, mga kabayan.

At papalapit sa Mayo 13, nagsisimula na nating makita ang magiging “hugis” nito kung saan nakikita rin natin ang magiging “dominante” ang mga kandidato ng administrasyon.

Sa ganang atin pa, ang kailangan ng kanilang mga kalaban, partikular na ang ‘Otso Inidoro,’ agh, ‘Otso Diretso,’ ang ‘magic’ ng ‘Hocus PCOS’ (translation: garapalang pandaraya na palagi nilang ginagawa tuwing eleksyon) upang kahit isa man lang sa kanila ay manalo,

Sa ganang atin pa ulit, mas mainam para sa bayan at sa ating Republika na bukod sa mga kandidato ni Pang. Rody, na “makapasok” sa Senado ang iba pang kandidato katulad nitong sa KDP (Katipunan ng Demokratikong Pilipino) dahil hamak na tunay ang kanilang pagiging Pilipino kumpara dito sa kampo ng mga “Dilawan” (read: Liberal Party).

Sa mga kandidato naman ng administrasyon, ang nakatawag sa ating pansin ay ang patuloy na “pag-akyat” sa  ‘rating’ ni ex-Chief PNP, Ronald ‘Bato’ dela Rosa at siyempre pa, si ex-SAP Christopher ‘Bong’ Go.

Pansinin kasi natin, dear readers. Kung sa unang ‘survey’ ng Pulse Asia noong Setyembre 2018, bago pa ang simula ng kampanyahan, ay hindi na “nawawala” sa listahan ng ‘Top 20’ sina Gen. Bato at Go, aba’y hamak pa nilang “iniwan” sa listahan itong mga kandidato ng walang kuwentang rehimen ni Noynoy Aquino.

At sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na inilabas noong nakaraang buwan, hindi ba nasa ‘Top 5’ na si SAP Bong habang “kabungguan” na ni Gen. Bato sa ika-6 na puwesto sina Sen. Nancy Binay, Lito Lapid, Pia Cayetano at Bong. Revilla, kaya... hanep!

Bago ito, sa survey ng SWS noong Pebrero, halos ganito na rin ang posisyon ni SAP Bong at Gen. Bato -- ‘coming from nowhere, they are now expected to win in the Senate race if the elections were held today,’ kaya, yeheyy!

Subalit, alam ba ninyo na may isa pang ‘survey’ kung saan ang “nag-aaway” sa ‘Number 1’ ay itong si SAP Bong at Gen. Bato?

Ang tinutukoy natin ay ang ginawang survey ng ‘Survey ng Bayan’ (SNB) noong nakaraang Marso 15 at Abril 7 kung saan ‘consistent’ ang posisyon ni SAP Bong at Gen. Bato sa ‘Number 1’ at ‘Number 2’ positions.

At ang kagulat-gulat, nasa ‘Number 4’ at ‘Number 5’ naman sina Sen. Grace Poe at Sen. Cynthia Villar na kung papansinin, “maaga” pa lang, ay “ipinuwesto” na sa ‘top positions’ sa kanilang mga survey nitong SWS at Pulse Asia.

Ang SNB, ay isang ‘survey company’ na binubuo ng mga Pilipino sa pangunguna nina Gil Ramos, PhD, at, Charlie Avila na ang ginagamit na ‘methodology’ ay ang SMS messaging kumpara sa ‘face-to-face interview’ (daw) nitong SWS at Pulse Asia. Unang natawag ang ating pansin dito sa SNB dahil kay kasamang Herman ‘Ka Mentong’ Laurel.

Ayon pa sa website nito, mayroong higit 180 milyon ‘cellphone number database’ ang SNB para sa ano mang gagawing survey kung saan karaniwan nang 100,000 hanggang 200,000 ‘cellphone users’ ang nakakalahok, hamak na mas mataas at mas kapani-paniwala kumpara sa 1,800 hanggang 2,000 ‘respondents’ (daw) ng SWS at Pulse Asia.

Aber, marahil dahil “salungat” sa gustong gawing ‘trending’ ng mga “naghaharing uri” ang resulta ng SNB survey na ang “dapat” manguna ay ang kanilang mga “tuta” sa Senado kaya hindi “pinatulan” ng mga malalaking ‘media network’ ang resulta ng SNB survey? Ano sa palagay ninyo, mga kabayan?

Whatever, wika nga, hehehe. Ang “malinaw” dito, mga kabayan, papalapit ang halalan, sadyang ang “gusto” ng karamihang mga Pilipino na manalo ngayong halalan ay ang mga katulad nitong si Gen. Bato at SAP Bong Go.

Translation? “Mulat” na ang mga Pilipino sa mga panloloko at sa maruming pulitika ng mga kandidato ng nagdaang administrasyon -- na higit tatlong dekada nilang ginagawa -- kung kaya mas gusto pa ngayon ng mga Pinoy na maluklok sa Senado ang mga kandidatong katulad ni Gen. Bato at SAP Bong Go.

Sa ganang atin pa, aba’y “kailangan” talaga sila ni Pang. Rody sa Senado upang matiyak na sa huling tatlong taon ng kanyang administrasyon ay may “maasahan” siyang mga “kakampi” na magsusulong ng kanyang mga programa para sa ikabubuti ng ating bansa at mamamayan.

Partikular na rito ang problema natin sa iligal na droga, hindi ba mga kabayan? Sa totoo lang, “kakain” pa ng mas mahabang panahon upang lubusang matuldukan ang salot na ito sa ating lipunan kung saan si Gen. Bato, bilang ‘Chief PNP,’ ang nasa ‘frontline.’

Kung babalikan sa unang bahagi ng administrasyon ni Pang. Digong, mas naging “magaan” sana ang pagresolba sa iligal na droga KUNG lubos sanang nakipagtulungan sa gobyerno ang ating mga senador.

Subalit, sa ating nasaksihan, pulos na lang “kontra” ang ginawa nitong ‘Tropang Dilawan’ sa nakaraang tatlong taon kung saan kahit sina SAP Bong at General Bato ay “kinaladkad” pa nga nila sa Senado upang “maimbestigahan.”

Sa lawak, laki at lalim ng ating patuloy na problema sa iligal na droga, ang kailangan talaga natin sa Senado ay isang “pulis” na katulad ni Gen. Bato, hindi ba, mga kabayan?

At sa kanyang pag-upo sa Senado, kasama si SAP Bong, naniniwala tayo na ang kanilang panalo ay panalo rin ng ordinaryong tao, peksman!