Panawagan ng mga importer at broker kay BoC Chief Rey Guerrero

March 19, 2020

Seryoso ang gobyerno para matigil ang pagkalat ng nakakamatay na Covid-19.

Pati sa Bureau of Customs ay skeletal force lang  ang nagtatrabaho araw-araw.

Ito ay sa kabila ng katotohanang dapat sana’y dagdagan pa ang workforce ng ahensiya para mapabilis ang paglabas ng mga kargamento sa mga pantalan.

Napakalaki ang kailangang kolektahing buwis ng BoC  sa taong ito.

Buwan-buwan, hindi kailangang bamaba sa P60.9 bilyong buwis ang dapat makolekta ng  BoC para maabot ang 2020 target na P731 bilyon.

Dahil hindi full blast ang trabaho sa aduana, patuloy ang pagsisid ng tax collection ng BoC.

Wala tayong magagawa dahil hindi ordinaryong problema ang dulot ng Covid-19.

Kagaya nang mga doktor, nurses, health workers, barangay officials, saludo rin  tayo sa mga taga-BoC, mga importer at broker na patuloy ang pagtatrabaho kahit alam nilang delikado ang paglabas-labas dahil sa covid-19.  

Kailangan nilang magtrabaho para hindi magkaroong ng congestion sa mga pantalan.

Dagdag gastos sa mga importer at broker kapag naantala ang paglabas ng mga kargamento dahil sa port congestion.

Pero ang lalong kawawa dito ay ang mga end-user o consumer.

Tataas kasi ang presyo ng mga produkto dahil ipapasa ng mga negosyante sa kanila ang dagdag na gastos.

Kagaya nang sinabi natin, wala tayong magagawa kundi mag-sakripisyo dahil ito’y hinihingi ng sitwasyon.

Naniniwala tayo na malalampasan natin ang mga problemang dulot ng Covid-19 hindi lang sa aduana kundi sa buong bansa.

Tama ba kami, BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

***

Habang sinusulat ang pitak na ito, nakatanggap tayo ng panawagan mula sa mga importer at broker.

Tinatawagan nila ang pansin si BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.

Nananawagan sila na kailangang daw magkaroon ng maayos na ugnayan ang BoC sa mga shipping lines, bangko at arrastre operators.

Mayroon kasing mga bangkong, katulad ng PNB sa pier at ilang shipping lines na sarado ng mga nagdaang araw.

Wala rin kasing kwenta ang ginagawang skeletal force ng mga taga-BoC kung sarado naman ang mga bangko, shipping lines at arrastre.

Matetengga lang ang mga kargamentong dapat sana ay mailabas agad para maiwasan ang pagsisikip sa pier.

Dapat maaksyunan agad ni Commissioner Guerrero upang hindi maging sanhi ng kalituhan at pagtaas ng presyo ng nga bilihin.

***

Hirap talaga ang taumbayan sa Luzon dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine.

Tama naman ito kasi kung hindi gagawin ito ng pamhalaan ay mas lalala ang sitwasyon.

Pero dapat siguruhin ng gobyerno na walang magugutom at mamamatay dahil sa kawalan ng pagkain at gamot.

Kung maari lang ay sa mga barangay hall na magbenta ng pagkain at gamot para hindi na kailangang mag-commute ang taumbayan.

At para hindi magsisikan sa mga barangay hall, dapat may kanya-kanyang oras  ng pagbili ng  bawat purok o sona.

Kung kaya naman ng gobyerno ay linggo-linggong magbigay ng relief goods sa mga mahihirap na pamilya.

Limitahan natin ang galaw ng taumbayan, kabilang na ang ibang manggagawa, pero huwag naman natin silang hayaang mamatay sa gutom at kawalan ng gamot.

Alam nating lahat na ibang kalaban ang Coronavirus disease.

Hindi natin nakikita ang kalaban at wala pa itong lunas.

Ang tanging magagawa natin ay sumunod na lang sa mga utos ng mga otoridad.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan  at tirahan.)