Pandurugas sa mga mahihirap

August 10, 2020

HINDI natin alam kung bakit may mga taong kayang agawan ng pagkain ang mga kababayan nating mga mahihirap.

Tuwing may kalamidad, lumalabas ang abilidad ng mga mandurugas. Mula sa relief goods, medical supplies, rescue equipment hanggang sa mga temporary shelters ay naiisipan nilang gumawa ng pera.

Halimbawa na lamang  ay itong pumutok na eskandalo sa PhilHealth, iyong pagkupit sa mga Social Amelioration Funds, iyong pagnanakaw sa 4Ps, iyong pagbili ng sobra-sobrang gamot para lang iitapon, iyong  pag-iimbak ng maraming bigas hanggang mabulok sa mga warehouse at marami pang paraan ng pagwawaldas sa pondo ng bayan.

Sobrang kawalanghiyaan na ng mga taong kayang pagnakawan ang mga mahihirap nating kababayan. Mabuti pa si RobinHoods, magnanakaw sa mga mayayaman para ibigay sa mga mahihirap, pero ang mga ganid sa gobyerno, kakaiba, magnanakaw para gutumin ang mga dukha!

Sa PhilHealth, makailang ulit nang nabunyag ang padded at ghost cataract beneficiaries para makasingil ng daan-daang milyong piso. Ngayon, heto na naman tayo, nabuking na naman ang mafia.

Sa isang banda, hindi naman magagawa ito ng Philhealth kung walang kasabwat na mandurugas na duktor or ospital.

Iyon namang SAP, ibinunyag ni Camsur Congressman Lray Villafuerte ang pagbibigay sa Bicol ng amelioration sa mga kamag-anak, empleyado at kaibigan ng ilang lokal na opisyal.

Umuusok sa galit si Lray sa Congressional hearing dahil nagkaroon ng maniobrahan sa SAP distribution on a national scale! Ang kakapal ng mukha!

Iyong 4Ps naman, gatasan din yan ng mga mandurugas sa gobyerno. Umaabot sa mahigit 5 million ang 4Ps beneficiaries pero kapag binusisi mo ang listahan, mga kamag-anak, kaibigan at kapitbahay din ni chairman ang nakikinabang. Ang masakit dito, may ATM for sale scheme na rin sa 4Ps.

Halimbawa, iyong makukuhang P3,500 or P5,000 ng 4Ps beneficiary, kukunin na ng advance sa sindikato sa halagang mas mababa ng P1,000 hanggang P1,500. Iyong mga mahihirap subalit  tamad nating kababayan at ang sindikato na lang ng 4Ps ang nakikinabang sa pondo ng bayan!

Systemic na ang korapsiyon saan mang ahensiya ng pamahalaan na kahit buhayin pa natin si Hitler para bombahin ang mga ito ay hindi mauubos! Isipin nating mabuti, sobrang higpit at masyadong mabangis si Presidenteng Duterte laban sa katiwalian, mayroon pa ring nakakagawa ng kalokohan.

Ang akala ata ng mga nagnanakaw ng pera sa mga mahihirap ay malulusutan nila ang mahabang kamay ng hustisya. Tandaan nyo ito, kapag nakatakas man kayo sa justice  system ng tao, bumabalik ang karma sa ibang paraan at sa bagong anyo.

Hindi man sa inyo, maniwala kayo, lumalatay sa inyong pamilya kalaunan ang kabulastugan na inyong ginagawa sa mga mahihirap nating kababayan.

Sabi ng Panginoong Hesus sa Banal na Aklat: ang anumang ginawa mo sa iyong mahihirap at nagdurusang kapwa ay parang ginawa mo na rin sa akin.

allanpunglo@gmail.com