Pangontra sa youth suicide

February 26, 2020

Magkakasunod ang suicide ng mga kabataan.

Ang nakakagulat, ang mga kabataang nagpakamatay ay hindi naman galing sa mga mahihirap na pamilya. Sa dalawang magkasunod na linggo, dalawang estudyante mula sa kilalang unibersidad ang tumalon sa building at tulay.

Mga ilang taon na ang nakakaraan, may nagpakamatay din na graduating student mula sa kilalang state university.

May mga ginawang pag-aaral na tumaas ang suicide incident sa bansa mula 1984 hanggang 2005. Bagama’t hindi pa rin ito maikukumpara sa Western countries na karaniwan lamang ang suicide.

Lumitaw sa mga pag-aaral dito sa atin na nasa edad 15-24 ang nagpapakamatay. Karaniwan sa mga sanhi ng suicide ay mga personal na problema, depresyon, rejection at pamilya. May mga pag-aaral din na problema sa isip ang sanhi ng pagpapakamatay.

Hindi ito magandang topic para sa kolum subalit sa tingin ko, kailangan din ng diskusyon dito hindi para humikayat bagkus ay para mabuksan ang kaisipan sa pag-iwas dito.

Totoong nagmula sa buena familia ang dalawang pinakabagong suicide, dapat malinaw din na nangyayari ito kahit sa mga  kabataan na nagmula sa mahirap na pamilya. Pero mas maliit ang porsiyento ng mga mahihirap na nagpapakamatay kaysa sa mga may kaya sa buhay.

Dito natin magagamit ang argumento na walang kinikilalang status sa buhay ang suicide. Sa isang banda, puwede ring magamit ang kaisipan na bakit mas marami pa ang suicidal youth na nasa maayos na estado.

Dito naman papasok ang argumento na hindi rin ang estado ng kabuhayan ang dahilan para sabihing protektado ka laban sa suicide.

Palagi ko itong sinasabi kahit saan at kahit kanino, life is beautiful, mas marami pa rin ang dapat nating ipagpasalamat kaysa ipagsentimiyento. Hindi ko kayang saklawan ang mental health issue dahil kailangan ng eksperto rito subalit doon mismo sa behavioural science papasok kung paano dapat tinatanggap ang mga nangyayari sa atin.

May mga pag-aaral na ang bullying at ang malawak na mundo ng social media ay contributory factor din sa mental status ng mga nagpapakamatay. Dahil sa social media posting ng lavish lifestyle, mabilis na pagpapalit ng gadgets, mga lugar na napupuntahan, mga nakakasama at mga kinakain ay one way or another, nagbibigay ng depresyon sa mga napagkakaitan nito.

Pagkukumpara sa buhay niya na salat sa maraming bagay vs sa buhay ng kaibigan o kaklase na mayroon lahat. Iyong happy family photo na nasa Facebook vs pinabayaan ng tatay or nanay ay mitsa rin ng depresyon.

Iba na ang mundo natin ngayon, ang mga kabataang tulad namin noong mga 1970s ay kuntento na sa tumbang preso, taguan pong at patintero. Masaya na kaming nanghuhuli ng palakang bukid at namimitas ng bayabas sa kapitbahay.

Umiikot ang aming mundo sa simpleng buhay, simpleng pagkain at mga simpleng kasiyahan. May mga bullying na rin naman noong araw pero limitado sa tuksuhan. Pero kinabukasan, balik ulit kami sa masayang buhay.

Sa tingin ko, ito ang nawawala sa mga kabataan ngayon na dumaranas ng depresyon at nauuwi sa pagpapakamatay. Masyado nang malalim ang hinahanap na kasiyahan.

Kaya nga babalik tayo sa basic unit of the society—ang pamilya. Hindi naman overnight, dumanas na ng depresyon ang bata.  Ang isip at karakter kasi ng isang bata ay parang babasaging kristal, kailangan mo siyang ingatan mula pagkasanggol hanggang sa formative stage.

Hindi kailangan ng updated at super expensive gadgets para mapasaya ang bata. Gumagawa lang ako ng kariton na lata or baril-barilang kahoy, napapasaya ko na ang aking mga anak noong araw.

Malaking bagay na tiyaking magkakasabay kayo kumakain at nagdarasal or gumagawa ng mga kapilyuhan (clean fun) habang sila ay nasa murang edad para ang pokus ng kanilang buhay ay masaya lang.

Wala namang perpektong pagpapalaki, palagiing mayroong kulang subalit huwag tumutok sa kakulangan, doon ka lang sa abot ng iyong kamay.

Sa bahagi naman ng kabataan, kailangan din niyang mahulma na makapamilya siya tulad ng ginagawa ng kanilang mga magulang para palagi siyang may masasandigan sa tuwing feeling left alone siya sa school or sa barkadahan. Huwag nating kalilimutan, hindi lang property ang naipapamana, pati ang karakter at ang paraan ng upbringing ng mga magulang ay transferable rin sa anak.

Itatak  natin sa isip ng atin mga anak na masaya ang buhay at huwag magpapadaig sa problema, mayaman man o mahirap ang inyong pamilya.
allanpunglo@gmail.com