Para sa mga g*g*, b*b*, t*ng* ang kolum na ito

UNA sa lahat, binabati ko ng advanced happy birthday si Ms. Tetet Gaerlan, ang kaakit-akit, masipag  at mabait na officer-in-charge ng Office of the Assistant Terminal Manager sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Nataon man sa panahon ng COVID 19 ang iyong kaarawan sa Marso 30, I’m sure happy pa din ang iyong magiging birthday. Happy returns of the day!!!

***

Pass muna ako ngayong araw na ito sa pagsusulat ng English na column. Tagalog muna. Ito ay para masigurado ko na mas marami ang makakaintindi dahil ang kolum kong ito ay buong-puso kong idine-‘dedicate’para sa mga kumag na hindi marunong makaintindi o sadyang ayaw umintindi.

Sa gitna ng mga kaganapan sa ating bansa at maging sa buong mundo dahil sa COVID 19, kumilos ang ating pamahalaan, national at lokal, sa pag-asang mapigilan ang paglaganap ng nasabing virus sa mga komunidad, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit nito, mga binabantayan o tinatawag na ‘persons under monitoring’ at ‘persons under investigation’ at ang higit na nakababahala sa lahat, bilang ng mga namamatay dahil sa coronavirus.

Anong klaseng pagkilos? Bukod sa pagbabawal sa mga banyaga na makapasok sa Pilipinas, partikular na kung sila ay mula sa mga bansang may mga kaso ng COVID 19, nagpatupad din ang pamahalaan ng tinatawag na ‘lockdown’ sa buong Luzon. Ibig sabihin hindi puwedeng maglabas-masok. Kung ikaw ay taga-Luzon, bawal ka munang lumabas. Kung ikaw naman ay nasa labas ng Luzon, ‘wag ka muna papasok sa Luzon.

At para maging mas epektibo ang mga hakbanging ito na ang layon nga ay mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa mga komunidad dahil ito ay kumakalat sa pamamagitan ng tao sa taong ugnayan, sinabayan din ito ng tinatawag na ‘home quarantine’ at curfew. Ang ibig sabihin nito, lahat ay dapat na manatili sa loob ng bahay upang maiwasang mahawaan o makahawa, sakaling sila ay apektado ng virus. Tandaan na ang ibang may coronavirus ay ‘asymptomatic’ o walang ipinakikita o nararamdamang sintomas gaya ng ubo, sipon o lagnat.

Ito ay nangangahulugan na  maaring ang isang tao ay ‘infected’ na o may coronavirus na pero hindi niya alam dahil siya ay normal lamang o walang nararamdamang kakaiba, gaya na lamang ng kaso ni Senator Migz Zubiri.  Ngayon, kung ang isang tao ay walang anumang sintomas, natural na tuloy-tuloy lang siya sa kanyang araw-araw na gawain. Wala siyang kamalay-malay na siya ay nakakapanghawa na. Gayundin, wala ring malay ang kanyang mga nakakasalamuha na siya ay may dalang virus at maari silang mahawaan o nahahawaan na pala.

Ýung ganitong uri ng sitwasyon ang dahilan kung bakit nagtakda ng curfew at ‘home quarantine’ ang ating pamahalaan. Upang putulin ang paghahalubilo  ng mga tao. Kung walang paghahalo-halo ng tao, ang dami ng makakakuha ng virus ay bababa.  Dahil 14 araw ang normal na quarantine period na pinaiiral sa mga hinihinalang may virus, mas madaling magka-alaman kung sino ang may sakit, kung lahat ay nasa bahay lang.

Pag magkaroon ng sintomas habang nasa tahanan lang, agad na humingi ng tulong sa barangay o mga itinalagang ‘hotlines’ o numero na maaring tawagan at naka-anunsiyo sa telebisyon at internet. Kukunin kayo ng pamahalaan, oobserbahan at gagamutin. Mas magiging madali din ang ‘contact tracing’ o pag-alam kung sino ang nakasalamuha ng may virus dahil nga nasa bahay lamang ito. Ang kanyang mga kasamahan sa bahay ay oobserbahan din.

Eto ang problema. Sadyang maraming Pinoy ang matigas ang ulo, makulit  at ayaw pasakop sa pamahalaan o anumang regulasyon. Ayaw sumunod sa ‘home quarantine’ at maging sa ‘curfew.’

Kung ginagawa nila ang paglabag para magtrabaho dahil hindi sila kakain kapag walang kinita sa loob ng isang araw, maari ko pang maunawaan kahit paano, bagamat mali pa rin.  Kaso, ang dami mong makikitang tambay na nag-iinuman, mga teenager na barkadahang naglalakad at dikit-dikit pa meron pang mga nagso-solvent habang naglalakad. Meron ding mga nakatambay sa plaza o parke at nagpapahangin na animo ay walang coronavirus na nagbabanta sa kalusugan ng lahat. Marami pa diyan, nagkalat pasado ng curfew. Nung nakaraang linggo lang, lima ang inaresto sa Maynila dahil nasa tupadahan.  Siyempre pa, mga hindi sila naka-facemask at walang ‘social distancing.’

Dahil sa mga tanga, bobo at gagong kagaya nila ay maba-balewala ang anumang sakripisyo na ginagawa ng nakararami laluna ng health workers, pulisya at iba pa na hinaharap ang posibilidad na mahawa dahil sa tawag ng tungkulin. Isipin nyo na lang. Sa bawat 10,000 Pinoy na nagtitiis at sumusunod sa mga regulasyon, dalawa lang ang lumabag ay maari nang maging daan ang mga ito para magkalat ng coronavirus.

Dapat sa mga pasaway na ito patikimin ng aresto at kulong nang matuto. Kung ako nga ang barangay o lokal na opisyal, sapok ang ibibigay ko diyan para tumimo sa isipan kung gaano kaseryoso ang sitwasyon.

Sabi nga, ‘extreme situations require extreme measures.’ Ang matinding mga sitwasyon ay nangangailangan ng mga matinding hakbangin.  Buhay na ng nakararami ang pinag-uusapan at hindi na biro-biro ang sitwasyong kinakaharap nating lahat sa ngayon. Umayos kayo!!

***

Jokjok (from Alvin Deogracias of Tambo, Paranaque City)---  Junjun Mendoza of Malibay, Pasay City)---Lasenggo 1: Alam mo pare, me ikukumpisal ako sa `yo./ Lasenggo 2: Ano `yun, pare?/Lasenggo 1: Dati, `ginalaw’ ko kasi ang nanay mo. Aba’y humihirit pa ng isa?Hehehe…/Lasenggo 2: Okay lang `yun./Lasenggo 1: Okay lang? Di ka nagagalit kahit `ginalaw’ ko nanay mo? Anong klaseng anak ka?/ Lasenggo 2:  Hay naku `tay, uwi na nga tayo. Matindi na tama mo eh! Pagagalitan na naman tayo ni nanay nito!

***

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.