Pasalubong kay Malabon City Mayor Lenlen Oreta

July 17, 2019

DUMATING na sa bansa makaraan ang ilang linggo ring pagbabakasyon ni Malabon City Mayor Antolin “Lenlen” Oreta III pero mukhang init ng ulo ang magiging kapalit sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga residente kapag nakarating sa kanyang kaalaman ang pagkakasangkot ng ilan niyang tauhan sa katiwalian.

Eh sino ba namang alkalde ang hindi iinit ang ulo kapag ang sumalubong sa kanya ay ang pagkakabulgar sa hinihinging arawan at buwanang timbre ng ilan niyang traffic enforcer sa napakaraming trucking company sa lungsod kapalit ng illegal na pagparada sa mga lansangan at pagbiyahe sa oras ng truck ban na may escort pa umanong traffic enforcer.

Hindi siguro alam ni Mayor Oreta na pati siya ay nadadamay sa pagmumura ng ilang operator ng mga trucking company na naaabuso sa ginagawang pangongotong sa kanila ng P200 kada truck ng traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) para lamang makaparada sa lansangan dahil akala ay may alam dito ang alkalde.

Pero in fairness naman kay PSTMO head Ret. Maj. Estelito “Jojo” Peniano, nang mabulgar ang isang alyas “Soco” na umano’y pasimuno ng naturang katiwalian, kaagad niya palang sinibak ang tauhan sa puwesto. Ibig sabihin, mabilis umaksyon ang naturang hepe.

Kaya lang, ano itong alingasngas na drama lang daw ang pagkakasibak sa alyas “Soco” dahil siya pa rin umano ang nangangasiwa sa koleksiyon ng tongpats sa mga trucking company batay sa ibinahaging impormasyon ng ilan ding traffic enforcer.

Aba, tiyak na hindi papayag si Maj. Peniano ng ganyan, baka nabubukulan na siya ng hindi pa niya alam at kung alam naman niya, hindi ba maliwanag na labag ito sa prinsipyo ng command responsibility? Ano sa tingin ninyo Mayor Oreta?

Ang mabigat pa, mismong si Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao ang nagkumpirma na isang may apelyidong Soco ang kabilang sa kanilang drug watch list at sumuko na nga raw ito noong kasagsagan ng Oplan Tokhang.

Sabi ni Col. Tamayao, may impormasyon na silang natanggap na hindi pa rin daw tumitigil ang may apelyido ring Soco sa paggamit ng illegal na droga kaya’t sinusabaybayan na siya ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit.

Naku, eh huwag naman sanang ang kawani ng PSTMO at ang nasa drug watch list na alyas Soco ay iisa dahil sampal ito sa maigting na kampanya ni Mayor Oreta sa paglaban sa illegal na droga.

Nagtataka kasi ang mga empleyado dahil sa tuwing magkakaroon ng sorpresang drug test ang mga kawani ng PSTMO, wala raw sa tanggapan si alyas Soco? Eh sino kaya ang nagbibigay sa kanya ng impormasyon na may sorpresang drug test? Hindi naman siguro si Maj. Piniano.

Siguro, panahon na para tutukan ni Mayor Oreta ang problemang ito dahil kapag nagkataon na kawani pa pala ng city hall ang sangkot sa paggamit ng iligal na droga, wasak ang pinangangalandakan ng lokal na pamahalaan na 16 na sa 21 barangay ang drug cleared dahil nasa tungki lang ng ilong ng alkalde ang sangkot sa paggamit ng droga.

Extension ng LRT sa Navotas

Hindi kaila na ang train system ang pinakamura at pinakamabilis na uri ng transportasyon ngayon sa Metro Manila kaya maraming opisyal ng lokal na pamahalaan na hindi naaabot ng ganitong uri ng transportasyon ang nanghihinayang sa serbisyong maidudulot nito.

Kaya nga ninais ni Navotas lone district Representative John Reynald Tiangco na maghain ng panukala  sa Kongreso na magkaroon ng pagpapalawig ang LRT Line 1 mula Monumento sa Caloocan hanggang Navotas.

Sabi ng bagitong kongresista, libu-libong mamimili ang nagtutungo sa Navotas Fish Port araw-araw, bukod sa napakaraming nagtatrabaho sa kanilang lungsod para mag-trabaho o magnegosyo kaya’t seryoso niyang itutulak ang House Bill 876 na layong mapalawig ang serbisyo ng LRT Line 1 hanggang Navotas.

Hindi aniya maikakaila na ang Navotas ang pangunahing fish center ng Pilipinas at pinakamalaking fish port complex sa Southeast Asia kaya dito dumadaong ang malalaking commercial fishing vessels at nagbababa ng nasa 300 toneladang isda at lamang dagat, maliban pa sa halos 50 tonelada na dala ng mga sasakyang panlupa mula sa iba’t-ibang...

PASALUBONG

...lalawigan sa Luzon.

Ang fish port complex din ang nagsusuplay ng mga isda at iba pang lamang dagat sa karamihan sa mga palengke sa Metro Manila at nagsisilbing business center na may mga palengke, ice plant at cold storage, fish processing facilities, canneries, ship building at ship repair facilities, kainan, fuel depot, gasoline station at iba pang pasilidad na kailangan ng sektor ng pangingisda.

Sagabal sa lansangan

Maayos na ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Tayuman St. sa Tondo dahil bantay sarado na ng mga traffic enforcer ang kanto ng Rizal Avenue pero ang mga pasaway namang tricycle ang sakit ng ulo ng mga pedestrian at motorist dahil sa walang disiplinang pagparada at pagsalungat sa daloy ng trapiko.

Dito na nga lang sa bahagi ng Quiricada kanto ng Rizal Avenue, pabalik-balik ang mga pasaway na tricycle at vendors na umookupa, hindi lang sa bangketa kundi sa lansangan mismo.

Kung tatahakin lang daw ni Mayor Isko Moreno ang kahabaan ng Quiricada mula Jose Abad Santos hanggang A. Mendoza, tiyak na marami siyang makikitang sagabal sa lansangan tulad ng mga kubol hanggang container na ginawang barangay hall.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.