Patok ang parody songs ni Charlie Fry

VIRAL ngayon sa social media  ang iba’t ibang parody songs na sinulat at kinanta ni Charlie Fry.

Napapanahon ang mga kanta nito dahil halos lahat ay patungkol sa ‘enhanced community quarantine’ (ECQ) at COVID-19.

Sa kantang ‘Oh Meyor’ https://www.youtube.com/watch?v=d4eetqWdd6k pa lang na hinango sa  musikang ‘Oh Carol’ ni Neil Sedaka ay patok ang bawat lyrics nito na patungkol sa alkaldeng hindi makita at nagkukulang sa pagbibigay ng ayuda.

Ang awiting ‘Quarantine’ https://www.youtube.com/watch?v=LodVCmI7JHc na mula sa pinasikat na kanta ng The Beatles na ‘I Saw Her Standing There’ ay para naman sa mga pasaway na tuloy lamang sa paglabas ng bahay kahit na ipinatutupad ang ECQ.

Ang maganda pa sa awiting ito, tinuturuan ni Charlie Fry ang ating mga kababayan na maging malinis sa katawan at higit sa lahat ay patuloy na magdasal upang makayanan ang krisis dulot ng COVID-19.

Lalong patok sa mga kababayan nating galit na sa mga pabayang pulitiko ang awiting ‘Sa 2022’ https://www.youtube.com/watch?v=rB0MW4_KRyY na tungkol naman sa nalalapit na paghihiganti ng mga botante sa darating na 2022 national at local elections.

Nakasaad sa awiting ito ang pagbawi ng mga botante sa taong 2022 upang ibasura ang mga pulitikong pabaya, abusado at kurakot  sa gitna ng pandemikong problema sa corona virus.

Malaking bagay ang mga awiting ganito ni Charlie Fry. Isa ito sa lehitimong pantanggal bagot sa bahay at tunay na nakapagpapasaya sa  ating mga kababayan. Ika ‘nga, tanggal stress ito kapag napakinggan ang mga kanta ni Charlie Fry.

Ang catch, ang bawat mensahe, salita at lyrics na ginamit ni Fry ay makatotohanan at sadyang may kabuluhan.

Pero sino ‘nga ba si Charlie Fry?

Si Charlie Fry Santos ay matagal na sa industriya ng sining. Isa siyang multi-awarded singer, musician, songwriter, record producer, arranger at musical director.

Isa rin siya sa board of director ng Katipunan ng mga Direktor sa Musika ng Pilipinas at miyembro ng FILSCAP o Filipino Society of Composers, Authors and Publishers Inc. na samahan ng mga pinagpipitaganang kompositor sa bansa.

Itinanghal siya bilang Top 5 among 24 celebrities from all over Asia sa nagdaang Golden Memories Asia Song Festival na ginanap sa Jakarta, Indonesia nito lamang October 2019.

Naging 2nd runner up sa patimpalak na Stars on 45 ng Showtime noong March 2014. Noong taon ding iyon ay na-feature sa Holy Week Special Episode ng Showtime ang kanyang buhay na pinamagatang The Charlie Fry Story. Si Billy Joe Crawford ang gumanap bilang Charlie Fry at  kasama niya sa cast sina Isabel Oli, Kim Atienza, Jugs Juguata at Ryan Bang.

Alam n’yo bang si Charlie Fry ang 1st runner up nang mag-kampeon  si Asia’s song bird Regine Velasquez sa ‘Ang Bagong Kampeon’ noong taong 1984?

Maliit lamang ang agwat ng pagkapanalo ni Regine noong panahong iyon kumpara kay Charlie na tulad ng ating Queen of Philippine Pop ay naging undefeated champion sa loob ng anim na linggo.

Parehong tubong Bulacan sina Charlie (Hagonoy) at Regine (Balagtas) kaya’t sinuman ang manalo sa kanila sa ‘Ang Bagong Kampeon’ ay tunay silang ipinagmamalaki ng mga Bulakenyo – lalo na ang emcee at partner host ni Pilita Corales na si Bert ‘Tawa’ Marcelo ay isa ring taal na taga-Bulacan.

Matapos ang  prestiyosong patimpalak, si Regine ay nagpatuloy sa kanyang singing career sa Pilipinas na unang ipinakilala ng Octo Arts Music bilang si Chona Velasquez, samantalang si Charlie, ay isinama na ng kanyang amang si Boy Sullivan upang tumanggap ng iba’t ibang shows sa abroad.

Si Charlie Fry ang tinaguriang isa sa mga anak ni ‘Haring Solomon’ dahil ang tatay nitong si Boy Sullivan – mula sa bandang D’ Big 3 Sullivans – ang umawit ng kantang ‘Si Haring Solomon.’

Ang D’ Big 3 Sullivans ay gumuhit sa indistriya ng Filipino music dahil ilan sa mga novelty songs na pinasikat noong early late 70’s at early 80’s ay ang ‘May Pulis sa Ilalim ng Tulay,’ ‘Magellan,’ ‘Ang Boserong si Mang Gusting,’ ‘O Karyo,’ at marami pang iba.

Pero bago pa naimpluwensiyahan ng mga ‘novelty songs,’ isa pong batang mahilig sa jazz music si Charlie.

Ang ina nitong Australian na si Diana Fry ay isang professional jazz singer na sikat na sikat sa mga bar, klab at hotel sa kahabaan ng Roxas Boulevard (Dewey Boulevard) noong dekada ’70. Sa murang edad na anim na taong gulang, isinasalang siya ng ina para kumanta sa entablado ng mga awiting jazz.

Sa mga intindido, isa po ang jazz sa pinakamahirap na ‘genre’ ng musika.

‘Parang nauna muna ako nag-college, bago nag-elementarya,’ ani Charlie Fry sa pag-uusap namin sa telepono kamakalawa.

Kaya anumang uri ng musika ang ipakanta sa kanya ngayon, maning-mani na lang ito kay Charlie Fry. Ang ‘Oh Meyor,’ ay sinulat ni Charlie sa loob lamang ng 10 minuto nang unang ipatupad ang ECQ dahil naramdaman agad niya ang hinaing ng mga kababayang napapabayaan sa ayuda.

Nasabi sa atin ni Charlie na inspirasyon niya sa paggawa ng musika ngayon ang mga kababayang mahihirap na numero unong umaaray sa matinding kahirapan bunsod ng problema sa COVID-19.

Kabilang ang mga frontliners, batid nito ang kanilang hirap, sakripisyo at pag-asa na malalagpasan nating lahat ang krisis sa COVID-19 hangga’t may matibay na pananalig sa Panginoong Maykapal.

Kamakalawa ay muling lumikha ng awit si Charlie. Matalinghaga at seryoso ito na sarili pa rin niyang komposisyon.  May titulo itong ‘Kung Puwede Lang Sana’ na sumasalamin sa pagbabalik tanaw sa dating panahon – tahimik na mundo, pagiging simple ng tao at pagkakaisa ng bawat isa.  

Ipinangako ni Charlie Fry na patuloy siyang magbibigay saya sa ating lahat sa pamamagitan ng mga likha niyang awit – parody man ito o sariling komposisyon.

Sa puntong ito, hayaan n’yo akong bigyang pugay ang mga kontribusyon ni Charlie Fry sa atin ngayon. Ang mga Pilipinong katulad niya na may kahanga-hangang talent na tunay na nagbibigay sigla sa mga kababayan nating nalulumbay.

Mabuhay ka Charlie Fry!

Mabuhay ang Original Pilipino Music (OPM) at Mabuhay din ang Original Parody Music (OPM). Sana po ay i-like and share  natin ang mga awit ni Charlie Fry upang marami pa tayong kababayang mapasaya sa gitna ng problema sa COVID-19 sa loob o labas man ng Pilipinas!