Paunlarin ang mga probinsya

TUNAY ngang maraming natutunan na leksyon sa umiiral ngayong krisis sa bansa dulot ng COVID 19 pandemic.

Hindi maitatangging ang mga dati nang suliranin ng bansa ang nagiging sanhi rin ng mabilis na paglaganap ng sakit.

Isa na rito ang tinutukoy ni Senador Bong Go na pagsisiksikan sa mga urban areas tulad ng Metro Manila kaya't madaling nakakalat ang sakit.

Sa tala, nasa 70% ng infected ng COVID 19 ay mula sa Metro Manila dala na rin ng overpopulation.

Dahil dito, nanawagan si Go sa executive department na planuhin na ang long term implementation ng Balik Probinsya o ang paghikayat sa mga probinsyano na bumalik na lamang sa kanilang mga lalawigan at doon mamuhay ng maayos.

“Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, paghandaan na natin sa ngayon pa lang ang ‘new normal’. I-tama na natin ang mga mali para hindi na maulit ang mga problema at maging mas handa tayo sa anumang krisis,” saad ni Go.

Naniniwala si Go na ang hakbang na ito ay makakaresolba rin sa matagal nang problema ng Metro Manila sa congestion na nagreresulta rin sa poor sanitation, overburdened health care facilities at mabagal na delivery of services.

Idagdag pa rito ang problema sa matinding trapik at polusyon.

Iginiit ni Go na magsisilbi itong long term solution kaya't dapat lahat ng ahensya ng gobyerno ay makiisa sa pagpaplano at implementasyon ng programa.

Mula anya sa housing projects hanggang sa livelihood, infrastructure, investment at iba pang pangangailangan upang maging matagumpay ang programa ay dapat nang pag-isipan ngayon pa lamang habang nireresolba ang krisis dulot ng COVID 19.

Sa ating pagkakaalam, may mga programa na rin ang iba't ibang ahensya para sa paghihikayat sa ating mga kababayan na magbalik na lamang sa kanilang mga lalawigan sa halip na makipagsapalaran at makipagsiksikan sa Metro Manila.

Subalit, dahil sa hindi ito nabibigyang prayoridad ng national government ay hindi malawak ang implementasyon nito.

Sang-ayon tayo kay Sen. Go na isa ito sa long term solution upang mabawasan ang siksikan sa Metro Manila at kinalaunan ay sagot sa kahirapan.

Pero, dapat matiyak ng ating gobyerno na hindi lamang basta pababalikin sa probinsya ang ating mga kababayan bagkus ay dapat mabigyan sila ng tunay na kabuhayan upang hindi na sila mag-isip na bumalik sa Metro Manila.

Unang dapat tiyakin ay ang investment sa mga lalawigan para magkaroon ng tunay at pangmatagalang hanapbuhay ang ating mga kababayang pauuwiin sa mga lalawigan.

Maging ang ilang ahensya ng gobyerno ay maaari na ring ilipat sa mga lalawigan ang kanilang mga punong tanggapan upang tunay na maipatupad ng kanilang ahensya ang kanilang mandato.

Kung sakaling magtagumpay ito, masarap ding makita na magiging pantay-pantay ang sahod ng mga empleyado sa urban at rural areas dahil isa naman sa sadyang dinarayo sa Metro Manila ay ang mas mataas na tinatanggap na arawang kita ng mga manggagawa.

At kung maipatupad man ng Duterte Administration ang Balik Probinsiya Program, umaasa tayo na magpapatuloy ito sa mga susunod pang gobyerno.