Payagan ang health workers mag-abroad !

HINDI ko ‘gets’ bakit kailangang pigilan ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang mga kababayan nating ‘health workers’ na nais magtrabaho sa abroad.

Bukod kasi sa kaligtasang pangkalusugan, wala tayong makitang ibang dahilan para pigilan silang makalabas ng bansa, gayung tulad ng bansang pupuntahan nila ay malala rin ang problema natin sa COVID-19.

Sa Resolution No. O9, series of 2020, naglabas ang POEA ng kautusang ipagbawal ang deployment ng health workers sa abroad – “until the national state of emergency is lifted and until the COVID-19-related travel restrictions are lifted at the destination countries.”

Ito’y upang masuportahan  daw ang ating pamahalaan sa pagsugpo sa paglaganap pa ng COVID-19 sa buong Pilipinas.

Anang POEA, dapat ay mas prayoridad ng mga Pinoy health workers na magtrabaho muna rito sa atin dahil sa krisis ng corona virus kaysa doon sila magbigay ng serbisyo sa labas ng bansa.

Kabilang sa mga binigyan ng temporary deployment ban ay ang mga: Medical doctor/physician,Nurse, Microbiologist,Molecular biologist,Clinical analyst,Respiratory therapist, Pharmacist, Laboratory technician,X-ray/radiologic technician,Nursing assistant/nursing aid, Operator of medical equipment,Supervisor of health services and personal care, Repairman of medical-hospital equipment,

Pati ang ‘bilateral labor agreements ng ‘government-to-government deployment of healthcare workers’ ay sinuspindi na rin at mananatili ito hangga’t nasa ilalim pa tayo ng national state of emergency.

Nitong nagdaang Marso 17, isinailaim ng Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa sa ‘state of calamity’ sa loob ng anim na buwan, depende pa kung paiikliin ito o pahahabain dahil sa pandemikong problema ng COVID-19.

Nakasaad anila sa Section 4(m) ng Republic Act No. 11469 or  ‘Bayanihan to Heal as One Act,’ na pinagtibay noong Marso 24 na may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na maglabas ng: ”temporary Human Resource for Health such as medical and allied medical staff to complement or supplement the current health workforce or to man the temporary medical facilities to be established...”

“It is of paramount national interest to ensure that the country shall continue to have, sustain the supply, and prepare sufficient health personnel to meet any further contingencies, especially to replace, substitute or reinforce existing workforce currently employed, deployed or utilized locally,” pahayag pa ng POEA.

Wala tayong problema sa panuntunang ito.

Ang kaso, sandamakmak po ang mga health workers natin sa Pilipinas na walang trabaho kaya ‘wag naman sanang hadlangan ang mga kababayan nating makalabas sila ng bansa sa panahon ngayon na may krisis din ng COVID-19 sa buong mundo.

Buti sana kung kakaunti lamang ang bilang ng mga health workers natin sa ngayon para doon natin silang pigilang lumabas ng bansa.

Pero kung marami naman ang bilang ng mga walang trabaho ngayon ay ‘wag naman natin na silang pigilan.

Isa pa sa magulo at problema sa kautusang ito ng POEA ay ang mga kababayan nating health workers na umuwi lamang ng Pilipinas kamakailan para magbakasyon, ngunit inabot ng enhanced community quarantine (ECQ).

Iyong mga bagong pirma ng kontrata sa abroad na lalabas pa lang ng Pilipinas ay kawawa rin sa sitwasyong ganito.

Dahil unang-una, pare-pareho silang madedemanda, mawawalan ng trabaho at posibleng magkaroon pa ng ‘lifetime ban’ sa papasukang kompanya o hospital dahil sa hindi nila pagtupad sa nilagdaang kasunduan.

Sasagutin ba ng pamahalaan ang ‘internal’ na problemang ganito?

May maibibigay bang hanapbuhay sa kanila ang gobyerno sakaling mawalan na sila ng trabaho sa abroad? At iyong mga trabahong ibibigay sa kanila – kung mayroon man—ay matutumbasan ba ang suweldo nila sa abroad?

Ang isang nurse na nagtatrabaho sa Amerika ay sumasahod ng P150,000 hanggang P250,000 kada buwan, malayong hindi hamak sa P8,000 hanggang P15,000 na pasuweldo lamang sa mga nurse natin dito sa Pilipinas.

Hindi po tayo tutol na pagtrabahuin sila sa Pilipinas kung talagang may ‘brain drain’ na sa atin tungkol sa mga health workers.

Ngunit marami pa rin po sa kanila ngayon ang walang trabaho sa Pilipinas, kahit na may pandemic pa ng COVID-19.

Naisulat ko na kamakailan na sana, ipatawag na ng gobyerno ang mga ‘board passers’ na nurse, rad tech, med tech at marami pang health workers upang makatulong sa pangangalaga sa mga COVID-19 patients natin ngayon.

Pero kahit nabigyang trabaho na iyong iba, marami pa rin po ang mga walang trabaho ngayon. Sa ating tantya, aabot na sa 600,000 ang miyembro ng Philippine Nurse Association (PNA) at hindi lahat sila ay may trabaho sa Pilipinas ngayon.

Sa ginagawang ito ng POEA, lalo lamang nitong dinaragdagan ang bilang ng mga kababayan nating nagugutom na ngayon dahil sa sobrang hirap ng buhay, may pandemic man ng COVID-19 o wala.