Pekeng piyesa, accessories ng motorsiklo, nagkalat

June 16, 2020

HABANG lumalaon, dumarami ang mga nagbebenta ng mga pekeng piyesa at iba pang accessories ng mga motorsiklo na karamihan ay mga online sellers na hindi nasasawata ng awtoridad.

Nagkakaroon lang kasi ng pagdakip sa mga nagbebenta ng mga peke o imitasyong piyesa at accessories kapag naghain ng reklamo ang kompanya na siyang gumagawa o eksklusibong dealer ng mga pinekeng piyesa.

Hindi naman lingid sa kaalaman ang paglobo ng industriya ng pagbebenta ng motorsiklo sa bansa kaya’t maging ang mga malalaking kompanya tulad ng Yamaha at Honda ay nagpapaligsahan din paglikha ng magaganda, matibay at de-kalidad na motorsiklo na kayang bilhin maging ng mga ordinaryong manggagawa.

Naging banta rin kasi sa mga malalaking manufacturer ang pagdami ng kanilang ka-kompetisyon sa negosyo tulad ng pagsulpot ng mga motorsiklong gawa sa Taiwan at China na higit na mabibili sa mas murang halaga.

Dito ngayon sumusulpot ang mga mapagsamantalang gumagawa naman ng mga imitasyon o pekeng piyesa at accessories na ibinebenta sa mas murang halaga sa pamamagitan ng online selling.

Nito nga lang araw ng Lunes, nadakip ng Caloocan city police ang 29-anyos na negosyanteng si Johnnie Hadji Adanan Hasan at dalawa niyang kasamahan na sina Naim Gadong Arumpac, 25 at Nasser Hadji Pasod Hasan na pawang residente ng Tawi-Tawi St., Maharlika Village, Taguig city sa entrapment operation sa kanto ng Rizal Avenue Ext. at 9th Avenue Caloocan city.

Kumagat ang tatlo sa ginawang pakikipag-transaksiyon sa kanila ng isang pulis na nagpanggap na buyer ng YSS Brand Suspension o shock absorber na inialok nila sa halagang P8,500 ang 30 piraso.

Isinagawa ang operasyon matapos magreklamo ang kompanyang Infiniteserv International Corporation na may tanggapan sa 22 Don Vicente Ang Street, Barangay 132, Bagong Barrio, na eksclusibong distributor ng naturang piyesa ng motorsiklo.

Isa lang ito sa mga peke o imitasyon ng mga piyesa ng iba’t-ibang uri ng motorsiklo na mabibili sa mga  online sellers o maging sa mga may puwesto ng accessories at piyesa ng mga motorsiklo sa hilera ng tindahan sa 10th Avenue sa Caloocan o maging sa mga mall sa area ng Divisoria tulad ng 168 at 199 nang hindi nahuhuli dahil walang nagrereklamo.

May mga insidente kasi na kahit magreklamo ang manufacturer o mga ekslusibong dealer laban sa nagkalat na pekeng produkto na sila lang dapat ang nagbebenta, hindi ito ina-aksyunan ng awtoridad kung walang padulas ang negosyanteng magrereklamo.

Ang nangyayari tuloy, lumalaki lalu ang kanilang gastusin gayung sa kalaunan ay nakakapaghain naman ng piyansa ang mga nadarakip at muling magbebenta para mabawi ang nawala nilang kita.

Walang linya ng telepono

Dismayado pa rin ang mga residente sa North Caloocan dahil hanggang ngayon ay wala pa ring landline o linya ng telepono ang North Extension Office (NEO) ng pulisya na pinaka-sentro pa naman ng pulisya sa hilagang bahagi ng lungsod.

Sa naturang tanggapan dinadala at iniimbestigahan ang malalaking kaso ng krimen na naganap na hilagang bahagi ng lungsod na hiwalay sa punong tanggapan ng Caloocan Police sa Samson Road, Sangandaan.

Mahigit limang taon na kasing walang linya ng telepono sa NEO at umaasa lamang ang mga taga Caloocan sa pagtawag sa ibinibigay sa kanilang cell number na kadalasan ay walang sumasagot.

Kailan daw kaya magkakaroon ng linya ng telepono ang pinaka-punong tanggapan ng pulisya sa hilagang bahagi ng Caloocan lalu na’t napakahalaga ng may telepono ang isang kahalintulad na tanggapan na ang layunin pa naman ay magbigay ng serbisyo at magkaloob ng proteksiyon.

3rd founding anniv

Ipinagdiwang noong araw ng kasarinlan ng Pasig Doctors Medical Center ang kanilang ika-3 taong anibersaryo sa simpleng seremonya na inihandog sa kanilang mga health fronliners na maayos wasto at buong tapang na nagkaloob ng paglilingkod sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID.

Ang selebrasyon na may temang “Moving towards the face of challenge amid COVID-19 ay naglalayong pagkalooban ng de-kalidad na serbisyong medical ang mga mamamayan ng Pasig at karatig lugar, lalu na ang mga pasyenteng positibo sa virus.

Ayon kay Dr. Ma. Mayumi Gillana, pangulo ng PDMC.sa pagsisimula pa lamang ng enhanced community quarantine ay sinimulan na rin nila ang pagtanggap ng pasyenteng positibo sa virus at inilatag na rin ang mga mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols.

Sa kabuuan ay tumanggap na sila ng 564 na pasyenteng may kaso ng COVID-19 kung saan tatlo pa sa mga ito ang sumasailalim sa matinding pag-aaruga ng kanilang mga health frontliners.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363