‘Perfect storm’ vs ABS-CBN

February 24, 2020

SI CARLO Lopez Katigbak ang isa sa mga pinakadisenteng tao na nakita ko sa mundo ng telebisyon. Siya ang Presidente at Chief Executive Officer ng ABS-CBN.

Marami akong kaibigan sa dos, ang totoo, bilang bahagi ng public and  full  disclosure, isa ako sa naging empleyado ng ABS-CBN bilang writer at Associate Producer ng Magandang Umaga Pilipinas at Creative and writer ng Studio 23 mga mid-2000.

Sa kuwento ng mga insider na matagal nanungkulan sa dos, malayong-malayo si Gabby Lopez kay Carlo pagdating sa pagkatao. Bagama’t wala pang makakatapat sa karakter ni Eugenio Lopez na kung tawagin ay kapitan, si Carlo na siguro ang pinakamalapit na puwedeng sabihin ikumpara kay matandang Lopez.

Isa ako sa palaging nagsasabi kahit saan na alam kong sa bandang huli ay dapat mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN. Naniniwala ako na kung may kasalanan man si Gabby at ang mga namamahala sa dos, walang kinalaman dito ang rank and file.

Sabi nga sa Ingles, let us call spade a spade, tama si Carlo, hindi naman perpekto ang ABS-CBN; may mga pagkukulang ito at may mga pagmamalabis din, lalo na sa panahon ni Gabby.

Si Gabby kasi ay ipinaglihi sa pulitika, hindi katulad ni Carlo. Ang alam ko, ang marching order ni Carlo, total departure sa Gabby Lopez syndrome na pumapanginoon at umaalipin sa mga pulitiko.

Aminin man o hindi ng previous ABS-CBN management, nasanay silang Panginoon ng lahat ng nagiging Presidente at ng mga pulitiko. Ang umiiral na doktrina: Basta Gusto ng Hari, hindi dapat mabali.

Kaya nga noong 2016, nang makita nilang umaarangkada na si candidate Rody Duterte sa Presidential campaign, nagsimula na ang mga black propaganda dahil hindi nila “bata” ito. Isa sa naging instrumento, aminin man ni Gabby o hindi, ay ang ABS-CBN.

Putok sa political circle na ang kandidato ng ABS-CBN noon ay dalawa, si Mar Roxas bilang frontal bet pero si Grace Poe bilang shadow candidate. Si Duterte, wala naman sa radar ng ABS-CBN dahil laging kulelat sa survey mula 2015 hanggang early 2016 ay ayaw din nila ito kasi hindi nila bata.

Another disclosure, ako ang pinakaunang gumawa ng apat na political ads ni candidate Duterte, ibig sabihin first hand itong ikukuwento ko. Nang magsimula nang tumaas sa survey si Duterte, iyong mga ad placements namin kahit may broadcast order na para lumabas sa TV Patrol, bigla na lang nasisibak.

Kailangan ko pang tawagan si Bong Go (hindi pa siya senador noon) para ipaalam sa kanya ang nangyari. Makailang beses na-bump off o naalis sa placement lineup ang Duterte ads kaya kinailangan pang makiusap ni Bong kay Gabby Lopez.

Sa mga sumunod na araw, lumalabas naman ang mga ads ni Duterte kaya lang nalilipat ng slots or time airing dahil inilalagay sa dulo na mababa na ang viewership.  Halos sa Gabi ng Lagim na inilalabas ang iba.

Hindi natin alam kung saan nanggagaling ang order para gipitin ang ads ni Duterte noong mga panahong iyon. Sa tingin ko, dapat kasama ito sa bubusisiin ng ng Senado at Kongreso sa pagtalakay nila ng prangkisa.

Ang pinakamatinding ginawa ng Gabby Lopez management kay Duterte ay nang maglabas sila ng anti-Duterte ads sa mga huling linggo bago ang eleksiyon. Ang ikinagalit nang todo ni Mayor Rody, iyong ads niya na binayaran ng P6 milyon ay hindi inilabas pero iyong laban sa kanya ang nag-ere.

Lalo pang naramdaman ni Digong at ng campaign team na personalan ang nangyayari dahil nang mag-isyu ng Temporary Restraining Order ang korte laban sa anti-Duterte ads, tumigil ang GMA 7 at ang TV5 sa airing, pero ang ABS-CBN; nagpatuloy sa paglalabas ng mga black propaganda ads.

Ang totoo, paglabag na sa Fair Election Act ang ads na ito kaya guilty din dapat sa conspiracy ang dating Comelec officials, ang Ad Board at ang Ethics ng ABS-CBN. By the way, hindi basta lalabas ang ads sa dos kung walang approval ng ethics. Ibig sabihin, dapat ethical at wala sa boarder ng black propaganda or offensive kahit kanino ang materyales mo, otherwise, hindi lalabas. Pero nakapagtatakang inilabas ang anti-Duterte ads.

Dito na nasunog ang tulay, dito na nagalit nang totohanan si Duterte dahil sa ginawa ng former ABS-CBN management sa kanya. Inuulit ko, dating management, hindi ang present management ng dos.

Kahit sino naman siguro ang maging biktima ng ganitong budul-budol gang at mistulang estribo gang, magagalit din!

Kaya nga dapat isa ito sa rebisahin ni Carlo para maiwasan nang makaladkad ang dos sa mga future political conflict. Kailangan niyang mailayo ang ABS-CBN sa stigma na nagmamanok ito ng mga gustong maging Presidente para kalaunan ay nakayuko sa kanila at maisulong ang iba pang business interest mula sa media, energy, malls  and real estates.

Huwag na nating  gamitin ang isyu ng press freedom dahil labas ito sa isyu. Alam nating lahat na mula day one ng Duterte administration ay naibato na sa kanila ang lahat ng isyu mula kawali, toilet bowl hanggang kitchen sink. Ibig sabihin, malaya naman tayong lahat na masabi ang gusto nating sabihin kahit pa nga ang iba sa atin ay hindi alam ang sinasabi.

Magkahiwalay ang putahe ng press freedom at ang pang-aabuso. Paano magiging press freed gayong malaya ang lahat kasama na ang TV5, GMA7 at ang lahat ng print and broadcast media. Huwag nating sabihing ABS-CBN lang ang press freedom.

Umaasa tayong magkakaroon ng happy ending ang isyung ito dahil para sa akin, hindi rin magandang matigil ang ABS-CBN. I am for franchise renewal.

Ang importante rito ngayon ay mabago talaga ni Carlo ang patakaran ng dos gaya ng pag-asta na kingmaker magmula noong 1986 People Power hanggang May 2010. Mahabang libro ito ng mga pagkakamali ng dos na puwedeng maging reference point ni Carlo.

Puwede naman ang media business na balanse, hindi nakikialam at walang pinapanigan. Isa itong doktrina na hindi pumasok sa sistema ni Gabby at umaasa tayo na sana’y maging bahagi na ng creed ni Carlo sa pagpapalakad ng dos.

By the way, isa pang disclosure, na-meet natin nang personal si Carlo sa birthday ni Speaker Alan Peter Cayetano sa BGC kasama si Senator Bong Go kaya naramdaman natin na ibang semilya ang taong ito, gentleman, well-mannered and soft spoken.

Kasama tayo sa nanalangin na makalusot ang ABS-CBN sa perfect storm na nilikha ng mga dating namamahala.

Huwag na nating gamitin ang mga empleyado, gusto kong magkaroon ng bagong prangkisa ang dos bilang isang institusyon na bahagi ng nation building  minus lang ang masamang punla ng pamumulitika na itinamin ni Gabby Lopez.

allanpunglo@gmail.com