Pigain sina Betty Chua, Anna Sy at Liya Wu sa Pastillas Scam!

February 24, 2020

DESIDIDO si Senadora Risa Hontiveros na makasuhan at makulong ang mga taong sangkot sa Pastilas Scam!

Bilyong piso ang nawawala sa kabang-yaman ng bansa na pinaghahatian ng mga corrupt na opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) mula sa mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ang ‘tong’ sa bawat POGO workers na papasok sa bansa ay P10,000. Kung may isang milyon na ang POGO workers sa ‘Pinas, tumataginting na P10 bilyon na ang umikot na pera rito.

Pati palasyo ng Malakanyang ay kumilos na sa naturang iskandalo at pinagsisibak sa puwesto ang ilang BI employees na naka-assign sa NAIA Terminal 1,2 at 3.

Hindi tayo sigurado kung kasama bang natanggal sa puwesto si Atty. Ruben Casibang na naka-assign sa Visa Upon Arrival na ‘dinadaanan’ din ng mga POGO workers bago sila mapasok sa bansa.  

Si Hontiveros na nagdiwang ng kanyang ika-54-taong kaarawan kahapon (Happy Birthday po, Madam Senador!), ay nagsabing pati may-ari ng travel agencies ay ipatatawag nila sa susunod na pagdinig.  

Napag-alamang sa susunod na pagdinig sa Senado ay ipatatawag na rin ang mga may-ari ng travel agencies. Ilan sa kanila ay sina Betty Chua, Anna Sy at Liya Wu.

Mahalaga ang gagawing partisipasyon sa pagdinig ng tatlo nating nabanggit dahil maide-detalye nila ang bawat transaksiyon sa pagpapasok ng POGO workers sa bansa. Sinasabi kasing sila ang ilan sa malalakas na magpasok ng POGO workers sa Pilipinas.

Si Wu ng Empire Travel Agency ay nakakapagpasok umano ng 400 POGO workers kada araw.

Sina Chua at Sy ay dapat ding magpaliwanag sa Senado upang linisin ang kanilang pangalan. May sumbong na sila ang itinuturong tirador sa fake documents ng mga Chinese.  

Diumano, kilala ang dalawang ito sa Alien Social Integration Office (ASIO)  noong araw pa.  

Sa ASIO nangyayari na kahit mga patay nang Chinese ay kayang ‘buhayin’ sa BI para lamang magkaroon ng ‘instant permanent residents’ ang ilang Tsino na gustong manirahan sa bansa.

At para mabuo ang kuwento sa Pastillas Scam, mahalagang ipatawag na rin ni Senadora Risa ang isang nagngangalang Bong Cuevas na sinasabing ‘handler’ umano ng POGO sa buong Pilipinas.  

Naniniwala tayong malaki ang maitutulong ng mga binanggit nating pangalan upang higit pang mahubaran ng maskara ang multi-billion peso scam. Magandang venue na rin ito para malinis ang kanilang pangalan kung may nang-iintriga man sa kanila o wala.

Samantala, maugong  ang usapan sa BI ngayon na papalitan na rin daw ni BI Commissioner Jaime Morente si Port Operations Division chief Grifton Medina.

Irerekomenda raw ni Morente kay Justice Sec. Menardo Guevarra na ang ipapalit kay Medina ay si BI Center for Training and Research chief Atty. Rolando P. Ledesma.

Kung tama ang ating memorya, si Ledesma na isang BI-Board of Special Inquiry (BSI) Chief by plantilla ay nakilala sa BI noong 2010 matapos  i-appoint bilang Immigration Officer-In-Charge noong panahong ni newly elected President Benigno “Noynoy” Aquino III.

Classmate siya sa Ateneo Law School ni dating Executive Secretary Paquito “Boyet” Ochoa kaya naman agad siyang in-appoint as OIC ng BI ‘during the transition period.’

At dahil kaklase si Ochoa, tingin sa kanya ngayon ay isang ‘Dilawan.’

Isa sa naging markadong accomplishments ni Ledesma ay nang sibakin ang 50% na mga contractual confidential agents noon lalo na yung mga may records of absences and tardiness. Pagdating naman sa mga organic employees, agad niyang ni-review ang mga may kaso at lahat nang ito ay dinesisyunan sa BI Board of Discipline (BOD) kaya sandamakmak ang nasibak at nasuspinde noong kapanahunan ng opisyal.

Lalo pang naging makinang ang kasikatan nito nang ipa-deport ang 14 na Taiwanese nationals noong February 2, 2011 na hinuli sa isang telecommunication fraud. Umani lang ito ng ng katakut-takot na batikos dahil sa posibleng pagkasira ng relasyon ng Pilipinas at Taiwan!  

Muntik din siyang  i-cite for contempt ng Court of Appeals sa pagsuway sa kautusan ng CA na i-pending ang  deportation ng mga ito sapagkat naka-pending pa ang apila nila  sa hukuman.  

May bintang din sa kanya nang aprubahan ang libu-libong applications for  “Recognition” as Filipino Citizens (R.A. 8756) ng mga pure blooded Chinese nationals kahit na wala ni ga-patak na dugo bilang Pilipino?!

Ang akusasyon laban sa kanya ay itinanggi na rin dati ni Ledesma.