Pinahirap ang madaling proseso sa ''pagkamatay' ni JB Sebastian

WALA naman sanang kontrobersiya sa pagkamatay ng mga high profile inmates kung nagkaroon lamang ng tamang protocols.

Sabi nga, lahat naman tayo ay mamamatay, nasa laya ka man o nasa bilangguan. Hindi naman kailangang umabot sa imbestigasyon ng Senado or ng kahit anong ahensiya ng gobyerno kung maagap lamang ang mga taong namamahala sa bilibid.

Kung talagang may sakit o nagkasakit ang sinumang bilanggo, tiyak naman may medical records yan. Sa clinic man yan or sa infirmary or sa ospital sa labas pinatingnan ang pasyenteng preso, obligadong may records at medical abstract.

Dahil nga confined sila sa kustodya ng estado bilang mga convicted criminals, pananagutan sila ng gobyerno kaya kailangang nakarecord ang lahat ng gagawing prosesong medikal.

Ang dahilan nga nito, hindi makakasuhan ang estado na sinadya niyang  pinatay ang preso habang nasa kanyang pangangalaga.
Itong sinasabing pagkakamatay ni JB Sebastian ay nag-imbita ng eskandalo dahil sa kawalan ng tamang proseso mula sa pagkakasakit

hanggang sa cremation. Hindi tayo magbibigay ng hinala or hindi natin sasakyan ang alegasyon ng pinatakas kapalit ng bangkay ng iba na inabo para hindi naman tayo makasakit.

Doon lang tayo sa tamang proseso para makaiwas sa kuwestiyon mula sa mga nagmamasid na taumbayan. Hindi kasi natin puwedeng bilhin ang Data Privacy Act or ang health issue para sabihing hindi puwedeng malaman ng publiko kung sino talaga ang namatay sa preso dahil sa COVID-19.

Tanggapin natin ang paliwanag na namatay nga sa virus. Pero hindi naman mahirap magdokumento ng ganitong proseso. Lahat naman tayo, kahit nga ba preso ay may cellphone na may camera.

Ano ba naman iyong video recording habang may checkup sa infirmary, habang nasa sickbed or hanggang sa mamatay. At kung namatay nga, may prison doctor naman na puwedeng magsalita sa video na siyang awtoridad na magdeklara na ang preso ay pumanaw nga sa COVID.
Hindi ba't walang magiging kuwestiyon kung transparent ang naging proseso? Kahit gaano pa ka-sincere ang isang opisyal ng gobyerno na sabihing walang "foul play" at walang "coverup, hindi pa rin ito sumasapat dahil sa kawalan supporting documentations na magpapatibay sa kanilang sinasabi.

Ang problema talaga ng iba sa atin, iyong madaling proseso ay masyado nating pinahihirap. Hindi naman natin kailangang maging henyo para sundin ang tamang proseso ng ating pananagutan.

Kung naging abo na ang bangkay, hindi natin alam kung may forensic expert pa ang makakatukoy pa sa pagkakakilanlan nito.

Kung kumpleto naman ang prison officials sa sinasabi kong documentations, sa tingin ko dapat na nila itong ilabas bago mag-isip ng masama ang ating mga kababayan, lalo na si Boy Tamang hinala!

allanpunglo@gmail.com