Pinoy mas mapalad kesa mga kano

MAGIGING  klaro lang ang dulo ng lockdown sa Pilipinas kapag lumitaw na ang gamot laban sa COVID-19 o magkaroon ng mabilis at maaasahang mass testing.

Hangga’t wala pa ang dalawang ito, walang dahilan ang gobyerno upang ipawalang bisa ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Malaking sugal ang panukalang ‘reopening’ ng Pilipinas ng walang katiyakan sa dami ng may COVID-19 dahil baka mas tumindi ang pagkahawa-hawa ng mga Pilipino sa oras na pilit nating ibalik sa normal ang takbo ng ating mga buhay.

Sa pakikipagsapalarang ito, baka lalong bumagsak ang ekonomiya at magkawindang-windang ang ating kinabukasan.

Iisa lang ang ibig sabihin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa: buhay na buhay ang panganib sa labas at kailangan tayong manatili sa ating mga tahanan.

**

Hindi nakakapagtaka ang katigasan ng ulo ng ilan nating mga kababayan.

Walang hanapbuhay at pagkain, natural na pilit silang lalabas upang maghanap ng pagkakakitaan upang may pambili ng laman para sa tiyan. Ika nga, hunger knows no quarantine. 

Pero subukan mong igarantiya ang kanilang seguridad sa gitna ng krisis na ito, malamang na mananatili rin sila sa kanilang mga tahanan.

Mandato ng gobyerno na tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng krisis ngunit nananatili itong malaking hamon sa ating mga otoridad.

In fairness, halos lahat ng lider sa mundo ay nagulantang sa biglang paghasik ng lagim ng COVID-19. Ang problema sa pamamahala ay nagaganap hindi lamang sa Pilipinas kundi gayun din sa ibang bansa.

Kahit nga ang Estados Unidos ay hilong-talilong sa killer virus. Tulad sa Pinas, may mga bopol rin sa Amerika na gustong mawala ang quarantine kahit marami pang namamatay sa kanila.

Ang masama, si US President Donald Trump pa mismo ang may pakana nito.

Mapalad tayo dahil hindi namumulitika si Pangulong Rodrigo Duterte at balanse pa ang takbo ng kanyang mga desisyon. Sana lang ay maalis ni Digong ang mga bara sa linya ng komunikasyon at tulong.

Sa oras na malinis ni Duterte ang mga baradong ‘tubo’, lalakas ang daloy ng ayuda at mababawasan ang pasaway sa kalsada.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican 2004@yahoo.com