Plebesito, isabay na sa 2019 mid-term elections

June 30, 2019

Kahit banta sa kalusugan ng tao, marami pa rin ang tumatangkilik sa mga pekeng sabon, beauty products at gamot.

Mabuti na lang at nagtutulungan ang ilang ahensiya ng gobyerno para sugpuin ang pagkalat ng mga pekeng produkto sa bansa.

Ito ang Bureau of Customs, National Commission on Intellectual Property Rights, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Food and Drug Administration at Optical Media Board.

Noon ngang nakaraang Huwebes ay sinira sa Camp Crame ang mga nakumpiskang pekeng produktong na nagkakahalaga ng mahigit P11.8 milyon ay kinabibilangan din ng mga counterfeit bags at gadgets.

Pinuri ng Ecowaste Coalition ang BoC sa pagkakahuli nito ng mga pekeng beauty products na may mercury content.

Ang mga beauty product ay galing Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ang mercury ay isang toxic metal in cosmetic formulations na nagiging sanhi ng skin blotching, discoloration at rashes.

Nakasisira rin ito ng utak at nervous, digestive at renal systems.

Sa tingin ng maraming sektor, dapat pang paigtingin ng gobyerno ang information campaign laban sa paggamit ng counterfeit goods.

Habang may mga bumibili, hindi matitigil ang pag-import ng mga pekeng produkto.

Tama ba kami, BoC Chief Isidro S.  Lapeña?

* * *

Masamang balita ito sa mga pasahero na mahilig magpasundo sa mga opisyal ng gobyerno sa airport.

Hindi natin alam kung bakit mga taga-gobyerno pa ang sumasalubong sa kanila?

Hindi na bale sana kung sila’y mga dayuhang opisyal na bisita ng ating gobyerno.

Sa isang memorandum ay iniutos ni BoC Commissioner Sid Lapeña ang lahat na hand-carried luggage ng mga pasaherong ito ay idadaan sa mandatory X-ray examination.

“I have issued a memorandum, that all passengers being fetched by government officials coming from any government agency, their hand-carry items will be subjected to mandatory X-ray inspection,” ani Lapeña.

Ang memorandum ay ipinadala sa lahat ng mga district collector sa buong bansa.

Ang memorandum ay naglalayong matigil ang nangyayaring “sundo or salubong system” sa mga paliparan.

Tama lang ang ginagawa ni Lapeña.

Dapat matigil na ang “salubong system” na ito.

Bilang mga lingkod-bayan, ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat nasa kani-kanilang opisina.

Hindi sila pinapasuweldo ni Juan dela Cruz para sumundo ng pasahero sa airport.

* * *

Kailangang isabay na sa 2019 mid-term elections ang plebisito para  aprobahan ng taumbayan ang bagong Saligang Batas.

Lalo na kung ang binubuong Constitution ay nagtatakda ng anti-political dynasty provision.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ayaw na ng mga political warlord ang probisyong ito.

Siguradong ikakampanya nila ang pag-boto ng “no” sa plebisito para tuloy ang pamamayagpag nila sa kani-kanilang lugar.

Pero kung mas maaga ang plebisito ay mag-iisip ang mga warlord na ito bago kontrahin ang gusto ng Duterte administrasyon.

Siyempre kapag nanalo ang “no” sa kanilang bayan, syudad o probinsiya ay  hindi sila basta makalalapit sa Malakanyang para humingi ng tulong.

Kung gagawin ang plebisito sa 2020 o 2021 ay sasabihin lang ng mga warlord na hindi na bale at sandali na lang sa Malakanyang si Pangulong Duterte.

Kaya Pangulong Digong at SAP  Bong Go, ituloy na ang plebisito sa  2019 kasabay ng national at local polls.

Hindi problema ‘yan dahil computerized naman ang halalan.

Kayang-kaya ng Commission on Elections ‘yan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)