Pray for China

February 03, 2020

NAG-TRENDING ang #oustduterte nitong weekend.

Sabi ni Boss Jay Sonza sa kanyang FB post, umabot na raw ng 48k ang nag-retweet.  Sarcastically, hinamon ni Boss Jay na punta na raw sa Edsa ang 48k para makapag-martial law na si Pangulong Duterte.

Saan ba hinugot ang #oustduterte? Doon lang sa sinasabi nilang dapat ay all out travel ban sa mga Chinese, lalo na iyong mga taga-Hubei at Wuhan. Ganoon sila kalupit, gusto nila, outright, ikandado ang pinto ng bansa at huwag papasukin ang mga Chinese.

Ganoon sila mag-isip, ganoon sila kabangis. Para sa kanila, walisin at burahin na sa mundo ang mga Intsik. Salamat na lang at hindi presidente ng bansa ang 48k, mabuti na lang at kokonti lang sila na mga buwitreng handang lumapa sa kanilang kapwa na nagdurusa dahil sa virus.

Sa halip na simpatiya ang kanilang ibigay sa 11 million Huhan at Hubei residents na naka-lockdown, gusto nilang buhusan na lang ng gasolina at sindihan na silang lahat. Hindi madali ang dinaranas ng isang komunidad na naka-lockdown, pero para sa 48k na may bitbit na  sulo at sibat, kailangang mawala sa kanilang landas ang mga Chinese na ito.

Ipinakita lang nila kung bakit mas makamandag at nakakalason ang ugali ng tao kaysa sa mga wild animals. Ang hinihintay ko ay maglabas sila ng Pray for Wuhan and Hubei. Or Pray for China katulad ng mga ginagawa nila kapag may mga kalamidad o terror attack sa isang bansa.

Iba ang hugot ng kanilang galit sa China, masyadong malalim na hindi ginagamitan ng isip. Ikaw, oo, ikaw nga na kasama sa 48k, ang iniisip mo  lang kung paano maisisigaw ang galit mong wala sa ayos.

Pero ang Presidente ng Republika, nasa kamay niya ang maraming problema, hindi lang ang nCoV at lalong hindi lang ang isyu ng kalusugan at kaligtasan ng kanyang mamamayan. Isipin mong mabuti kung ano ng sitwasyon ng bansa ngayon kung ang Pangulong Duterte ay katulad mag-isip ng 48k.

Bukod sa diplomatic issue, may economic and trade balance din na dapat ikunsidera. Hindi lifetime ang virus na ito na katulad ng merscov, ebola, Sars at meninggo, lumilipas din siya. Pero ang maling desisyon ng isang Pangulo  na hinugot lang sa pabigla-bigla, maaring lumatay sa habang panahon.

Kunsabagay, ang totoo, wala naman talaga sa isip ng 48k na sagipin ang bansa o ang kanyang mga kababayan laban sa virus ng Tsina. Gusto lang talaga nilang tanggalin si Pangulong Duterte, period!

Ang mga taong ito rin ang gustong sumigaw ng himagsikan para patalsikin si Duterte kahit umaambon lang o kaya ay nasunog ang sinaing ng kanilang kapitbahay. Dahil nga headless mob sila, giyera agad ang gusto, patay kung patay dahil nga wala silang iniisip kung hindi ang sarili nila.

And by the way, ang mga taong ito nga rin pala ang nagdarasal na sana’y nasagip ang mga kangaroo sa bushfire sa Australia at ang mga kabayo sa Taal, tapos iyong mga nagkakasakit sa Wuhan at Hubei ay ganoon na lamang kung kanilang kasuklaman. Mga ipokritong palaka!

Kaya hindi ako naglalabas ng kahit anong komento sa social media, mas gusto kong ipagdasal ang ating bansa at ang China na makaalpas sa matinding pagsubok na tumama sa kanila.

Idinadalangin ko ang mga pamilya sa Wuhan at Hubei na manatiling ligtas sa harap ng panic na ginagawa ng mundo laban sa kanila.

Sa mga ganitong panahon mo na maihihiwalay ang totoong tao at nagpapanggap lang na tao. Iyong nauuna ang kalupitan kaysa malasakit at simpatiya, mahirap iyon, magkakagulo ang mundo kung mas marami sila.

Kaya nga kapag galit ka, kapag sasabog na ang iyong galit dahil sa sitwasyon, huwag kang hahawak ng baril o patalim dahil tiyak na makakasakit ka. Ganoon din ang paglalabas ng masamang salita sa social media laban sa mga kapwa nating tao sa China na biktima na nga, inaapakan mo pa.

Mas matindi pa tayo sa nCoV. Nasaan na nga ba  humanity natin?
allapunglo@gmail.com