Pribitisasyon o inobasyon ng PhilHealth

August 22, 2020

SA gitna ng iskandalo sa PhilHealth, lumitaw ang panukalang pribitisasyon ng ahensiyang ito upang mawala ang korapsyon dito  at humusay  pa ang serbisyong seguro sa kalusugan na pakikinabangan ng mga miyembro nito.

Hindi ako pabor sa pagsasapribado ng Philhealth. Pabor ako sa inobasyon na maghahatid ng reporma katulad ng Electronic Claims Processing Fraud Prevention and Control for the Machine Learning o ML na sasala sa mga huwad na habol ng bayad mula sa mga multong pasyente ( p 23, 2018 Annual Report ,Philhealth) at sa paggamit ng lambat laban sa katiwalian at pagmamalabis  ng mga opisyales  nito na taban ng  COA, Governance Commission on Government Corporations, at Ombudsman.

Ang pangunahing layunin ng pribadong sektor ay kumita. Hindi nito prayoridad ang magandang serbisyo sa tao na pangunahing layunin ng publikong sektor. Maigting ang tunggalian ng hangaring kumita ng mga shareholders ng kumpanya at ng obligasyong maghatid ng mahusay na serbisyo sa publiko. Dahil dito , ang tanging paraan lang para kumita ay huwag gawin ang mga bagay na magbibigay ng mahusay na serbisyo (Gerald Corbett, Chief Executive Officer, Railtrack)

Walang pagkakaiba ang mga tao sa publiko at pribadong sektor.  Mali ang paniniwala na  mga anghel ang tao sa pribadong sektor at demonyo ang nasa publikong sektor. Magkakaroon ba ng mga ghost claims kung walang kasapakat na pribadong ospital? Sinabi ni Datuk Seri Akhbar Satar, Presidente ng Malaysia Association of Certified Fraud Examiners, na ang  ang pribadong sektor ay hindi biktima ng korapsyon, bagkus kasapakat o kakuntsaba pa sila sa korapsyon. Normal lang sa kanila  ang magsuhol sa mga korap na opisyales ng pamahalaan  at iba pang pribadong kompanya upangmakakuha ng mga  kontratang pagkakakitaan.  Sa katunayan , mas mataas pa nga ang insidente ng “procurement fraud, white elephant purchases, insider dealings, and bribes” sa pribadong sektor( It takes two to tango, public sector corruption, July 27,2020; https:// www.nst.com, binuksan Agosto 20,2020)

Hindi bago ang ideyang pribitisasyon, isang alamat na binuo ng World Bank at IMF noong dekada 80  na nakatindig sa tatlong paa: 1) ang pribadong sektor ay masigla at maabilidad, 2) ang publikong sektor ay magastos  at walang kakayahan maghatid ng mahusay na serbisyo ng hindi nag-aaksaya ng oras ,materyales at  lakas, at 3) ang hinuha na ang lahat ay makikinabang  sapatuloy at padagdag na pagsasapribado ng publikong sektor.

Sinabi ni David Cameron (dating  UK Prime Minister) na ang pribitisasyon ay isang pingga na makakatulong sa pribadong sektor  upang lalo itong makalikha ng trabajo, oportunidad at paglago sa Inglatera.  Pinangalawahan ito ni George Osborne (UK  Chancellor of the Exechequer) na  nagsabing kailangan magtabas ang publikong sektor sapagkat sinisiksik nito ang  pribadong sektor sa paglago  na magpapaganda ng pangkalahatang ekonomiya.

Hindi gumanda ang serbisyong inaakalang magaganap sa  pribitisasyon batay sa mga sarbey, pag-aaral at pagsasaliksik sa Europa  na nakatuon sa uri ng serbisyong mga kompanyang nananatili sa publikong sektor at mga kompanya sa pribadong sektor na bumili ng kompanya ng pamahalaan. ( Myth 5: the Private Sector is more efficient than the public sector by Dinyar Godrej, Dec 1,2015)

Sa ginawang pribitisasyon ng mga riles ng tren  ng British Rail sa UK, imbes na mabawasan ang gastos ng mga taxpayers sa pagbibigay ng subsidiya sa sistema ng riles, dumoble pa ito. Napilitan pang saluhin ng pamahalaan ang napakalaking inutang ng Metronet, isa sa 100 mga pribadong kumpanya na bumili ng linya ng riles sa London, sapagkat ito ay nalugi at basta na lang bumitaw.

Inamin ng UK House of Commons Transport Committee noon 2008  na depektibo ang modelo ng pribitisasyon ng riles at ito’y mas mahina pa sa tradisyonal na pamamahala ng publikong sektor.  Malinaw ang hinuha na hindi lamang ang pribadong sektor sa publikong sektor sa abilidad at kakayahang maghatid ng mahusay na serbisyo. Ano mang kahinaan mayroon sa publikong sektor ay mapapalakas ng pagbabantay sa pananagutan at inobasyon sa kontrol ng pamamahala na maghahatid ng mas mainam na serbisyo.  Pinapaalala rin ng ulat na kapag ang pribadong kumpanya ay nabigong magbigay ng serbisyo, puede itong tumalikod at umalis at ang taong bayan ang mapipilitang magbayanihan para linisin ang kalat. Hindi ba ganyan ang nangyari sa MWSS?

Pinaliwanag ni Andrew Simms (The Myth; the private sector is more efficient than the public sector, www.neweconomics.org, binuksan Agosto 20,2020) na kahit sa larangan ng kalusugan, hindi nakauungos ang pribadong sektor sa pahabaan ng buhay at bilang ng mga sanggol na nasasawi. Ang US Healthcare system, na puro pribado ang seguro ng kalusugan , ay inihambing saCuba na walang pribadong kumpanya ng seguro. Ayon sa 2012 Report ng US Institute of Medicine, 30% kadadolyar ay napupunta lang sa hindi kailangang gamutan, madayang habol, at iba pang aksaya. US$750 bilhon ang natapon.  Ito ang dahilan kaya pumasok ang Obamacare.

Hindi rin nalalayo ang karanasan ng  UK sa pribadong kumpanyang SERCO  na nagpalaki pa ng gastusin sa pagtaas ng bilang ng ambulansyang kailangan tawagin dahil iyon ang utos ng computer  sa call center agent na walang training medikal na ipinalit ng SERCO sa mgadoktor na mas mataas ang sweldo.

Maliwanag na hindi pribitisasyon ang solusyon saproblema ng bayan sa PhilHealth..