Problema pa rin ang sistema ng ating hustisya

BAGO ang lahat, mga pagbati muna, dear readers.

Unahin na natin sina NPC secretary at Pasay City Host Lions’ Club president, Lydia Bueno at NPC director, Jun Mendoza ng Phil. Star, sa kani-kanilang mga kaarawan.

Isunod na natin si Phil. Army major, Frank Sayson, na kahapon, kung tama ang ating detalye, ay ang bagong AFP-CRS commander para sa buong National Capital Region (NCR). At siyempre, “swak na sa balde” ang kanyang ‘promotion,’ kaya, ‘double congratulations’ sa iyo, brod!

Una nating nakilala si ‘Major’ Frank ilang taon na ngayon ang nakaraan, nang nakadestino pa siya sa 2ND Infantry Division ng Phil. Army, isa sa mga kumand ng PA na regular nating kinukuhanan noon ng mga balita.

At natutuwa naman tayo na maganda naman pala ang itinatakbo ng kanyang ‘career’ sa ating Sandatahang Lakas kaya… magpainom ka naman, hehehe! Abangan!

***

“Hangos” na dumating sa NPC kahapon si Manila Times Region 1 correspondent, Jaime Aquino, kasama ang kanyang tatlong anak lalaki.

Si Jaime, mga kabayan, ay isa sa mga ‘ambush survivors’ sa hanay ng media at regular na kasapi ng NPC na ang nangyaring ‘failed slay attempt’ ay isa sa mga kaso ng ‘media violence’ na ‘na-solve’ ng Presidential Task Force on Media Security.

Napaluwas naman kahapon si Jaime at ang kanyang mga anak dahil noong gabi nang nakaraang Enero 25, nabiktima naman ang tatlo ng ilang mga armadong suspek habang inaasikaso ang kanilang maliit na puwesto sa isang peryahan sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan.

Ang ‘bottom line,’ mga kabayan? “Nabugbog” ng pitong suspek ang mga anak ni Jaime at ang mas “masaklap,” “natangay” pa ng grupo ang higit P39,000 cash at kanilang mga ‘smartphones’ na nagkakahalaga ng P40,000.

Sa dokumento, ang mga biktima ay sina: Kenneth Jade, Jestin at Erickson Aquino, habang ang mga suspek naman ay sina: Joshua Ramirez, Janvie Montoya, John Reymond Reyes, Jeric Tibayan, Jayvee Tibayan, Abdul Jabar at, Rolando Visperas.

Ayon pa sa mga anak ni Jaime, “lasing” ang mga suspek na armado pa ng mga patalim.

Sinasabing mga “siga” rin sa Bgy. Leet, bayan ng Sta. Barbara at umano’y mga “bataan” ang mga suspek nitong sina barangay councilor, Jayson Cabanes-Lalas at Reden Cabico-Cablayan, na kasapi naman ng Lupon Tagapamayapa ng Bgy. Leet.

Wala namang masabi si Jaime at kanyang mga anak sa naging pagresponde at naging aksyon ng lokal na pulisya kung saan, dinampot ang mga suspek at ipinasok pa nga sa kulungan dahil sa reklamong ‘robbery with violence against person, attempted murder at theft.’

Ayos naman pala, hindi ba dear readers? Ano pa ang “problema,” tanong pa ba ninyo?

Aber, ang naging problema, DOJ secretary, Menardo Guevarra, sa inilabas na ‘resolution’ nitong si Pangasinan Assistant Provincial Prosecutor Myla S. Malicdem noong Pebrero 28, “nabago” ang resulta ng reklamo at nauwi na lang sa ‘slight physical injuries’ at ‘theft’ at “nawala” na ang mga kasong attempted murder at robbery.

Hindi tayo “tamang hinala,” mga kabayan, subalit kung pagbabasehan ang ibinulgar ni Jaime na “may galit” sa kanya ang nasabing piskal dahil “dati” niyang “nabanatan” sa dyaryo, eh, hindi kaya… “bumabawi” lang siya kay Jaime?

Dapat din umano, bilang pagpapakita ng ‘delicadeza,’ nag-inhibit’ na lang si piskal dahil “kamag-anak” ng kanyang asawa itong si Jayvee Tibayan.

Napansin din natin na ginawang batayan ni Fiscal Malicdem ang sariling “bersyon” nitong si kagawad Cabanes-Lalas sa mga pulis na “walang nawala” (pera at mga cellphone) sa mga biktima.

Translation? “Nabasa” ba ni Fiscal Malicdem unang police blotter ng Sta. Barbara sa insidente noong gabi ng Enero 25 (police blotter report 202001-1267) kung saan malinaw na nakasaad na nawalan ang mga biktima ng pera at cellphones?

At alam din kaya ni Fiscal Malicdem na nang magpunta sa istasyon ng pulis itong sina kagawad Cabanes-Lalas, hindi nila dinala ang mga nakumpiskang ‘iron pipe’ at iba pang mga ebidensiya na nabawi sa mga suspek?

Sa ngayon naman, dapat na ring maghanda na humarap sa kaso sa Ombudsman itong sina kagawad Cabanes-Lalas at Cablayan dahil sinampahan na pala sila ng mga kasong ‘grave misconduct, dishonesty at oppresion’ nina Jaime.

***

Masasabing “maliit” na kaso lang ito, hindi ba, Pang. Rody?

Pero kung “titingnan” nating mabuti, ang insidenteng ito ay “salamin” pa rin ng patuloy na bulok na sistema natin ng hustisya kung saan patuloy na nagagawang “baluktutin” ang mga batas at proseso para paboran ang interes ng mga abusado.

Bukas naman ang pitak na ito sa paliwanag mo, Fiscal Malicdem at Kagawad Cabanes-Lalas.

Abangan!