Problema sa pabahay

NAKU, dapat malaman ng Malabon City government na ang demolisyon ay hindi na bago sa isang lungsod dahil sa araw-araw na paglobo ng tao na parang mga kabute. Napakalaking pasanin nito para sa nakararaming pamilya na dalawa o tatlong dekada nang naninirahan sa kanilang kinatatayuang lugar at nakabuo na ng pamilya at sariling kabuhayan doon.

Isa pala ang Malabon sa may pinakamataas na bilang ng mahihirap na karamihan ay naninirahan sa mga maralitang pamayanan o informal settlers’ area at walang sariling tirahan.

Kaya naman ganun na lamang ang pagtuligsa ng marami sa naganap na harassment at demolisyon na walang court order noong 2017 sa CMF Upper Catmon, Malabon kung saan ang mga residente ay inalisan ng power supply at sinampahan ng kung anu-anong kaso para tahasan lamang silang mapaalis.

Nagpupuyos sa galit ang mga taga-Catmon dahil sa iligal na demolisyon sa  lupa na kanilang dinevelop mula sa pagiging dumpsite area nito. Kaya nga patuloy ang kanilang panawagan na idepensa at labanan ang banta sa kanilang paninirahan.

Alinsunod sa pahayag at deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na “No relocation, no demolition policy”, mariin niyang kinukundena ang pagkakaroon ng demolisyon sa mga nakatira sa “squatters” area dahil sila ay hindi dapat parusahan sa pagiging mahirap nila. Mayroon na ring alituntunin ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP na ang bawat mamamayan na may panganib na mapaalis ay mabibigyan ng maayos na relokasyon o financial assistance.

Kwestiyonable ang nakatala sa Annual General Fund Budget simula 2017 ng lungsod na nagkakahalaga ng P23.1 milyon at 2018 na nasa P23.5 milyon dahil sa pagkakaroon ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) na mayroong mandato umanong umasiste at tumulong sa pagsasaayos ng problema ng mga pamilya pagdating sa basic services, tenural rights, pagtulong sa implementasyon ng Socialized Housing Program at pagtukoy sa mga relocation sites para sa kanilang maayos na lilipatan.

Kung susuriin ang mga performance indicator sa nasabing tanggapan, wala kang makikita na inilaan para sa pagpapatayo ng pabahay para sa in-city relocation na maglilipat sa mga mamamayan ng Malabon sa maayos at permanenteng bahay. Karamihan sa mga indicator dito ay puro training para sa peace and order na nilahukan ng mga barangay tanod at ladies, at lupong tagapamayapa. Kung ganoon kalaki ang budget ay bakit hindi nakapagpatayo ng isang maayos na pabahay para sa mga mamamayan ng Malabon? Nasaan na ang CUPAO na itinalaga para sa mga reklamo ng mga mamamayan sa Malabon tungkol sa iligal na demolisyon? 

Pasalamat na lang ang mga mamamayan ng Malabon dahil may masasandalan sila sa Kongreso dahil sa nailatag na batas ukol sa National Commission for the Urban Poor (NCUP) na may mithiing iangat ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat at disenteng pabahay at serbisyo.

Layunin ng NCUP na mas pagtibayin ang sinaunang Presidential Commission for the Urban Poor o Executive Order 82 of 1986 sa pamamagitan ng isang komprehensibong paghahanda para sa resettlement at relokasyon ng mga mahihirap, pagbuo ng mga plano upang matiyak ang katuparan ng mga layunin ng Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA), at pagtatatag ng mga bagong programa at aktibidad na magbibigay solusyon sa matagal nang problema ng mga mahihirap sa lungsod.

Malaking tulong ito para sa mga residente upang hindi na sila mapalayas pa. Ito ay sinuportahan at matagal nang ipinaglaban upang walang ni isang residente ang mapaalis sa kanilang sariling lugar. Tila kalampag ito kay Mayor Lenlen dahil ni hindi niya mabigyan ng proteksyon ang kaniyang nasasakupan.

Ang pagbibigay solusyon sa kahirapan ay pagbibigay ng solusyon sa karahasan at demolisyon. Sa nakaluklok ngayon na si Mayor Lenlen, kailan mo pa ba magiging  pangunahing adhikain ang ipaglaban ang kahirapan ng mga mamamayan sa Malabon? Malinaw na ba sayo na ang solusyon ay ang pagbibigay ng disenteng pabahay at lupa na hindi aangkinin ng iba?

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com