Proud of Marikina

February 06, 2020

UBOD pala ng linis at ramdam ang disiplina sa lungsod ng Marikina kaya laging nakangiti itong si Allan Lumbo, ang kaibigan ng inyong lingkod mula sa tanggapan ni Congresswoman Stella Luz Quimbo.

Simple lang itong si Allan kung umasta sa weekly gathering ng Thursday Club sa Quezon City pero may ipagmamalaki pala lalo na ang Marikina kung saan siya nakatira.

Naligaw tayo sa Marikina kamakailan at saksi tayo sa kawalan ng basura kahit sa anumang sulok ng lungsod. Masunurin din ang mga taga-lungsod sa mga lokal na batas patungkol sa trapik at pagtitinda sa kalsada.

Sa katunayan, walang nagtitinda sa kalsada kaya mahawan at malinis ang mga malalawak na sidewalk ng Marikina, dahilan upang maging kaayaaya ang lungsod sa mata ng mga bisita.

Pumasok tayo kahit sa pinakaloob na kalsada at nadiskubre natin na sinusunod pa rin ang batas sa kalinisan dahil walang dumi sa harapan ng mga tahanan. Umiiral pa rin ang disiplina kahit walang enforcer dahil  isinasapuso ang batas trapiko partikular ang paggamit ng pedestrian lane at lubos na paggalang sa mga signal lights.

Mahihiya sa palagay ko si Manila Mayor Isko ‘Yorme’ Moreno kapag naramdaman niya rin ang pakiramdam na nasa ibang bansa siya sa oras na mapasyalan niya ang Marikina.

Kaya kahit na may ‘user ID’ ang washing machine ni Allan, hanga at naiingit ako sa kanya at sa Marikina.

***

May dahilan para lalong magdiwang ang mga taga-Marikina—may teknolohiya na upang mahigop ang tubig-baha.

Kinatatakutan ang lungsod dahil mabilis itong nalulubog sa tubig dulot ng bagyo na may dalang malakas at mahabang ulan.

Sa aking pagkakaalam, marami nang mga taga-Marikina ang ibinenta ang kanilang mga bahay at lupa para lumipat sa ibang lungsod upang makaiwas sa peligro.  

Pero natitiyak ko na malulungkot ang mga nagbenta ng kanilang mga ari-arian sa murang halaga kapag lumabas at magamit ang bagong teknolohiya na pihadong magpapataas ng presyo ng mga lupa sa Marikina.

Ang naturang teknolohiya ay kasalukuyan nang pinag-aaralan ng ilang ahensiya ng gobyerno at nakasisiguro tayo na gagamitin nila ito kung nais nilang matuldukan ang problema ng pagbaha sa maraming bahagi ng Metro Manila.

Kaya kung napapansin ng mga taga-Marikina na maraming bumibisita sa kanilang lungsod upang  maghanap ng bahay at lupa, hindi na sila kailangan magtaka pa dahil hudyat ito na malapit nang dumating sa kanila ang makabagong teknolohiya.  

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com