PRRD, sobra ang galit sa mga tiwaling kawani ng BoC

July 14, 2019

PABOR pala ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN sa ginagawa ng Pilipinas ukol sa isyu ng mga imported garbage.  

Matatandaan na kamakailan ay pinilit ni Pangulong Rody Duterte ang Canada na kunin ang mga basura nitong dumating sa ating bansa anim na taon na ang nakararaan.

Para mapilitan ang Canada na kunin ang mga basura ay pinabalik pa ni Duterte sa Manila ang ating ambassador at consuls sa nasabing bansa.

Nagbabala pa si Pangulong Duterte na itatambak niya sa teritoryo ng Canada ang mga nabubulok nitong basura sa Pilipinas.

Sinabi naman ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na nagkaka-isa ang mga miyembro ng ASEAN na palakasin ang kani-kanilang law enforcement capability para huwag maging tapunan ng basura ang rehiyon.

Kamakailan ay dumalo si Commissioner Guerrero sa 28th meeting ng ASEAN Directors-General of Customs.

Ayon pa kay  Guerrero, nagpasalamat sa Pilipinas ang kanyang mga counterpart “for setting the example.”

Aminado ang Malaysia na ang problema “has come to the consciousness of the international community dahil sa aksyon ng Pilipinas.

Dahil sa ginawa ni Duterte, hindi na raw itinuloy ang mga planong pag-eexport pa sana ng mga basura sa Pilipinas.

Sa kaugnay na balita naman, inatasan ni Finance Sec. Carlos Dominguez III si Guerrero na bumuo ng isang strike team para pigilan ang pagpasok sa bansa ng garbage imports

“It’s time we put up something like an environmental unit in the customs (bureau) to really act on this garbage issue.”  

Sinabi naman ni Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla na ang BoC Environmental Protection Unit (EPU) ay makikipag-coordinate sa kanilang mga counterpart sa ASEAN.

Ang EPU ay nasa ilalim ng Enforcement Group (EG).

Sinabi pa ni Maronilla na ang mga tauhan ng BoC-EPU ay sasanayin sa shipment profiling.

Kailangang alam nila ang “common schemes” ng mga kompanyang nasa likod ng pagluluwas ng mga garbage export.

Sana nga matigil na ang pagtatapon ng basura sa atin ng ibang bansa.  

***

Hindi na pala biro ang dami ng mga Pilipino.

Umaabot na pala ng 108.1 milyon ang populasyon ng bansa.

At ang Pilipinas na ang 13th most populous na bansa sa buong mundo.

Sa tingin ng iba ay hindi kaaya-aya ito dahil isa pa rin tayong mahirap na bansa.

Hindi lang ‘yan. Pagdating pala ng 2058 ay aabot na ng 216 milyon ang populasyon ng bansa.

Baka pagdating nang nasabing panahon, aasa na lang tayo sa importasyon para may kainin.  

Palíit na kasi nang paliit ang lupang tinatamnan ng mga magsasaka.

Parang nagsulputang kabute ang mga subdivisiön, golf course, shopping mall, pabrika at iba pang naglalakihang gusali.

Isa pang masakit na katotohanan, ipinagbibili na ng mga magsasaka ang kanilang mga lupain.

Hindi na daw sila kumikita sa pagsasaka dahil napakamahal nang production cost pero pababa naman nang pababa ang presyo ng kanilang mga produkto.
Tsk tsk tsk.

***

Sa tingin natin, dahil sa matinding galit ni Pangulong Duterte gusto nitong hiyain ang mga pinaghihinalaang tiwaling kawani ng Bureau of Customs.

Ayon sa Pangulo, uutusan niyang maglinis sa Pasig river ang mga ito.

Sinabi pa ni PRRD na ipapatanggal niya sa mga     “lingkod-bayan” na ito ang waterlilies  sa dinaraanan ng barge niyang sinasakyan mula bahay ng pagbabago papuntang Malakanyang.

Masakit na parusa ito sa isang empleyado ng gobyerno.

Pero dito mo makikita na sobra na ang galit ni Pangulong Rody sa mga kawani ng BoC na ayaw tumigil sa kanilang mga tiwaling gawain.

Siguradong aabangan ito ng taumbayan, para makita kung sinu-sino ang mga dorobong opisyal at empleyado ng BoC.

Abangan!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)