Raket ng mga fixer sa emission testing center

February 26, 2020

KAHIT pala hindi na halos makaporma ang mga fixer sa Manila Land Transportation Office (LTO) dahil sa seryosong kampanya laban dito ni Licensing Office chief Ligaya Dela Cuesta, hindi pa rin sila nauubusan ng raket dahil tinatarget naman nila ngayon ang mga kuwalipikadong emission testing center.

Mula kasi nang ilunsad ni Dela Cuesta ang mabilisang pagkuha ng lisensiya ng mga nagre-renew ng kanilang lisensiya, pati na ang paglalagay ng Malasakit Center, nahirapan nang makaporma ang naglipanang fixer.

Pero hindi rito natapos ang raket ng marami sa kanila dahil tinarget naman ngayon ng mga fixer ang limitadong bilang ng mga emission testing center sa Maynila.

Sa ngayon kasi, tatlo lang ang pumasa sa panuntunang inilatag ng punong tanggapan ng LTO sa mga emission testing center sa Maynila kaya nakakita ng pagkakataon ang mga fixer na samantalahin ang mahabang pila ng mga motoristang nagpapa-renew ng kanilang rehistro.

Isa na nga rito ang emission testing center sa kanto ng Almeda at Tayuman St. sa Tondo na araw-araw ay dinadagsa ng mga nagpapa-rehistro kaya’t nagpasiya silang magbigay ng numero para pairalin ang first come first served basis.

Pero ang ginawa ng mga fixer, madaling araw pa lang ay nakaabang na sila sa pagbubukas ng emission testing center para kumuha ng numero, hindi para magpa-rehistro kundi para ibenta sa mga nagnanais na mapadali ang kanilang pagre-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan.

Ang nangyayari tuloy, ang mga lehitimong nagpaparehistro na pumipila para makakuha ng numero ay kinabukasan pa nasisilbihan o kung minamalas-malas ay sa ikatlong araw dahil sa dami ng mga kumukuha ng numero na kanilang ibinebenta sa mga nagnanais mauna sa emission testing.

Ang kada numerong hawak ng fixer ay naibebenta nila ng mula P100 hanggang P300 kumporme sa haba ng paghihintay. Kapag konting oras lang ang paghihintay at matatawag agad ang numero, mas malaki ang bayad pero kung lagpas ng isang oras ang paghihintay, P100 kada numero.

Sabi pa ng source, hindi malayong may kasabuwat ang mga fixer sa naturang emission testing center dahil ipapahanap nila ang taong pagbibigyan ng numero at paaabutan na lang daw ng padulas para matawag kaagad at maisalang sa testing ang kanilang sasakyan.

Ibig sabihin, parang lagareng hapon dahil nagbayad ka na sa fixer para sa numero, magbibigay ka pa rin ng padulas sa kawani ng emission testing center.

Wala nga raw pangamba na mahuhuli sa kanilang raket ang mga fixer ngayon dahil hindi na kontrolado ng LTO ang sitwasyon sa mga emission testing center.

Puwede lang sigurong hulihin ang mga ito kung may magrereklamo pero ang tanong, sino ang mag-aaksaya ng panahon para maghain ng reklamo eh sa pagpila nga lang para masalang sa emission testing ay walang tiyaga ang marami at ninanais pang bumili na lang ng numero sa mga fixer para mapadali ang pagre-rehistro.

Barangay, nagpasaklolo sa DENR

Nagpasaklolo na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga opisyal ng Barangay 8 sa Caloocan City para magpatulong na mapalalim muli ang estero sa kahabaan ng Sabalo Street na puno na ng basura at putik

Nangangamba kasi ang mga residente, hindi lang sa naturang barangay, kundi sa mga karatig barangay na dinaraanan ng daluyan ng tubig patungo sa Dagat-Dagatan Avenue sa posibleng kakaharapin nilang pagbaha pagsapit ng tag-ulan dahil sa hindi na maayos ang sistema ng drainage sanhi ng pagbabaw ng tubig sa Sabalo creek.

Dati raw kasi ay halos hanggang dibdib ang lalim ng tubig dito kaya kahit malakas ang ulan, maayos ang daloy ng tubig patungong Dagat-Dagatan kaya’t wala silang problema sa pagbaha pero ngayon ay hindi man lang umabot ng hanggang tuhod ang lalim dahil puno na ng burak at basura ang estero.

Bukod daw kasi sa permanenteng takip na inilagay dito ng may-ari ng lote para patayuan ng mataas na bakod na ginagawang garahe ng malalaking trak, tinayuan din ng talipapa o flea market ang gilid ng estero kaya hindi makaporma ang mga opisyal ng barangay para linisin at maalis ang basura rito.

Nilinaw naman ni Barangay 8 Chairman Honesto Gaton na dati na niyang ipinagiba ang flea market nang ilunsad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang clearing operation pero pinahintulutang muli ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan na matayo ang talipapa.

Bunga nito, lalong bumabaw ang tubig sa Sabalo creek dahil posibleng sa daluyan ng tubig itinatapon ang mga basurang galing sa flea market kaya’t nagpasiya ang barangay na magpasaklolo na sa DENR upang tumulong sa desilting at excavation ng estero hangga’t malayo pa ang panahon ng tag-ulan.

Mahihirapan na raw kasing kumilos maging ang DENR kapag sumapit na ang tag-ulan dahil tiyak na aapaw kaagad ang estero sanhi ng nakatambak ng putik at basura na siguradong magdudulot ng grabeng pagbaha lalo na’t bukod sa dati itong malawak na tubigan kabilang ang kanilang barangay sa pinakamababang lugar sa lungsod.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363