Release ng pagkain at panlaban sa Covid-19, prayoridad ng BoC

March 22, 2020

Kahit "skeletal force" lang ang nagtatrabaho, ipinapakita ng mga taga-Bureau of Customs (BoC) na maayos at mabilis ang paglabas ng mga kargamento sa aduana. Lalo na ang mga shipment na naglalaman ng pagkain at gamit para makontrol ang paglaganap ng kinatatakutang Coronavirus disease o Covid-19.

Ayon kay Asst Commissioner Philip Vincent Maronilla,  Kabilinbilinan ni BoC Chief Rey  Leonardo Guerrero na hindi kailangang  maantala ang paglabas ng shipment na naglalaman ng mga kinakailangan sa paglaban sa Covid-19.

Sinabi pa ni Maronilla na hindi totoong naaantala ang paglabas sa pantalan ng mga pagkain at face mask.

"Prayoridad ng BoC na madaliin ang paglalabas ng mga kailaNgang gamit kontra Covid-19 at  mga pagkain upang  tuloy-tuloy ang supply ng mga ito sa merkado," dagdag pa ni Maronilla.

Pero sana bigyan ng hazard pay ang mga "frontliner" sa aduana.

Huwag natin kalimutan na galing sa ibat-ibang parte ng mundo ang mga kargamento.

Paano kung may Coronavirus ang mga ito?

Kawawa naman ang mga opisyal at kawani ng BoC.

Sabi nga ng isa nating kaibigan: "hindi bale sana kung hindi nakamamatay ang virus na ito."

Tama nga naman. Marami nga sa kanila ay laging kinakabahan dahil kapag nahawa sila, malamang mahawa rin ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ganun pa man, ginagawa lahat ng pamunuan ng BoC  para maprotektahan ang mga kawani ng ahensiya.

Sa totoo lang, top concern nina Commissioner Guerrero ang kalusugan ng mga taga-BoC.

Naniniwala tayo na safe naman ang magtrabaho sa mga pantalan.

Ito'y kahit na hindi natin nakikita ang kalaban - - ang Coronavirus.

Inuulit natin, sana bigyan ng hazard pay ang mga nagtatrabaho sa mga pantalan.

At muli nating pinasasalamatan  ang ating mga pulis, sundalo, doctors, nurses at health workers na patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan.

***

Pahirap talaga sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap, ang isang buwang community quarantine sa Luzon.

Hindi bale sana kung may makakain ang lahat.

Ang mahirap pa, ang kalagayan ng mga may sakit.

Sa mga probinsiya, kahit may kaunting pera ang maysakit ay hindi naman basta makapunta sa ospital dahil walang masakyan.

Pero kung hindi naman kasi gagawin ng pamahalaan ang paghihigpit ay baka lumala pa ang sitwasyon.

Kailangan talagang magsakripisyo ang lahat.

Pero sana lang siguruhin ng gobyerno na wala namang mamamatay sa gutom at kawalan ng gamot.

***

May mga naniniwala na ang krisis na dulot ng Coronavirus pandemic ay magiging daan para magkaisa ang sambayanang Pilipino.

Walang mangyayari sa atin kung palagi na lang tayong nag-aaway dahil sa kung anu-anong bagay.

Lalo na nga ang pulitika.

Huwag nating pabayaan na magkawatak-watak tayo dahil lang sa pulitika.

Baguhin na natin ang Election Code para payagan ang mga matatalong kandidato na magsilbi sa gobyerno na hindi na kailangang maghintay ng isang taon. Kung maaari lang ay bigyan ng magagandang puwesto ang mga matatalong kandidato sa pagka-pangulo at bise presidente.

Dapat ang mananalo at matatalong kandidato sa pagka-presidente at bise presidente ay magtulungan pagkatapos ng eleksyon.

Puwede naman siguro iyon?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/enail:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)