Sabay na mensahe ni Duterte at Lim, pakinggan nawa

Halos sabay na nagbigay ng napakahalagang mensahe sa mga botante sina Pangulong Rodrigo Duterte at nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim, na siyang opisyal na kandidato bilang Manila mayor  ng partido ni Duterte na PDP-Laban.

Si Duterte, sinabing ‘you are what you vote (for)’ na nangangahulugang kung anong klase ang kandidatong ibinoto mo, ‘yun ka din. Kaya kung matino ang ibinoto mo, ibig sabihin matino ka din. Pag naman walanghiya o magnanakaw ang ibinoto mo, isa lang din ang ibig sabihin niyan -- walanghiya o magnanakaw ka din.

Hinihimok naman ni Lim ang mga botante, hindi lamang sa lungsod ng Maynila kungdi maging sa lahat ng sulok ng Pilipinas, na magsagawa ng masusing ‘fact-checking’ o pag-alam sa pagkatao ng lahat ng kandidatong nanghihingi ng kanilang mga boto nang sa gayon ay makagawa sila ng matalinong desisyon.  Nananawagan din si Lim sa mga taga-Maynila na gamitin ang impormasyon na napakadaling makuha mula sa Internet upang pag-aralan ang karakter o pagkatao ng mga kandidato na humihingi ng kanilang boto.

Sa hanay ng mga tumatakbo sa lokal na halalan sa Maynila, sinabi ni Lim na sa isang ‘click’ lang sa computer o cellphone ay madali nang makikita ng mga botante ang track record ng lahat ng mga kandidatong ito mula sa pagka-alkalde hanggang sa mga congressman at maging mga konsehal.                                           

Madali na din umanong makita o makaliskisan kung ang isang kandidato ay tumatakbo para lang makapagnakaw sa kaban ng lungsod o para gamitin ang kanyang inaasam na posisyon para magpayaman. Gayundin, maari ding bisitahin ng mga botante kung anu-ano ang mga nagawang kabutihan ng isang kandidato para sa kapakanan ng lungsod ng Maynila.

Binigyang-diin ni Lim na nasa kamay  ng mga botante ang kapangyarihan upang baguhin o ayusin ang kanilang kinabukasan, sa pamamagitan ng pagluklok sa kapangyarihan ng mga taong karapat-dapat at may taglay na kakayahan at konsensiya upang gawin ang tama at makatutulong sa mga taga-lungsod, laluna sa mahihirap o kapos sa buhay.                                                                    

Suportado din ni Lim ang sinabi ni Presidente Duterte na ang uri ng pagkatao ng isang botante ay makikita sa uri ng kandidatong ibinoboto nito.             

‘Pag gusto ng magnanakaw, malamang eh mahilig din magnakaw ‘yung botante. Ganun lang ‘yun,’ sabi ni Lim.                                                                  

Kapuna-puna na nagawa ni Lim na himukin ang mga botante na mag-research sa Internet ukol sa mga kandidato, gayung maging siya ay tumatakbo din. Bakit nga ba malakas ang loob ni Lim na gawin ang ganitong panawagan, kung saan maging siya mismo ay kasama sa mga kandidato na gusto niyang alamin ng mga botante ang track record?                                                                                

Ang kasagutan ay ibinigay ng chief of staff ni Lim na si Ric de Guzman.  Sabi ni De Guzman, sa kaso ni Lim, kung tutuusin, ay ni hindi na nga kailangan pang manaliksik dahil solido ang pruweba nito pagdating sa kanyang mga ginawa bilang alkalde sa loob ng apat na termino.                                                               

Bukod sa kanyang ‘womb-to-tomb’ program na inilunsad sa unang pag-upo niya bilang mayor noong 1992 at kung saan lahat ng uri ng libreng serbisyo ay ibinibigay ng lungsod mula sa pagbubuntis  pa lang hanggang sa kamatayan, naipatayo din ni Lim ang limang pampublikong ospital na nagbibigay ng libreng gamutan, hospitalization at medisina, bilang dagdag sa inabutan niya na nag-iisang Ospital ng Maynila kung kaya’t  ngayon, bawat isa sa anim na distrito ng Maynila ay may tig-isa nang ospital.                                                                                     

Bukod diyan, sinabi ni De Guzman na naitayo din sa panahon ni Lim ang 485 na libreng day care centers; 97 bagong buildings para sa public elementary at high school;  59 barangay health centers na nagbibigay ng mga libreng gamot at treatment ng mga minor na sakit; 12 lying-in clinics na nagbibigay ng libreng panganganak para sa mga mahihirap na buntis; 132 bagong-gawang kalsada; mga libreng playground at mga sports complex at centralized disaster evacuation centers sa Tondo at Baseco.                                                                                Itinatag din ni Lim ang City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) na nagbibigay ng libreng college education para sa mga ordinaryong mag-aaral at bilang karagdagan sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na para naman sa mga honor students mula sa public high schools.    

Habang isinusulat ito ay hindi na mabilang ang dami ng nag-graduate sa CCM na ngayon ay nagsi-angat na mula sa dating kahirapan, dahil sa libreng edukasyon na ibinigay ni Lim.                                   

Sa sobrang taas ng antas ng teknolohiya ngayon, hindi naman talaga mahirap alamin ang karakter o background ng lahat ng kandidato, gayundin ang track record ng mga ito sa naging panunungkulan. Nasa botante na ngayon ‘yan kung pipiliin ba niyang maging matalino, magpaloko sa mga nangangako o maging mukhang pera na handang magbenta ng sagradong boto at ng kinabukasan ng mga taga-lungsod sa may pinakamataas na alok na pera.                                                      

Kung pipiliin ang huli, pakitandaan lang sana na ang isang pulitiko na malakas magbigay ng pera, siguradong  matindi rin ang gagawin niyang pagnanakaw. Alangan namang di niya bawiin ang ginastos niya? Ano, bali??

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.