Sabit na naman ang intel division ng Bureau of Immigration!

NAKARATING na sa palasyo ng Malakanyang ang sumbong laban sa isang malapit na tauhan ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente at 18 pang kagawad ng ahensiya dahil sa diumano’y pangongotong ng halagang P9 million.

Sabi ng ating source, posibleng magkaroon pa ng  ala-police line up  sa harap mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ay ipapatawag ang lahat ng BI personnel na sangkot saka ituturo sila isa-isa ng mga nabiktima nilang Korean nationals.

Una nang lumapit kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang 15 Koreans, na inaresto noon pang Marso 6, taong kasalukuyan sa Angeles City, Pampanga.

Magkagayunman, sumulat pa rin kay Pangulong Duterte ang mga Korean nationals at doon nila inilahad ang masamang pangyayari na ginawa sa kanila ng tauhan ng BI.

Nakakuha ang inyong lingkod ng kopya ng nasabing sulat at narito ang ilang talata na nilalaman ng kanilang liham:

“Dear Mr. President:

We, Korean nationals, would like to appeal to your good office with regards to our experience from these erring and corrupt government officials of the Bureau of Immigration. We have been victimized by these immigration agents posing as if they have legitimate operations, but behind the truth, they are just after money.

On March 6, 2019, BI Intel Team Leader, Atty. Adonis Porpetcho accompanied by approximately eight (8) officers held an operation in Angeles Korean Town and arrested fifteen (15) Korean nationals including Le Jong-Dae, Hong Jong Hyan, Jeon Bok-Ja, Kim Youn-Su, Lee Dong-Gu, Kim Hyoung-Eon, Kim Eon-Joo, Lee Won-Geun, Jun Me-Hee, Kim Dong-Young and five others that are afraid to complain and go against these BI agents,” sabi pa sa sulat.

Dinala umano ang mga biktima sa BI Main Office sa Intramuros, Manila at doon ay sinimulan silang takutin na ikukulong sa Bicutan Jail saka ide-deport pabalik sa Korea kung hindi magbibigay ng pera.

“Despite not knowing what our violations were, we had no choice but to follow their orders as we were afraid to be brought to jail. We were forced to give them a total amount of P9,420,000,” sumbong pa nila sa Pangulo.

Inisa-isa ng mga Korean ang perang hinuthot sa kanila at ito ay ang sumusunod: Hong Jong-Hyun, P1 million; Lee Jong-Dae, P900,000; Lee Dong-Gu, P450,000; Jeon Bok-Ja, P350,000; Kim Hyoung-Eun at Kim Eun-Joo, tig-P300,000; Jun Me-Hee, Kim Young-Su, Lee Won-Geun at Kim Dong Young, tig-P280,000; at lima pang Koreano na hiningan ng tig-P1 million.

‘We highly doubt the leadership of the Bureau of Immigration. How can these things happen inside the premises? Foreign nationals are being brought inside just to be extorted. How can these things be tolerated by the commissioners,” sabi pa sa sulat.

Buo naman ang tiwala ng mga nagsusumbong na Koreans sa adbokasiya at liderato ng Pangulong Duterte at naniniwala silang gagawa ng aksiyon tungkol dito ang Malakanyang.

“We have attached our complaint affidavits as well as the CCTV footage of our arrest,” sabi pa nila.

Bukod kay Atty. Adonis Porpetcho, ilan sa mga isinusumbong ay sina Intelligence Agent (IA) 1 Geronimo de Guzman; Intelligence Officer II Jonathan Isidro; IA1 Gilbert Macapagal; IA1 Patricia Doroja; IA1 Shienalyn Simeon; IA1 Ronald Nebre; Administrative Aide II Franklin Fabricante; AA Dimangonot Mascara; Job Order (JO) Ferdinand Orendain; JO Jerson Alabata; JO Romeo Cabigquez; JO Eunice de Guzman; JO Juneden Earl Felina; JO Ricalia Racelis; JO Lee Marvin Termino at JO Rennard Quebral.

Pinadalhan na ng summon ang mga nabanggit para magtungo sa Malakanyang. Nabatid na lehitimo aniya ang ginamit na Mission Order ng mga inaasuntong BI personnel pero in fairness kay Commissioner Morente, hindi umano nito alam na pinakawalan ang 10 Korean nationals.

Ang humawak sa kaso ng mga Koreano ay Intelligence Division ng BI at pinalaya ang mga banyaga nang walang anumang naisampang kaso, kapalit umano ng P9.4 million lagay.

Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong ito na direkta ring magbibigay ng ulat kay Justice Secretary Menardo Guevarra na siya ring nakasasakop sa BI.

Ayon sa source, matapos isagawa ang raid, namatay umano ang isa sa asawa ng inarestong Korean national dahil inatake ito sa puso sa labis na takot, nerbiyos at sama ng loob. Ito rin ang nag-triggered kaya naglakas loob ang mga Koreano na magharap ng sumbong.

Bukod sa Angeles City incident, maugong din ang usapan sa buong bureau ang diumano’y pangongotong ng P20 million sa apat na Korean nationals sa Alabang, Muntinlupa.

Ang departamentong sangkot dito ay BI-Intelligence Division pa rin.

Sa mga tinukoy nating pangalan, bukas po ang ‘Uncovered’ para sa inyong panig, komento at reaksiyon.