Saklang patay, mahjong, tupada may go signal na sa PNP

March 04, 2020

ABOT-tenga na naman ang ngiti ng mga operator ng illegal na sugal na sakla pati na rin mahjong dahil pinayagan na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa na maglagay sila nito sa burol ng patay.

Nangangahulungan ito na kailangan nang bawiin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas ang kanyang direktiba sa mga chief of police sa Metro Manila na nagbabawal kahit na sa burol ng patay na maglagay ng illegal na sugal.

Nagpasiya si Gen. Gamboa na payagan ang paglalagay ng illegal na sugal sa burol ng patay basta’t limitado lang ito sa isang mesa ng sakla at isang mesa ng mahjong matapos aniya ang pakikipag-usap niya sa matataas niyang mga opisyal.

Ibig bang sabihin nito ay ipinaunawa ng kanyang mga opisyal kay Gen. Gamboa ang kahabag-habag na kalagayan ng mahihirap na pamilyang namamatayan na umaasa lang ng tulong sa pagpapalibing sa kikitain sa illegal na sugal o baka kailangan din na may konting biyaya na pumasok sa kapulisan dahil batid naman na may gastusin din sila na hindi kabilang sa pondong nagmumula sa PNP.

Hindi naman kasi maikakaila na may gastusin din ang mga chief of police sa iba’t-ibang aktibidad at alangan namang kunin nila ito sa sarili nilang bulsa o sahod o ibawas ito lagi sa kanilang maintenance and other operating expenses (MOOE) na tiyak na ang masasakripisyo naman ang mga kinakailangang office supplies and equipment at maintenance ng kanilang mga mobile patrol.

Kung tutuusin, kahit limitado lang sa isang mesa ng sakla at mahjong ang dapat ilagay sa burol ng patay, may paraan pa rin ang mga gambling operators na kumita ng malaki lalo na kung patatagalin nang husto ang burol.

Pinahihintulutan din naman kasi ng ilang mga alkalde sa Metro Manila ang paglalagay ng sakla sa mga burol ng patay, lalo na yung mga lungsod na wala namang nakalaang pondo para sa ayuda sa pagpapalibing ng mga namamatay nilang constituents

Kaya lang, hindi maikakaila na sinasamantala ito ng mga sakla operator sa pamamagitan ng paghahanap ng mga patay sa mga funeral parlors na wala nang mga kaanak na kumukuha at sila ang magbuburol na halos tumatagal ng isang buwan para tuloy-tuloy ang sugal na sakla.

Pati nga ang sabong o tupada ay pinahintulutan na rin ng PNP chief basta’t isasagawa lang dapat ito sa mga legal na cockpit arena at may basbas ng lokal na pamahalaan.

Kung sabagay, sa ilang lungsod lang sa Metro Manila mahigpit ang sakla dahil sa ibang mga rehiyon ay puwesto-pijo na o pirmihan na ito at gabi-gabi ang mga sakla, lalo na sa lalawigan ng Zambales at maging sa siyudad ng Olongapo na pinatatakbo ng isang sakla operator na may malakas na kapit daw sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame.

Kahit nga raw may utos na all-out war si Gen. Gamboa laban sa illegal gambling, hindi nabahag ang buntot ng operator ng sakla sa naturang lalawigan dahil kumpiyansa siyang hindi magagalaw ang kanyang mga mesa dahil protektado ng koneksiyon niya sa CIDG.

MEDSQUAD

Sa panahon ng kagipitan, lumulutang ang tunay na kagandahang-loob at pag-uugali ng maraming Pinoy tulad na lamang ng nararanasan ngayong kakapusan sa paghahanap ng face mask na paraan upang makaiwas sa mapanganib na sakit na corona virus disease o COVID-19

Isa ang grupo nina Ms. Julyn Que at Mr. Bernardo Cabal ng Philmed Dynasty Supplies Corporation (MEDSQUAD) sa tumugon sa ganitong pangangailangan sa pamamagitan ng pamamahagi ng face masks at alcohol, hindi lang sa tanggapan ng Department of Health (DoH) kundi maging sa Crime Laboratory ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame at sa grupo ng Community Anti-Crime Group (CACG).

Kung tutuusin, malaki sana ang kikitain ng MEDSQUAD kung ibebenta nila ang mga ipinamahaging face masks at alcohol pero mas pinili nila ang makatulong kaya ganun na lang ang pasasalamat sa kanila ni Health Secretary Francisco Duque at P/Brig. Gen. Rolando Hinanay, hepe ng PNP Crime Lab.

Maging ang CACG, na samahan ng mga aktibo, retiradong opisyal ng pulisya, negosyante at pribadong indibiduwal ay nagpahatid din ng pasasalamat kina Ms. Que at Mr. Cabal sa ginawang pamamahagi ng kinakailangang face masks at disinfectant. Hindi katakataka kung lumago nang husto ang negosyo ng MEDSQUAD na bayad na rin sa kanilang kagandahang-loob.

Text ng readers

Nais ng isang Liza ng Sta. Ana na ipaabot kay Mayor Isko Moreno ang kanyang taus-pusong paghingi ng paumanhin dahil hindi raw niya ibinoto ang alkalde noong nakaraang halalan pero sa ipinakita raw pagmamalasakit ni Yorme sa Manilenyo ngayon, die-hard Isko na raw siya at handa siyang maging leader sa kanilang barangay sa susunod na halalan para isulong ang kandidatura ng alkalde.

Sa text ng isang Glen Cabusao, pabor daw siyang mapatalsik bilang Speaker ng Kamara si Cong. Alan Peter Cayetano dahil sumobra na raw ang hangin sa ulo. Bilib daw siya noon sa dating senador na matalino at palaban noong nasa oposisyon pa pero nang mapadikit na sa administrasyon, lumabas daw ang tunay na kulay at kinikilabutan na siya kapag nagbitaw na ng pananalita.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363