Salamat Eurotel at Hotel Sogo!

HANGGANG  ngayon ay lubos ang pasasalamat ng mga frontliners sa Eurotel at Hotel Sogo! Malaking tulong kasi ang ibinigay na accommodatation  upang doon sila manirahan ngayong may pandemiko ng COVID-19.

Naisulat na natin nito lamang buwan ng Marso  ang ginagawang pagtulong ng Hotel Sogo sa ating mga frontline workers. Kung susumahin, mahigit isang buwan na rin ang ibinigay nilang libreng serbisyo sa ating mga kababayan.

Pagdeklara pa lang ng ‘enhanced community quarantine’ ng Pangulong Rodrigo Duterte, agad lumapit si Manila Mayor Isko Moreno kay Mr. Gus Corpus, chief executive officer ng Hotel Sogo.

Hindi nagdalawang isip ang mabait na negosyante upang paunlakan ang kahilingan ni Yorme – agad nitong binuksan ang  mga branch Hotel Sogo sa lungsod, kabilang na ang Eurotel sa Pedro Gil.

Bilang patunay sa dakilang hangarin ng pamunuan ng Hotel Sogo, nakipagkasundo rin si Boss Gus Corpus kina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Caloocan City Mayor Oscar Malapitan  at Bacoor City Mayor Lani Mercado sa lalawigan ng Cavite.

Ang magaganda, malinis at pampamilyang hotel ay pansamantalang isinara sa kanilang mga customers at sa halip ay binuksan nila ito upang doon tumira ang ilan nating  front liners.

Sa press statement ni Boss Gus, sinabi nitong bahagi ang pagtulong sa kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) Program o kung tawagin ay Sogo Cares.

“This is to show support and gratitude to the frontliners who have been risking their lives and working tirelessly to help our countrymen in this time of need. We hope that in our small way, we can contribute our resources to help and support our brave health workers in fighting to defeat this dreaded disease.” ani Corpus.

Isinusulat ko ito’y kulang sa 800 silid na ng Sogo at Eurotel ang nagagamit ng ating mga frontliners na ang karamihan ay mga doktor, nurses, health workers mula sa iba’t ibang pagamutan.

“To all healthcare workers, our real heroes - Your noble deeds are appreciated. Hotel Sogo is thankful for your unwavering service to our country, thus, we have opened our doors for you to have a safe, So Clean, So Good accommodation,” dagdag pa ng pilantropong hotel owner.

Sa pagsulat ko sa kanila noong Marso 28 na may titulong ‘So Clean, So Good,’ hindi ko akalain na pati pala tayo ay lalapit at hihingi ng tulong sa pamunuan ng Hotel Sogo.

Nitong nakalipas na weekend, nag-message sa aming group chat ang isa nating ka-batch mula sa V. Mapa High School. Nag-aalala ito sa kanyang misis na isang nurse sa Philippine General Hospital (PGH).

Ani June Quezada ng VMHS Class of 1989, inoobliga na rin ang misis niyang si Nurse Genoveva ‘Bhang’ A. Quezada at mga kasama  na matulog na lamang malapit sa PGH.

Ito’y upang maiiwas na mahawaan ang pamilya sa loob ng kanilang bahay at bilang paghahanda na rin sakaling matuloy ang inaabangang ‘total lockdown.’

Maayos ang pamamahala ng pamunuan ng PGH at Manila City government. Isang transient hotel ang inihanda sa kanila sa Malate, Manila dahil halos puno na rin ang lahat ng hotel sa lungsod.

Maganda rin ito, malinis at maayos. Nangangamba lang si Batch Jun dahil maliit ang naturang ‘dormitoryo’ at may takot din siyang baka hindi masunod ang ‘social distancing.’

Nagbakasali si Batch Jun sa inyong lingkod na kung puwede natin siyang tulungan. Nasabi ko sa kanya na susubukan nating makagawa ng paraan at nang tawagan ng inyong lingkod si Mr. Armand Bacierra Aquinde, aka ABA, ang pinakamasipag na PR man ng Eurotel, agad niya tayong pinaunlakan.

Tumawag ito sa Eurotel sa kanilang branch sa Pedro Gil at doo’y pinatutuloy ang mga nurse sa PGH. Bukod kay Nurse Bhang, na-accommodate rin sa Eurotel sina Nurse Lusia de Guzman, Mildred Ocampo at Helen Siguig.

Tuwang-tuwa si Batch Jun. Lubus-lubos ang pasasalamat nito sa inyong lingkod at sa pamunuan ng Hotel Sogo. Nurse po sa abroad ang misis ko kaya naiintindihan ko ang damdamin ni Jun sa labis na pag-aalala sa kanyang kabiyak lalo’t hindi biro ang problemang taglay ng COVID-19 na anumang araw, oras at minuto ay puwede tayong dapuan nito sa katawan hanggang sa ating respiratory system.

Sa pamamagitan nito, personal po tayong nagpapasalamat sa pamunuan ng Hotel Sogo – una kay Boss Gus Corpus, sa kumpare kong si ABA, kay Mr. Ed Las, Eurotel Managing Director,  Branch Manager Rey Cabanauan at sa lahat ng kanilang masisipag, magagalang at mababait na staff.

Iisa lamang po ang kompanya ng Hotel Sogo, Eurotel at Icon Hotel.

Diyos na po ang bahalang magsukli sa kabutihang loob na ibinibigay ninyo sa lahat ng nangangailangan.

Sa totoo lang,  may COVID-19 man o wala, mula noon hanggang ngayon ay patuloy ang Hotel Sogo sa kanilang misyon na maging ligtas na lugar, taglay ang katagang ‘So Clean….So Good.’

Sa iba pang updates ng kanilang mga branches, maaari pong bisitahin ang  website www.hotelsogo.com o mag-like at mag-follow sa Facebook page na @HotelSogoOfficialPage, Twitter, Instagram @hotelsogo; at Youtube account @OfficialHotelSogo.