"Salamat sa covid19, salamat sa lockdown"

March 22, 2020

KUNG marami sa atin ang napagkaitang makalabas ng bahay at makagala sa mga karaniwan nating pinupuntahan dahil sa Covid19, marami rin sa atin ang nakakita ng mga positibong bagay sa mga pangyayari.

Noon, halos kinakahulan ka ng sarili mong aso sa tuwing dumarating ka dahil sa dalang mong umuwi ng bahay. Ngayon, ang mahinang hangin mula kawag na lang ng buntot niya ang iyong naririnig dahil sa kasiyahan niyang salubungin ka.

Ang mga anak mo noon na may kanya-kanyang lakad na kasama ng mga kaibigan at makasama ng mga kaklase, nakapiling mo na sa loob ng inyong bahay.

Ang misis mo na kung hindi kalahating araw sa zumba kasama ng mga amiga, naroon naman sa tong-itan or sa madyungan or nasa mga malls maghapon at halos hintayin na ang closing bago umuwi ng bahay.

Ikaw mismo na ama ng tahanan, baka masyado ka ring busy sa maraming bagay tulad ng trabaho, barkada, mga out of town na lakad or conference or meeting abroad, nagigising ka ngayon sa sarili mong tahanan. Nagkakape ka sa inyong bakuran, nagbabasa ka ng mga balita o libro sa sala or sa garahe ng inyong tahanan.

Hindi mo na nga namalayan, may bago ka palang kapitbahay dahil madalas, tulog na ang buong komunidad kapag napasok ka sa inyong tahanan.

Habang nasa panahon ng quarantine, ngayon mo lang napansin na barado pala ang inyong lababo, tumutulo ang bubungan ng inyong bahay, sira ang gripo sa inyong banyo at wala na rin palang laman ang inyong bigasan.

Ang inyong ref, tubig na lang ang laman at mahina pa ang lamig dahil sa kalumaan. Ang mga bisagra sa inyong mga cabinet bumigay na, wala man lang nag-aayos dahil lagi kang abala.

Ang kandado ng inyong pintuan ay sira na rin kaya binaluktok na lang na  pako ang gabi-gabing pangkandado ng inyong pamilya. Ang bumbilya sa kusina, matagal nang pundido pero hindi mo mapalitan.

Ang inyong mga plato at baso, kulang-kulang na rin pala dahil nagkandabasag na ang ilan sa mga nakaraan.

De lata na rin pala ang madalas ulamin ng iyong pamilya o kaya naman oorder sa food delivery. Wala na kayong panahong magluto na isang sangkap sa maayos na pagpapamilya.

Ang inyong mga lababo, ang mga sahig ng banyo ay nilulumot na rin pala kaya halos madulas na ang mga gumagamit. Ang paa ng lamesa ay hindi na rin pantay dahil tanggal na ang turnilyo.

Ang mismong mga bakod ay ginagapangan na ng mga damong ligaw, nabalutan na nga ng mga ugat at dahon ang metro ko ng tubig at metro ng kuryente dahil wala nang naghahawan ng mga sukal.

Ang bisikleta ng anak mong matagal nang hindi nagagamit dahil sa kinalawang na mga piyesa. Ang washing machine niyo na parang motor ng eroplano sa ingay dahil napabayaan mo na rin.

Ang mas malungkot, kayo mismong nasa loob ng tahanan ay hindi na rin nagkikita-kita dahil sa matagal na panahon, mas nakatutok kayo sa inyong mga cellphones kahit nasa loob na kayo ng inyong bahay.

Kaya nga kung mayroon mang mabuting naidudulot ang lockdown at ang virus, ibinalik nila tayo sa ating katinuan, naharap natin ang ating mga pamilya, nagawa natin ang samu't saring problema sa loob ng ating tahanan mula sa sirang gripo hanggang baradong banyo.

Dumalas na rin ang ating pagluluto dahil wala na tayong restaurant na makainan, lahat tayo nakapirmi sa ating mga bahay dahil sarado lahat ang mga malls at bawal mag-abroad.

Ganito ang buhay nating lahat 20 to 30 years ago, mas makapamilya tayo, mas marunong tayo magpahalaga sa mga maliit na bagay na ikaaayos ng buhay ng ating pamilya. Ibinalik ang mababaw nating kaligayahan na inalis sa atin ng modernong panahon.

Salamat sa covid19, salamat sa lockdown.

allanpunglogmail.com