Salamat sa ‘Rektang P200 Helpline Bayanihan!’

HABANG patuloy ang pambibiktima ng COVID 19 sa Pilipinas at sa iba pang panig ng mundo,  hindi naman nagsasawa ang mga may mabubuting kalooban sa pagtulong sa ating mga kababayang labis na apektado ng pandemya.

Ang madalas nating naisusulat na aktibong pag-agapay ng Filipino Indian Commerce and  Welfare Society Incorporated (FICWSI) sa pangunguna ng kanilang presidente na si Manjinder "James" Kumar ay hindi nakuntento sa kanilang mga nasimulan at nakipag-partner din sa iba pang mga nais magbigay tulong.

Dito nabuo ang programang "Rektang Your 200 Pesos Helpline Bayanihan" na patuloy sa pagkakaloob ng munting ayuda sa ‘vulnerable sector’ ng bansa.

Isa sa katuwang ni James ay ang programang "Rektang Konek" ng UNTV, gayundin ang masipag na heneral na si Police General Rhodel Sermonia,  director ng Police Regional Office 3.

Ang ideya ng ‘(Donate) Your 200 Pesos” naman ay programa ng masipag at matulunging binibini na si Michelle Theresa Imperial Gumabao, isang Pinoy Big Brother housemate, na hindi nagdamot magbigay tulong sa mga aba nating kababayan.

At syempre nandiyan pa rin ang Helpline Bayanihan ni James na nauna nang nakapagbigay ng iba't ibang pangangailangan sa ilang lalawigan sa bansa.

Isa sa aktibidad ng "Rektang 200 pesos Helpline Bayanihan" ay ang mamigay ng ayuda sa mga jeepney driver na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin makapasada kaya't wala pa ring kita at halos mamalimos na lamang sila sa kalsada.

Direktang nabahagian ng grocery bags ang mga miyembro ng Cabiao Arayat Jeepney Operators and Drivers Association sa San Juan North upang kahit papaano ay may 'pantawid gutom' ang kani-kanilang pamilya.

Bukod dito, nagbigay din sila ng 2,000 relief bags, 26 wheelchairs, at mga personal protective equipment (PPE) sa Nueva Ecija.

Ang mga ito ay nai-turn over nina Kumar, Sermonia at Gumabao kina Cabiao Police Chief, Police Major Michael Lorilla at Gapan Mayor Emeng Pascual na isa nang internet sensation ngayon dahil tulad nina Manila Mayor Isko Moreno, Pasig City Mayor Vico Sotto, Marikina City Mayor Marcy Teodoro at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, kahanga-hanga ang ginagawa nitong pagresponde sa ating mga kababayan sa naturang bayan. 

Ayon sa ating mga bida, isa sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ay ang makapagbigay ng tulong sa mga kababayang nangangailangan.

Nakahahawa anila ang positive energy ng bawat isa sa kanila.

Umaasa sina Sermonia at Kumar na ang ganitong uri ng mabubuting gawa ay makahikayat sa iba pang kababayan na handang tumulong sa mga mahihirap.

Sa ganang akin, kahanga-hanga ang mga gawaing ganito.

Mula’t mula ay patuloy ang ginagawang pagtulong ng FICWSI sa mga kababayan nating mahirap, gayundin ang Rotary Club of Makati Nielsen kung saan ay presidente rin ang pilantropong si Kumar.

Ang nakabibilib pa, si Gen. Sermonia, bukod sa 24-7 na ginagawa nitong pagbabantay sa katahimikan, kaayusan at pakikipaglaban sa mga kriminal, gayundin sa mapamuksang COVID-19 sa Central Luzon, ay nakukuha pa nitong maglaan ng oras, hirap at pagod para naman magbigay ayuda sa mga pobre nating kababayan.

At hindi lamang ang artistang si Angel Locsin ang nakikita nating aktibo sa pagbibigay-tulong, kundi maraming iba pa na tulad ni Michele Gumabao ang hindi nagdadamot magbigay tulong sa abot ng kanilang makakaya.

Gayundin siyempre sa UNTV na noon pa ay walang patid na sa pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan, hindi lamang ang kanilang makabuluhang programa at palabas sa telebisyon.

Nakatataba ng puso ang mga ganitong uri ng magandang pagkilos at sana ay hindi sila magsawa sa pagbibigay tulong na hindi na kailangan pa ng malaking publisidad.