Saludo tayo sa Department of Environment and Natural Resources

January 30, 2019

BUKAS ay nasa pang-32 buwan na sa Malacañang si Pangulong Rody Duterte, pero nandiyan pa rin ang problema sa iligal na droga na nagpapasakit sa ulo ng mga awtoridad.

Malala talaga ang problema bago pa maupo si Pangulong Duterte.

Pero determinado ang Administrasyong Duterte na wakasan ang problema.

Ang kailangan lang ay tumulong ang lahat para makawala na tayo sa impluwensiya ng “drug monster.”

Kaya naman natutuwa tayo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay hindi nagpapabaya ang mga taga-Bureau of Customs (BoC).

Sinisiguro ni NAIA district Collector Carmelita “Mimel” M. Talusan na walang makalulusot na kontrabando sa paliparan.

Lahat ng mga dumarating na kargamento sa mga NAIA terminal ay “thoroughly checked.”

Kasama ang mga taga-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagbusisi sa mga shipment.

Sinabi ni Collector Talusan na mahigpit ang ginagawang screening.

“This is to ensure all air parcels, baggage, and shipments arriving in the airport are cleared from any illegal substances and unauthorized import of other controlled chemicals,” ayon kay Talusan.

Sa loob lamang ng sampung buwan ay nakapag-rehistro ang BoC-NAIA ng tatlumpong drug seizures.

Hindi pa kasama diyan ang mga nasakoteng wildlife na tangkang ipuslit papalabas ng bansa.

Tumutulong ang BoC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para matigil ang illegal wildlife trade.

Sa tingin ng mga nakakakilala kay Coll.  Mimel, mahirap lumusot sa NAIA ang mga  kontrabando.

Nandiyan ang mga x-ray machine, K9 o trained dog at eagle-eyed na mga BoC personnel.

Laging ipinapa-alala ni Talusan, anak ni dating BoC Depcom Julita Singson Manahan, ang kahalagahan ng tapat na serbisyo sa bayan.

At tama naman si Collector Talusan.

Nasa kamay ng mga nagpapatupad ng batas ang tagumpay ng  mga programa ng gobyerno.

Ang kailangan lang ay patuloy na ugnayan ng mga namumuno at kanilang mga tauhan.

* * *

Mabuti naman at naglakas loob ang Administrasyong Duterte na linisin ang Manila Bay.

Hindi biro ang “clean-up and rehabilitation” ng makasaysayang Manila Bay, na pinapangunahan ng DENR.

Hindi kagaya ng Boracay Island, maraming bayan, syudad at probinsya ang nakakasaklaw sa Manila Bay.

Malalaking bahay-negosyo rin ang apektado sa ginagawang paglilinis.

Kailangang may sapat na political will ang mga ahensiyang naatasang maglinis sa Manila Bay.

Naniniwala tayo na habang nasa Malacañang si Pangulong Duterte ay susunod ang lahat sa kumpas ng gobyerno.

Dapat magsama-sama tayo sa proyektong ito.

Pati mga kritiko ng administrasyon ay dapat makiisa sa paglilinis dahil para ito sa kapakanan ng susunod na henerasyon ang ginagawa ng gobyerno.

Huwag din kalimutan ang mga sasakyang pandagat na nagtatapon ng kani-kanilang basura sa dagat.

Sa inyong lahat na nakatoka sa clean-up ng Manila Bay, lalo na sa DENR, Saludo kami sa inyo!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: vicreyesjr08@yahoo.com. ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)