Saludo tayo sa lahat ng mga Health Care Workers

August 15, 2020

SALUDO tayo sa lahat ng mga health care workers(HCWs) na nangunguna sa laban sa COVID- 19 mula pa noon Pebrero.  Kahit mahina ang health care infrastructure ng bansa, hindi sumusuko ang mga doktor, nars, med tech, at iba pang HCWs sa pag-aalaga sa mga may karamdaman kahit pa mahigit 12 oras ang duty, puyat, at pagod ang araw araw nilang dinaranas. Masakit  pakinggan sa tenga ang sinabi ng isang senador na pagbutihin pa raw ng mga HCWs ang kanilang trabaho.

Ang pagod at puyat  ay nagpapahina ng resistensya, kaya itinala  ng DOH noon Hulyo 21, 2020 na  may 3,643 HCWs ang nagpositibo sa COVID-19,  mayroon 1,293 nars, 906 doktor, 253 nursing assistant, 155 medikal teknologist, 88 radiologist, 62 komadrona, 36 respiratory therapists at 24  pharmacists. Ang iba ay mga admin staff, utility personnel, security guards, drivers, caregivers at barangay health workers. 1 sa 10  tao na COVID-19 positive ay mga HCWs. 34 na doktor , mga nars at iba pang health care workers ang nasawi na dahil sa COVID-19.

Sa unang tingin, lumalabas na hindi  nagpapabaya ang pamahalaan sa pagsuporta sa mga HCWs ng pamahalaan.  Inayos ng 1994 Magna Carta for Public Health Workers ang mga salary grades ng mga HCWs sa gobyerno at nagdagdag pa ng mga allowances para sa kanila tulad ng  hazard pay, subsistence pay, longevity pay, laundry allowance at remote assignment pay.

Naglabas din ang Pangulong Duterte ng Executive Order No 201 noon Marso 15,2019 na nagpatupad  sa 4th tranche ng Salary Standardization Law. Dahil dito, ang isang medical officer na may salary grade(SG) 21 ay tatanggap  ng buwanang  sweldo na  P57,805 at ang Medical Specialist 2 at 3 ay sasahod ng P73,811 at P83,406 samantalang ang Nurse 2 ay P 30,531 naman ang tatanggapin.  Ang mga nars na kontraktuwal ay may P8,000 kada buwan.

Naglabas din  ngayon 2020 ang DBM ng Circular 2020-4 na nagtaas ng suweldo ng mga Nurse 1 na  ang item ay mula  SG 11 hanggang SG 15 na  sasahod ngayon mula P32,053 hanggang P34,801 depende sa salary grade.  Sa kasalukuyan mayroon tayong 6,627 mga nars na ang item ay Nurse 1 na makikinabang sa umentong ito.

Ngunit sa kabila ng pagtataas ng sweldo ng mga may plantilla items, nananatili pa rin ang malalaking problema na hinaharap ng ating mga HCWs araw araw:  1) “understaffing” o kulang na plantilla  items upang madagdagan ng doktor at nars at iba pang medical staff kaya tuloy inaabot ng 12 oras o higit pa ang duty; 2) kulang na Personal Protective Equipment at medical grade face masks; at dahil MECQ ang Metro Manila, 3) kulang ng transportasyon at matutulugan sila; 4) walang stress debriefing para maibsan ang kanilang pisikal,emosyonal at mental stress; 5) kulang ng suporta sa kanilang mga pamilya na hindi man lamang nila maasikaso at ang nakakagimbal na   sindak sa isipan ng taong bayan na baka mahawa sila sa mikrobyo ng mga HCWs na  umuuwi sa kanilang lugar.

Para sa madaling  hinaharap, siguraduhin ng DOH, sa tulong ng  COA, na mapabilis ang pagbili ng mga PPE  at medical grade face masks  para sa mga HCWs. Koordinasyon ng MMDA, DOH, AFP at mga LGU ng hospital bus (parang school bus) na maghahatid sundo sa mga HCWs sa mga itinalagang pick-up points at alamin ang tirahan nila at maghatid ng sapat na pagkain at ibang gamit na kailangan  ng pamilya ng HCWs.  Sikapin magbuo ng stress debriefing para sa HCWs. Punuin  at magdagdag pa ng mga plantilla items o kahit contraktuwal o job order muna para malutas ang problema ng understaffing.

Para sa pang matagalan panahon,  magpatayo pa ng mga ospital na pang primary health care  at magparami ng kama para sa ICU sa mga tertiary level hospitals.   Mag extend ng hospital loans na may  mababang interes para  ang mga pribadong ospital ay  makasabay  sa pagpaparami ng kama at  diagnostic equipment  at medical laboratory.

Hindi kailangan ng rocket scientist para makabuo ng mga hakbang sa paglutas ng problema ng HCWs at sa pagpapalakas ng health infrastructure ng bansa.Tama, itaas ang suweldo ng mga may plantilla item. Subalit  marami  pang hakbang ang kailangan gawin   para masabing malakas ang  ating health infrastructure system na kayang sumagupa sa ano mang  banta ng sakit, kalamidad o pandemiya.