Sariling script ng buhay'

August 25, 2020

BUWENAS lang ako sa aking kabataan dahil maaga akong nabatak sa trabaho.

Nabitbit ko iyong kasanayan ko sa pagtatrabaho at pag-iimpok na magkasabay. Iyong tipong hindi ka gagastos nang mas malaki sa iyong kinikita.

Noong mga panahong ang mga kalaro mo ay plain lugaw lang ang order sa karinderya sa palengke pero ikaw, may tokwa't baboy pa.

Hindi naman ako biktima ng forced at child labor noong mga edad 10 hanggang 17. Iyon talaga ang karakter na nagisnan ko. Nagkaroon kami ng karinderya sa tabi ng terminal ng bus sa Novaliches.

Lima kaming magkakapatid pero ako iyong palaging ginigising ng nanay ko ng alas tres ng madaling araw para isamang mamalengke sa Balintawak. Kaya maaga rin akong natutong mamalengke at magluto dahil talagang  kusina ang naging playground ko.

Kaya sa kainitan ng ECQ, habang nagpa-practice pa lang ang ibang tatay kung paano mamalengke at mag-grocery, may doctorate na ako!

Kahit may karinderya na kami, rumaket pa rin ako ng paglilinis ng mga jeep sa Novaliches. Kapag walis lang, 25 cents ang bayad pero kapag papahiran na ng krudo, 50 na.

Kumita ka lang ng sampung piso sa ilang oras, happy na, uwian na agad!

Kapag pauwi na, libre rin akong nakasakay  kasi, nagbabarker naman ako sa nakapilang jeep para makasabit nang lpauwi. Iyon ang naging cycle ng buhay ko ng ilang buwan hanggang mapadpad naman kami sa isang sash factory na pag-aari ng family friend namin na si Mang Danny at ang nanay ko naman ang namahala.

Si Mang Danny (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa) ang nagturo sa akin ng maraming bagay lalo na sa "diy" o do it yourself handyman. Kakalasin namin ni Mang Danny ang isang makina ng sasakyan or makina sa sash factory, tapos huhugasan ko ng gas then kami rin ang magbabalik mula sa maliit hanggang kaliit-liitang turnilyo.

Tuwang-tuwa sa akin si Mang Danny kaya ako na naging sidekick niya sa mahabang panahon. Sa edad kong 16, uutusan ako ni Mang Danny na mag-ikot sa Binondo or sa mga industrial hardware sa Caloocan para maghanap ng piyesa na kailangan niya.

Alam niyang kapag ako ang inutusan niya, areglado lahat at kahit saang sulok na may tindang turnilyo, ipapahanap niya sa akin. Tandang-tanda ko iyong sinabi ni Mang Danny sa nanay ko: "Malayo ang mararating ng batang 'yan."

Nabigyan pa ako ng raket ni Mang Danny dahil iyong paglilinis ng capis shell para sa bintana, sa akin niya pinagawa. Saku-sakong capis ang darating weekly, lilinisin sa mga batyang may tubig tapos gugupitin ko ng square.

May dagdag raket pa, iyong 20-foot na flat bar na uno ang  lapad at 1/4 ang kapal, puputulin ko ng 7 inches para later on, ipilipit ko naman na parang letter S. Gagamitin naman iyon sa handle ng wood jalousies na kami rin ang nag-deliver kung saan-saang public schools noong mga dekada 80.

Big time na ako, may suweldo na akong P250 isang linggo, ibig sabihin P1,000 isang buwan. First year college ako noong mga panahong iyon kaya may konting ipon na para sa lugaw na may mata pa ng baka!

May nakalimutan akong ikuwento, noong kamusmusan ko pala, mga seven years old, may raket na rin ako. Nangunguha naman ako ng kanin-baboy sa mga kapitbahay para makakain naman ng libreng ice candy mula sa tiyahin na may alagang tatlong baboy.

Fast forward, hanggang sa Lyceum habang college ay nakaraket din ako. Tuwing Linggo ang aming CMT (ROTC) kaya walang masyadong makainan. Hindi alam ng mga officer namin, kinumpetensiya ko ang tinda nilang enseymada.

Namamakyaw ako ng P60 worth na pan de coco sa Blumentritt bago pumasok. Sa dami at laki ng bulsa ng CMT uniform ko, hindi napapansin na ang dami kong bitbit na tinapay papasok.

Ang benta ng enseymada sa CMT office ay P6 pero iyong pan de coco ko na malaki rin, tatlong piso lang. Iyong puhunan kong P60, naging P180 pag-uwi ng Linggo ng hapon dahil piso lang naman puhunan ko bawat isa. Sorry sa mga CMT officers ha, raket lang, walang personalan.

Maraming aral na puwedeng mapulot dito kaya ko lang naisulat ng "raket story" ko. Naitanong kasi sa akin minsan ng isang nagtitinda kung bakit para hindi raw ako apektado ng pandemya kasi may pamalengke pa ako kahit walang masyadong raket.

Iyon na mismo ang sagot sa tanong niya, kailangan nating huwag titigil sa trabaho at sa pag-iipon habang may pagkakataon.

Palagi kong sinasabi, tayo mismo ang gumuguhit ng ating kapalaran. Ikaw na nga susulat ng script, ikaw na ang direktor, ikaw pa ang bida ng sarili mong buhay kaya nasa iyo ang lahat ng paraan para maganda ang kalabasan ng iyong pelikula na kung tawagin ay totoong buhay.

allanpunglo@gmail.com