‘Security Affidavit’ laban sa mga korap

BAGAMAN “matagumpay” na “naharang” nang pinagsanib na puwersa ng BoC at PDEA ang tangkang pagpapasok (na naman) sa bansa nang may 276 kilos ng shabu noong nakaraang Marso 22, “aligaga” pa rin sa pagbabantay sa pantalan ang mga operatiba ni Customs commissioner, Rey ‘Jagger’ Guerrero at deputy commissioner for intelligence (DCI) Raniel Ramiro.

Ayon pa nga sa mga miron, hindi lang itong ‘Wealth Lotus Empire Corporation,’ ang ‘importer’ ng kontrabando, ang “hinihimay” ngayon ng tanggapan ni DCI Raniel bagkus, apat  pang ‘consignees’ na umano’y ‘front’ ng isang kilalang ‘player’ sa pantalan.

At dahil nga ‘continuing operation’ pa rin ito hanggang ngayon, hindi na muna natin ibubulgar dito ang ilan pang mga nakalap nating detalye, dear readers Bagaman, natutuwa naman tayo na mismong sa PDEA na mismo nanggaling na ‘satisfied’ sila sa relasyon nila ngayon sa BoC at walang nakalusot na shabu— sa ngayon— kumpara sa termino nina Comm. Nick Faeldon at Comm. Sid Lapena.

Kung matandaan ang isyu ng “meron” o “wala” (nakalusot na shabu) ang naging “mitsa” ng imbestigasyon noong isang taon ng Kongreso at Senado at naging dahilan pa nga sa naging “iringan” ni Comm. Sid at PDEA director general, Aaron Aquino.

Harinawang magpatuloy ang ganitong sitwasyon mga kabayan. Harinawa, hehehe!

‘In fairness’ pa rin kay Comm. Sid, uulitin natin na kahit mismong si Pang. Digong na ang “magpatakbo” ng Aduana noong panahong ‘yun, hindi malayo na kahit siya ay malusutan ng iligal na droga dahil nga kasi sa “sindikato” nitong sina PDEA deputy director, Ismael Fajardo, ex-PNP colonel Jojo Acierto at BOC intel officer, Jimmy Guban.

Aber, ano bang magagawa ng isang customs commissioner kung ang mga personalidad na ang trabaho ay “maghuli” ng iligal na droga eh, sila pala mismo ang mga ‘drug smugglers,’ aber?

Oops! Hindi natin ito sariling opinyon, dear readers, hane? Bagkus ito ang “lumabas” sa ‘drug matrix’ na inilabas noong Oktubre 2018 ni Pang. Duterte, mismo, hindi ba?

Sa termino naman ngayon ni Comm. Jagger, tila malapit na umanong maubos ang “balon ng kanyang pagtitimpi” sa mga korap d’yan sa Aduana, partikular na d’yan sa AMO (Account Management Office), sa RMO (Risk Management Office). At isama mo na rin ang XIP (X-Ray Inspection Project), Comm. Jagger, hehehe!

‘As a refresher,’ dear readers, itong AMO ang “sumasala” at nagbibigay ng “lisensiya” sa lahat ng mga ‘importer/consignees’ at ang RMO naman ang bahala sa ‘profiling’ ng mga dumarating na kargamento.

Kung parehong walang alam kundi “tumanggap” ang mga tanggapang ito, eh, talagang palaging may makakalusot na mga kontrabando, kasama na ang shabu.

Dapat tandaan na sa termino ni Comm. Faeldon, naging malaking eskandalo ang nalaman ng Senado at Kongreso na “ibinebenta” pala ng ilang korap d’yan sa RMO ang mga ‘parameters’ ng ‘Selectivity System’ ng BOC kaya yung mga dumating na shabu na natagpuan noong 2017 sa isang warehouse sa Valenzuela City, aba’y ‘Greenlane’ o hindi na kailangan ng ano mang ‘physical/X-Ray inspection.’

Dito naman sa kaso ng Wealth Lotus Empire, marami rin ang umangat ang kilay na ‘Yellow Lane’ (document examination) lang ito bagaman “bagitong” consignee at ang mga produktong ‘GM’ (general merchandise) ay galing China.

Dito naman sa AMO, malaking isyu pa rin ang pagkakarehistro ng mga ‘consignees/importer’ na pulos ‘consignees-for-hire’— na siyang ginagamit ng mga smuggler ng iligal na droga at isang katotohanan na napalabas sa mga nakaraang pagdinig ng Senado at Kongreso.

***

Kasama naman tayo sa naniniwala na talagang seryoso ang ‘Team Jagger’ na “turuan ng leksyon” ang mga korap na opisyal at empleyado sa Aduana.

Ang malaking “balakid” dito mga kabayan? Isa rin kasing “masaklap” na katotohanan sa pantalan na WALANG GUSTONG LUMUTANG upang patotohanan (sworn affidavit) ang kanilang mga bintang na pangongotong at panggigipit ng mga opisyales at empleyado ng BOC.

Ang dahilan kasi ng mga nabibiktima? “Baka balikan” sila ng mga taga-BOC, ipitin ang kanilang mga kargamento at kapag minamalas pa nga, daanin sila sa karahasan.

Bilang “remedyo” naman, nalaman natin na seryosong “pinag-aaralan” ng Team Jagger ang paggamit ng ‘Security Affidavit.’

Sa ilalim nito, bibigyan ng ‘security name’ (alias) ang sino mang nakahandang magbigay ng testimonya hinggil sa mga katiwalian sa ano mang yunit, opisyal at empleyado ng Aduana. Ang nasabing testimonya ay gagamitin naman ng BOC para sa pagsasampa ng mga kasong administratibo at kriminal.

Kapalit ng proteksyon na ibibigay ng BOC, ang testimonya ay dapat lang na totoo at may batayan (siyempre) at hindi mga nilubid na kuwento para lang siraan ang sino man sa Aduana.

Sa ganang atin, “bagong konsepto” ito sa paglaban sa mga korap sa pantalan na hindi masama kung “susubukan” ng mga palaging nabibiktima ng mga tulisan sa Aduana— na hanggang ngayon ay talagang wala pa ring kinatatakutan.

Sa atin namang pagkakalaam, ang “pinakagarapal” sa pangongotong ngayon sa pantalan ay ‘yang mga ‘andyan sa XIP kaya sa mga palaging “pinapaiyak” nitong mga gahaman ‘dyan sa XIP, eh, ano pang hinihintay ninyo?

Ito na ang pagkakataon ninyo na tulungan ang Team Jagger sa kampanya nila laban sa korapsyon. Abangan!