Senator Cynthia Villar, pambato ni Mayor Sara Duterte!

February 28, 2019

MISMONG si Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang nagsabi na si reelectionist Senator Cynthia Villar ang pangunahing kandidato sa Hugpong ng Pagbabago para sa darating na May 13 midterm elections.

Ang pahayag na ito ay sinabi ng alkalde sa harap ng libu-libong tagasuporta ng HNP sa Meycauayan noong nagdaang Martes.

“Nakita na namin siyang nag-number one sa survey…meron siyang potential that she will end up number one on May 2019. And you can see her track record, nakita niyo naman gaano siya kasipag maghanap ng areas kung saan puwedeng maglagay ng livelihood projects, farm schools,” ani Duterte na siyang tumatayong campaign manager din ng HNP na pinakamalaking regional political party sa buong bansa ngayon.

Aniya, ang kagalingan, kasipagan at katapatan ni Villar ang dahilan kung bakit mahal ito ng tao -- mula sa sektor ng agraryo, kababaihan, OFWs at mga mahihirap nating kababayan.

Kilala bilang Mrs. Hanapbuhay, si Villar ay hinangaan dahil sa galing at malasakit sa ating mga kababayan.

Sa ilalim ng programang Villar Foundation na ngayon ay Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (Villar SIPAG), mahigit 5,000 pamilya ng OFWs ang natulungan niyang magkaroon ng hanapbuhay dito sa Pilipinas; samantalang kampeon din siya sa sektor ng agrikultura dahil ipinaglalaban din nito ang kapakanan at pangangailangan ng mga kababayan nating magsasaka at mangingisda.

Bilang tagapamahala ng Senate committee on agriculture and food, nakitaan ng malasakit si Villar nang batikusin nito ang sobrang pagtaas ng presyo ng bawang at sili, gayundin ang paglaban sa mga smuggling sa bigas at iba pang produktong nakaaapekto sa hanapbuhay o produksiyon ng mga kababayan nating magsasaka.

Dahil sa mga ganitong kagalingan at katangian, kaisa ako ni Inday Sara sa pagsasabing hindi malayong maging number 1 ngayong halalan si Senator Cynthia Villar
’Wag katakutan ang Rice Tariffication

Pirmado na ng Pangulong Duterte para tuluyang maging batas ang Rice Tariffication Bill na nagtatanggal sa limitasyon sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Bunsod nito,  asahan nang mawawala ang smuggling sa bigas dahil malaya nang makapapasok sa bansa ang mga imported na bigas na magiging daan din upang bumagsak ang presyo nito sa merkado.

Mababawasan na rin ang papel ng gobyerno sa pag-iimport ng bigas dahil ipapaubaya na ito sa pribadong sektor.

Nauna nang sinabi ni Finance Assistant  Secretary Tony Lambino na aabot sa P2-P7 ang mababawas sa presyo ng bigas.

Tinitiyak ng pamahalaan  na matutulungan ang mga magsasaka ng bigas at sisiguraduhing mabibigyan sila ng pondo.

Bibigyan ang mga magsasaka ng “package support program” kabilang na ang P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund upang mas madagdagan ang kanilang ani at mailaban ang kanilang ani sa murang imported na bigas.

Sa ilalim din ng Rice Tariffication Law, ang malilikom na taripa mula sa mga importer ng bigas ay siyang magagamit na pondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa mga magsasaka. Ang taripa ay 35% kung mula sa mga miyembro ng Asean at 50% kung mula sa ibang  bansa.

Inaasahang aabot sa P10B ang malilikom na pondo kada taon mula sa taripa.

Para sa taong 2019, P5B nito ay mapupunta sa mekanisasyon, P3B para sa produksyon ng mataas na kalidad na binhi, P1B para sa pagpapautang ng puhunan, at P1B para sa pagsasanay at paghahasa sa ating mga magsasaka.

Sa tamang paggamit ng RCEF, maaaring maparami ang kabuuang ani ng mga magsasaka at sa paggamit pa lamang ng makina sa pagsasaka, makatitipid na sa gastos, paggawa o labor cost, at oras sa pagsasaka. Dagdag pa diyan, mababawasan din ang 16% na post-harvest losses.  

Magpaparami ng dekalidad na binhi ang PhilRice at IRRI. Sa P3B nakalaan na pondo dito, inaasahan na mapataas nang 2-metric tons ang ani sa isang milyong ektaryang palayan sa unang taon ng implementasyon.

Ang P1-B pondo naman na nakalaan sa pautang na puhunan ay  makatutulong sa mga magsasaka na makabili ng pataba at iba pang gamit sa bukid na siyang magpapataas ng ani. 

Samantala ang P1-B na nakalaan para sa farmers’ training ay inaasahan din na makatutulong na mapagbuti ang pagpapalayan.

Hiwalay pa ang budget ng NFA na  P7B rice program under DA.  Ang P7 billion budget ng NFA ay para bumili ang NFA  ng palay mula sa mga lokal na magsasaka. 

Sa ganang akin, maganda ang layunin ng batas na ito. Basta ang importante rito, magkaroon lamang ng maayos na panuntunan at pagbabantay para hindi maabuso ang naturang batas na maaaring makaapekto sa ating local farmers.

Tiyaking walang mangyayaring pag-aangkat ng bigas sa oras ng anihan para malaya ang ating mga kababayan na mamayagpag sa merkado ang mga bigas na galing sa atin. 

Naniniwala tayong positibo ang pananaw ng Pangulong Rodrigo Duterte kaya niya pinirmahan ang Rice Tarrification Law at magtiwala na lang tayo ngayon sa pamahalaan dahil alam nating kaya nila ginagawa ito ay para na rin sa ating kapakinabangan.

Siyanga pala, may naboljak na Palace official dahil tinangka pa raw nitong urutin ang Pangulong Duterte upang i-veto ang nasabing batas.

Bulung-bulungan na malaki ang komisyon ng mokong na Palace official sa mga smuggler ng bigas kaya hinaharang nito ang Rice Tarrification Law dahil ang nasabing batas ang magiging daan upang mabuwag na ang malalang smuggling ng bigas sa Pilipinas.