Si Doc Tony Leachon ang sakto sa DOH

PERSONAL kong kakilala at mabuting kaibigan natin si resigned National Task Force against Covid Special Adviser Doc Tony Leachon.

Kung may itinatawag na passionate public servant to the core, siguro isa na rito si Doc Tony. Hindi ako nagtataka sa sinabi ni Task Force head implementor General Galvez na "preempetive disclosure" na dapat sana'y internal issue ang iniisyu nila  kay Doc Tony.

Hindi puwede kay Doc Tony ang paglilihiman ang bayan kapag panganib ang nakataya.

Dahil nga kakilala nating personal, alam natin kung gaano kaagresibo si Doc Tony na tumulong sa pagresolba ng problema ng bansa laban sa virus. Sa mga nakaraan, nagkaroon din ng iringan si Doc Tony sa mga dating Health secretaries dahil sa mga policy issues.

Hindi kasi matanggap ng ibang kalihim na mas magaling sa kanila si Doc Tony.

Kung mayroon man isang katangian si Doc Tony, hindi nito kayang makipagsabwatan sa mali kaya sa maraming pagkakataon, ayaw siya ng mga may agenda sa DOH.

Sa totoo lang, kung mayroon mang qualified na maging Health secretary sa ganito katinding problema, palagay ko ay si Doc Tony na iyon. Ang maganda sa kaibigan nating ito, malinaw ang guhit ng puti at itim. Walang gray area sa mga decision kapag public health ang pinag-uusapan.

Bago pa man siya maging task force adviser, aktibo na si Doc Tony sa paglalabas ng mga suggestion kung paano lalabanan at kung paano dapat harapin ang virus. Kung health issue talaga ang nakasalang, hindi natin puwedeng alisin sa postura si Doc Tony dahil unang-una, alam niya ang kanyang sinasabi.

Masyado itong transparent at forward thinking na tiyak hindi masasabayan ng mga taga-task force. Huwag nating kalilimutan, si Leachon ay hindi pulitiko, hindi militar, hindi PR man at hindi marunong sa transactional politics. Siya ay duktor na may malawak na kaalaman sa siyensiya at medisina na kailangan natin sa pandemic.

Kapag health issue ang nakasalang, gusto natin na science based ang mga desisyon at hindi transactional or patingi-tingi. Tiyak na "matigas ang ulo" ni Doc Tony kapag para sa kapakanan ng publiko ang usapan kaya hindi tayo nagtatakang ayaw siyang makasama ng iba sa task force.

Ngayong nag-resign na si Leachon, tapos ayaw mag-resign ni Health Secretary Duque, naku po, Panginoon, sagipin nyo po ang aming bayan!

Don’t worry Doc Tony, hintayin mo lang maging Presidente ang apo ko, ipapa-appoint kitang DOH secretary.

allanpunglo@gmail.com