Si Mayor Oca Malapitan at ang short shorts

TAMA ang plano ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na paamyendahan ang naunang ordinansa na inaprubahan ng Konseho tungkol sa pagbabawal sa pagsusuot ng ‘short shorts’ sa mga kababaihan sa lungsod.

Sa ating panayam, sinabi ni Malapitan na matapos lamang ang eleksiyon ngayong Mayo, ipare-review nyang ulit ang Ordinance No. 0439 o tinawag na Caloocan City Dress Code in Public Places.

Partikular dito na nakasaad sa Section 5 nito ang pagbabawal sa pagsusuot ng maiikling shorts sa mga pampublikong lugar.

Ang naturang ordinansya na pinagtibay noon pang taong 2007 ay iniakda ni DILG Assistant Sec. Ricojudge Javier M. Echeverri noong konsehal pa ito ng lungsod.

Aprubado at pirmado ito ng pitong konsehal na sina Alexander Aurelo, Susana Punzalan, Ramon Te, Gualberto Bacolod, Dante Prado, Melinda Mabagos at siyempre si Marjorie Barretto na sobrang ‘lapit’ kay dating Mayor Recom Echeverri.

Sinabi ni Malapitan na  simula nang aprubahan ang naturang batas, hindi ito naipatupad dahil walang nailabas na ‘implementing rules and regulations.’

“It was approved 2007 at 2013 naging mayor ako. Kaya after elections, ipare-review ko iyon. Kung kinakailangang ipa-modify, baguhin ay gagawin natin,” ani Malapitan sa panayam natin sa telepono kahapon.

Si Mayor Oca ay itinuturing na ‘unopposed mayor’ ngayong darating na halalan dahil wala halos itong kalaban resulta na rin ng magagandang ‘accomplishments’ na nagawa nito bilang ama ng Caloocan City.

Ayon sa kanya, hindi dapat hadlangan ang mga kababaihan sa pagsusuot ng mga damit na gusto nilang suutin. Kung naka-shorts man ito ay hindi na isyu sa lahat. “Basta ba hindi na nakikita ang underwear sa kanila, okay lang yun,” sabi pa ni Oca.

Depende na lamang aniya sa nagsusuot ng shorts kung tingin nito ay kabastus-bastos ang kanilang pananamit.

Gayunman, sinabi ng alkalde na dapat maging maingat din ang ating mga kababayan sa pagsusuot ng maayos na damit lalo kung pupunta sila sa mga government office.

Naintindihan nito ang mga ‘mahihirap’ na kababayan, pero hindi aniya dapat na magsuot ng sobrang ikling shorts ang ilan nating kababayan.

Dapat din, sabi pa ni Malapitan, maging ‘consious’ ang kababaihan -- higit lalo ang mga kabataan -- sa pagsusuot ng ‘short shorts’ kung sasama ang mga ito sa isang prusisyon dahil pangit itong tingnan.

Ang pangamba pa ng alkalde sakaling magkaroon ng labis na paghihigpit sa pagsusuot ng maikling shorts ay maaaring maabuso ito ng ilang awtoridad.

Posible aniyang maging daan pa ito ng korapsiyon na kunwaring manghuhuli ng mga babaing nakasuot ng maikling damit, pero iyon pala ay papakawalan din sakaling makipag-areglo ng pera.

Pagtatapos ni Malapitan, sa lahat ng oras at sa lahat ng araw, dapat respetuhin ang lahat ng kababaihan, anuman ang kanilang kasuutan.