Si PRO3 RD Rhodel Sermonia, bow!

August 21, 2020

KASAMA tayo sa mga “nagulat,” dear readers, nang mabalitaan natin kamakailan na “kinaladkad” sa Ombudsman ni San Antonio, Nueva Ecija mayor, Arvin Salonga, si PRO3 regional director, P/BGen. Rhodel Sermonia.

Sa mga balita, ‘na-high-blood’ si yorme Salonga dito kay “RD,” matapos alisin sa puwesto si San Antonio COP (chief of police) Major Roderick Corpus at itapon, ehek, ilipat, sa Tarlac PNP.

“Maganda” naman (daw) kasi ang relasyon ng lokal na pamahalaan ng San Antonio at PNP sa liderato ni Corpus, kaya, bakit nga naman inilipat ng puwesto? Bakit nga ba, hehehe!

Nagagalit din si Salonga dahil lumalabas na hindi man lang siya nakonsulta ni RD sa kanyang desisyon.

At dahil “bihirang mangyari” na umabot pa sa Ombudsman ang hindi pagkakaunawaan ng isang mayor at isang opisyal ng PNP, siyempre, “nagpiyesta” ang lokal na media at ang mga miron, ahahay!

Pagpapakita naman ng kanyang malawak na pang-unawa, bilang isang beteranong pulis, na ang insidente ay hindi na masyadong binigyang-pansin ni RD Sermonia. Bagkus, “tutok” lang siya sa trabaho, bagay na katangian ng mamang ito.

Dangan kasi, bagaman hindi kami personal na magkakilala, kahit paano ay nasubaybayan natin ang kanyang ‘career’ bilang pulis sa Caloocan, Calabarzon at CIDG. Kilala kasi siyang “malapit” kay ex-CIDG director at congressman, Samuel ‘Sammy’ Pagdilao.

Kung saan ang destino noon ni Gen. Sammy, na isa sa mga naging opisyal ng PNP na malapit sa media, palaging kabuntot, ehek, ‘andun din, si Gen. Sermonia.
Ngayon naman, bilang RD, pinatunayan naman ni Gen. Rhodel na mayroon siyang “K” bilang isa sa mga ‘rising stars’ ng PNP.

Sa opinyon pa nga ng mga miron, “suwerte” ang Central Luzon dahil nang “tumama” itong pesteng ‘COVID-19,’ nasa posisyon si RD Sermonia para makatulong.

At isa sa mga pinupuri ngayon ng kanyang nasasakupan ay itong kanyang ‘Rektang Konek Aksyon Agad’ (RKAA).

Ang RKAA ay isang public service program ng PRO3 na sinusubaybayan ngayon sa Central Luzon sa telebisyon, radyo at kahit pa sa Internet. Layon nitong direkta at mabilis na maaksyunan ng PRO3 ang ano mang reklamo at hinihinging tulong ng mga residente.

Binanggit pa ng ilang miron na ngayong panahon ng pandemya, “pinalawak” pa ni RD Sermonia ang kanyang programa na mayroon ding ‘Rektang-Bayanihan Adopt a Family Program’ kung saan halos isang milyong indibidwal ang natulungan, wow! Komento pa nga ng iba:

“Maituturing nating ‘bayani’ si Brig. Gen. Sermonia  dahil kanyang pagsisikap at inisyatiba nang siya ay makaisip ng isang konsepto at paraan para magtulungan at matulungan ang mga nangangailangan sa kanyang lugar, lalung-lalo na ang mga kapus-palad, na nasa malalayong lugar sa Gitnang Luzon.” Nakakaluhang papuri lalo pa kung taos sa kalooban, hindi ba, kasamang Non Alquitran, hehehe, ayy, huhuhu!

At bakit hindi tatayo ang balahibo ng mga miron sa papuri na mistulang malakas na ulan na bumubuhos dito sa RD ng Gitnang Luzon samantalang “libo-libo” rin ang nagsilapit sa ‘Rektang-Bayanihan’ para naman makiisa sa pagsisikap ng PRO3 at mag-alok din ng kanilang  tulong, donasyon na gaya ng bigas, delata, at anumang mabilis na makakain sa panahon ng sakuna, mga personal na gamit gaya ng hygiene kits at maging mga buhay na manok mula sa napakaraming donor upang makain ng mga naghihinagpis.

Iniikot ni Gen. Sermonia ang mga probinsiya upang direktang ipaabot sa mga mamamayan ang mga biyaya ng Rektang Bayanihan.

Kailangang ang ganitong klase ng inisyatiba ay ipamalas din ng ating kapulisan sa iba’t-ibang parte ng bansa.

Take note: Nagawa naman ng maayos ni Brig. Gen. Sermonia na ang mga donasyon ay maibigay sa lahat ng nangangailangan sa tulong na rin ng lahat ng yunit ng PRO3.

Katunayan, magmula noong Marso 17, hanggang nito lamang August 13, mayroon ng 918,650 pamilya ang nabigyan ng tulong o ayuda ng Rektang-Bayanihan ni Sermonia.

Translation? Hindi kataka-taka na sa ika-119 Police Service Anniversary noong Agosto 6, nabigyan ng ‘Special Individual Award’ si RD Sermonia dahil sa kanyang mga naging inisyatiba upang makatulong sa publiko sa gitna ng krisis na dulot nitong COVID-19.

Bago ito, noong Hulyo 30, nang gunitain naman ang ika-25 Police Community Relation Month, nabigyan din si RD at ang PRO3 ng Special Unit Award dahil sa kanyang malaking kontribusiyon sa programa ng PNP na Kapwa Ko, Sagot Ko.

Dahil sa programa niyang ito at sa tulong na rin ng mga opisyal at mga tauhan ng PRO3 naipadadaloy ang mga tulong ng maayos sa gitna ng mga umiiral na Community Quarantine ng pamahalaan.

Ayon pa rin sa datos ng PNP, bumaba ng higit 24 porsiyento ang insidente ng krimen sa Central Luzon kung saan umabot din sa higit 122 kilos ng shabu ang nakumpiska ng PRO3 sa inilunsad nitong 5,189 anti-drug operations. Ang mga nakumpiskang shabu ay tinatayang nagkakahalaga ng halos P800 milyon kung saan 7,945 suspects din ang nadakma.

At pagdidiin pa ng mga miron: “walang nangyaring recycling” sa mga droga na yan, alright?

Hmm. Marami rin naman palang talaga at sadyang kapuri-puri ang performance ngayon ng PRO3 sa ilalim ni RD Sermonia, kaya wala na tayong masasabi kundi… ayos na ba, Pareng Joel Sy Egco, hehehe!